Nababahiran ng ‘Network War’ ang Kontrobersiya ni Vhong Navarro?

Logo2Maaaring walang umamin nito, alinman sa ABS-CBN 2 o GMA 7, pero ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng actor-comedian na si Vhong Navarro ay unti-unting nababahiran ng matagal nang iringan ng dalawang higanteng network sa bansa.

Kalat na sa balita at sa social media ang insidente bagamat wala pang nakakaalam ng totoong pangyayari maliban na lamang siyempre sa  dalawang panig na nasasangkot, at sigurado tayo isa sa kanila ang nagsisinungaling.

Siguradong sisikat, kahit panandalian, sina Deniece Millet Cornejo at si Cedric Lee, magtetrending sa Twitter at malamang most-searched sa Google ang mga pangalan nila.

Hanep, nung isang araw lang ay hindi natin sila mga kilala.

Sa isang iglap ay naging instant celebrity, nalalambungan nga lang ng misteryo at pagdududa sa kanilang pagkatao.

Pero bakit parang nauuwi yata sa proxy war ng channel 2 at channel 7 ang kontrobersiya.

Saan nga ba nagsimula ang lahat?

Si Vhong ay talent ng ABS-CBN kaya natural lang na sa kanila magsimula ang balita.

January 22 pa nangyari ang umano’y pambubugbog sa aktor, pero January 24 na inilabas ng channel 2, o dalawang araw matapos ang pangyayari.

Ayoko mang isipin, pero parang may nagkokontrol sa likod ng mga isyu bago ito ipalabas sa publiko. Mauunawaan natin, at alam ito ng mga think-tank ng channel 2, na ang iskandalo ay malaking mileage sa ratings ng network kaya tiyak  planado ang lahat kahit pa sabihing hindi ito ang gustong mangyari ni Vhong.

Alam niyang wala siyang magagawa kasi may kontrata siya sa Dos.

Sa unang bugso ng balita, buhos halos lahat ang simpatiya ng publiko sa ‘It’s Showtime’ host dahil siya ang nagmukhang biktima sa mga unang report na nailabas sa media, particular na ang statement ng kaniyang manager na si Chito Rono.

Si Vhong daw ay biktima ng extortion, blackmail at set-up, maliban pa sa pisikal na pang-aabuso.

Pero isang araw ang lumipas, ipinalabas naman ng GMA 7 ang report ng umano’y blotter ni Deniece at ng kaniyang mga kaibigan laban kay Vhong sa kasong attempted rape.

Dito na muling sumiklab ang matagal na at pabalik-balik na iringan ng dalawang istasyon.

Ano ang mga sumunod na pangyayari?

Nagkaroon ng exclusive interview ang Dos kay Vhong at ang pinadala nila ay si Boy Abunda, na masasabi kong isa sa may kredibilidad na host ng istasyon, na pwedeng paniwalaan ng publiko.

Isiniwalat ni Vhong ang kaniyang bersyon ng buong pangyayari. Nanindigan ang komedyanteng siya ang biktima, katulad ng mga nauna niyang mga pahayag.

At mukhang matagumpay na nagampanan ni Boy Abunda ang kaniyang papel. Lumambot ang publiko sa nagbabadya sanang pangungutya kay Vhong ng mga tao kung hindi siya nagsalita.

At the same time, lumabas din ang mga balitang may koneksiyon ang sangkot na dalagang si Deniece sa GMA 7. Pamangkin sa apo raw siya ng isang dating presidente ng GMA Network sa loob ng 20 taon na si Rod Cornejo .

At para lalo pang palakasin ang koneksiyong ito, may lumabas na Instagram photo ni Deniece  kasama niya ang GMA 7 executive na si Felipe Gozon at may komentong nagsasaad ng ganito: “With lolo felipe gozon ceo of GMA 7 it was nice to hear that they want me to be one of their princess #letmethinkitover #23rdtourismawardsnight”

Naging maagap naman ang GMA 7 para pabulaanan kaagad ang lumalabas na kaugnayan niya sa estudyanteng modelo.

Naglabas ito ng opisyal na pahayag na nagsasaad ng:

“This is to clarify that the complainant involved in the Vhong Navarro incident is not related to GMA Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon.”

