“Nagkataon, Nagkatagpo”

 

Nakita na kita, pero nakatingin ka sa iba. Nagkasalubong na tayo, pero nilagpasan mo lang ako. At ako’y napahinto, sabay lingon, at nakita kita ulit, papalayo…Nagkataon hindi nagkatagpo…pero ‘yung puso ko tangay tangay mo…

At sa pangatlong pagkakataon, ako ulit ay napalingon. At muli mga mata natin ay nagkasalubong. Hanggang doon na nga lang ba tayo…? Tinginan..? Pero hindi lahat ng tingin may ibig sabihin. Hindi lahat ng haplos, sa puso tumatagos. Hindi lahat ng mga hakbang, may patutunguhan. Lalo’t yung taong totoong nagmamahal sa’yo, naiiwan.

Gustong-gusto kitang sundan, pigilan, pero binigyan mo ako ng dahilan para hindi gawin ‘yun. Kasi habang ika’y papalayo, mayroon namang papalapit.

Siya – siya na kailanman ay hindi magiging ako. Kasi, siya, nakikita ng mga mata mo. Parang mapangahas na hangin na humahalik sa pisngi mo at ikaw ay napapangiti. Ngiting sinuklian niya at doon nagsimula ang hindi natin naumpisahan.

Pero teka, pa’no nangyari yun? ‘Yung hindi mo napansing hawak-hawak mo ang puso ko? Wala ka bang mga kamay? Joke. Natawa ako sa naisip ko. Ako ‘ata ang walang mga kamay, ni hindi man lang ako sa ’yo kumaway – “kaway kaway” ng pusong nalulumbay.

Habang kayo’y papalayo…, p’wede bang pakibitaw ng puso ko? Mamaya kung saan saan mo lang ‘to iwan tangayin pa ng aso. At least, ‘andito pa ako para damputin ‘to. At least, hindi pa ‘to durog at lasog. Kaya pa nitong huminga at ipagkibit balikat ang lahat.

Malay natin, mag-iba ng ihip ang hangin.

Parang dasal na awtomatikong dininig ng langit, biglang may yumakap sa likuran mo sabay bulong “na miss kita..!” At binalot ng kilig at kaba ang pagkatao mo nang marinig ang isang pamilyar na boses.

Akalain mo, kung saan saan tayo nakatingin kaya hindi natin namamalayang mayroon din palang lihim na nakatingin sa atin, naghihintay na mapansin.

Kaya hayaan mo na siyang lumayo. Ang taong laan sa ’yo kusang lalapit. At yayakap sa ’yo nang mahigpit.

Mahigpit na mahigpit.

Kaway kaway para sa mga pusong muling pinagtagpo.

Kaway kaway saying goodbye para sa mga matang hindi man lang nakuhang tumingin sa ’yo.

Kaway kaway saying hello dun sa mga matang sa ’yo lang nakatingin, ikaw lang ang nakikita.

At ngayon, yakap yakap mo.

Hahayaan mo pa ba siyang makawala?

(Photo credit: Pinterest)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:nomatterwhat214