Nagbalik na Ako (Kabanata XII)

Nagbalik-Na-Ako-256x260“Kumusta na si Alexa?” tanong niya.

“A-Alexa?” tanong ko.

“Oo, ‘yong–“

“Paano?”

“Hiniram ko ‘yong libro mo noong isang araw, ‘di ba?”

“Pakialamero,” naiinis na sabi ko.

“Iniipit mo kasi kung saan-saan e. Bakit sa yellow paper ka nagsusulat? P’wede naman sa isang notebook mo isulat ‘yon.”

Hindi ako umimik.

“Sorry.”

Napabuntong-hininga ako.

Ngumiti siya. “Ang ganda.”

“Hindi pa tapos iyon. Hindi ko rin alam kung isusulat ko pa ang nasa isip ko.”

“Bakit naman?”

“Sa tingin mo ba may babasa? At paano ko ipapabasa sa iba?”

“Ituloy mo tapos itago mo muna. Maipa-publish ‘yon pagdating ng araw, maniwala ka.”

Tumawa ako. “Bolero.”

“Basta ipagpatuloy mo pa rin,” sabi niya. “Ako muna ang babasa.”

“Ewan ko sa’yo!”

“Halina kayo, handa na ang hapunan,” nakangiting sabi ni Lola Impyang, ang lola ni Leo.

“Almira, ito nga pala sina Nanay at Tatay,” sabi niya sabay turo sa kanila. Sunod niyang ipinakilala sa akin ang mga kapatid niyang sina Roselia at Noel.

“Ikaw pala ang kasintahan ni Junior,” masayang sambit ng kanyang ama.

“Lagot ka tatay!” biglang sigaw ng batang si Roselia.

“Selyang,” saway sa kanya ni Noel, kaedad ko lamang siya sabi ni Leo.

“Sabi ni Kuya ‘wag nila siyang tatawaging Junior sa harap ni Ate Almira.”

“Selyang!” saway ni Leo.

“Wala naman masama roon,” nakangiting sabi ko. “Si Kuya Emil, Junior din ang tawag sa kanya ni Papa.”

“Siya nga pala, matagal na ba kayong magkasintahan?” Tanong iyon ng kanyang ama.

Napansin ko na natigilan sa pagkain si Leo. “Tay–“

“Ngayon pa lang ho,” sagot ko.

Walang makikitang kahit ano sa langit. Ilang minuto na lamang bago sumapit ang ikapito ng gabi. Kanina pa kami naglalakad papunta sa bahay namin, malapit na rin kami sa amin. Tahimik kaming naglalakad. Hindi kami nag-uusap simula pa noong lumabas kami ng bahay nila.

“May problema ba?” Hindi ko na natagalan ang katahimikang pumapagitna sa amin.

“Wala.” Mababa pa rin ang boses niya. “Pasensya ka na sa kanila.”

“Ha? Bakit?”

“Hindi ko naman sinabi na girlfriend na kita. Sabi ko nililigawan pa lang kita.”

“Gusto mo ba nililigawan mo lang ako?”

“Ha?”

“Ayaw mo ba na maging tayo na?”

“Hindi ba napilitan ka lang kanina?”

“Totoo iyon.”

Hindi na siya sumagot. Niyakap lamang niya ako. Nagpatuloy ang mabilis na pagpatay-sindi ng ilaw sa posteng katapat namin — tila nakikisabay sa sayaw ng dalawang puso na ngayon ay naging isa.

“Bakit inililihim mo ang relasyon ninyo?” tanong ni Ate.

“Ate, anong lihim doon? Alam naman ng buong pamilya natin pati na ng mga kaibigan ko. Alam na rin ng pamilya niya.”

“Pero tinatago ninyo sa iba, sa ibang tao.”

“Ako ang may gusto ng ganito.”

“Pero bakit nga?”

“‘Wag ka na magtanong, Ate. Basta, kahit kay Althea ‘wag mo ipapaalam.”

Hindi ko sinabi sa kanya ang dahilan kung bakit ayaw kong ipaalam sa iba. Ayaw ko muna. Iniisip ko pa rin ang magiging reaksyon ni Althea. Hindi pa ako handa. Hindi ko rin alam kung kailan ba ako magiging handa.

“Hindi ko naisip kahit kailan na si Leo pala ang magiging una mong boyfriend.”

“Hindi naman talaga siya,” bulong ko.

“Hindi ka ba natakot?” tanong niya.

“Natakot saan, Ate?”

“Alam mo naman kung gaano niya kamahal si Althea noon.”

Ngumiti ako. “Hindi.”

“Hindi mo ba naisip na baka marami pa akong hindi naikwento sa’yo?”

“Ate, hindi ko naramdaman kahit kailan — simula noong magtapat siya — na may dapat akong ikatakot.”

Ngumiti siya. “Mukhang mahal ka rin naman talaga niya. Maswerte ka, Almira.”

“Alam ko ‘yon.”

“Masaya rin ako para kay Althea.”

“Kumusta nga pala sila ni Lucio?”

“Wala ka bang balita?”

“Hindi siya nagkukwento sa amin.”

“Maayos ang takbo ng relasyon nila. Seryoso talaga si Althea sa pagkakataong ito.”

“Mabuti naman kung gano’n. Sa totoo lang, hindi ako boto sa kanya para sa kaibigan ko.”

“Nagbago na siya.”

“Sana nga.”

Dapat ba akong maniwala?
(Itutuloy)

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a former Manila Bulletin reporter, a passionate literary writer, and a resource speaker. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016