Pero, saan biglang nagkakulay ng nakatagong iringan ng dalawang istasyon ang lahat?

Dito sa sumunod na binitawang salita ng GMA, sa pagpapatuloy ng statement nito. Anila:

“The report about the alleged attempted rape was based on the blotter filed at the Investigative Section of the Southern Police District where Vhong Navarro was taken after the incident. Other news organizations also reported it.”

Sa pagkakaalam ko ang Siyete ang kaunaunahang media outlet na naglabas ng anggulong attempted rape laban kay Vhong.

Maaaring hindi inaasahan ng GMA reporter ang mga susunod na reaksiyon ng Dos at ng mga tao, pero naniniwala akong ginawa lang niya ang trabaho niya.

Pero sa huling mga salitang binitawan ng GMA 7, bagama’t walang direktang pag-aakusa ng kabila, nararamdaman nilang sila ang sinisisi ng Dos sa anggulong attempted rape ng talent nito, dahilan upang malagay sa alanganin ang kredibilidad ni Vhong.

At gayundin, bagama’t walang tuwirang pag-amin mula sa Dos, hindi mo maiiwasang isipin kung sino ba ang nasa likod ng mga isyung inuugnay si Deniece sa GMA 7.

Kahit mismo si Cedric Lee, isa sa kaibigan ni Deniece na sangkot din sa iskandalo, ay napapansin ang mistulang pag-usbong ng ‘network war’ habang nagpapatuloy ang drama.

Sabi niya sa isang post sa Facebook:

“This is not about the STATION WAR people, open your minds! Ganyan na ba kayo kabobo? Napakadali niyong maniwala sa mga balita. The main reason her is Vhong Navarro committed ah [sic] frustrated rape. Sa madaling salita pinagtatanggol niyo ang isang RAPIST!”

Oh, kitam? Hindi lang pala ako ang nakakapansin…sila din mismo.

Tahimik pa ang mga higante ng dalawang istasyon, nagtatantiyahan, nagmamatyag…wala pang gustong magdeklara ng giyera…siguro.

Hindi natin alam kung ano ang kanilang mga susunod na hakbang.

Ayokong talakayin dito kung sino sa dalawang panig nina Vhong at Deniece ang nagsasabi ng totoo, at kung sino ang nagsisinungaling.

Lubha pang maaga para magbigay ng konklusyon…marami pang posibleng lumabas na impormasyon.At hanggang ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo nina Deniece at Cedric.

Mas makakabuting ang kinauukulan na lang ang magtaya kung sino ba dapat ang parurusahan. At saka may mga butas ang kwento ng parehong panig ayon sa kanilang paglalahad.

Una, bakit hindi agad nailabas ng kampo ni Vhong ang insidente, at naghintay pa ng dalawang araw.

Sa kabila naman, bakit ayon daw sa blotter, ipinahayag ni  Deniece na wala na siyang plano pang magsampa ng demanda kay Vhong kung talagang inagrabyado siya nito.

Ang mga anggulo ng droga kuno at iba pa, ay maaaring magpagulo o magbigay ng linaw sa kaso bagama’t hindi natin lubusang kilala ang mga sangkot.

Si Cedric Lee naman, ayon sa nabasa kong isang report ay nasangkot na rin daw sa kahalintulad na kaso. Noong 2008, itong dating BF ni Vina Morales, ay isa daw sa limang ipinatawag ng NBI para imbestigahan sa kasong pagnanakaw ng mga alahas at mamahaling gamit ng decathlete na si David Bunevacz.

Marami pa tayong hindi alam sa kanila.

Ganun paman, kung meron talagang nagbabadyang network war, hanggang saan kaya ito hahantong?

Nakikialam nga kaya ang management ng Dos sa kaso ni Vhong? Bakit at paano?

Kung ginagawa ito ng Dos para protektahan ang kanilang talent, gagawain ba nila ito kahit na baluktutin pa ang katotohanan?

At kung patulan ng Siyete ang giyera, ano naman kaya ang magiging intension nila, maliban sa sirain ang kabila?

Hmmm…

Abangan na lang natin kung ang namumuong ‘network war’ na ito ay tuluyang sumambulat at maging ALL-OUT WAR!

Enhanced by Zemanta

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.