Naalala mo? Ang ice cream na inilalako ni Mamang Sorbetero

Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Google Image Public Domain

Napakainit ng panahon ngayon. Konting kibot, tiyak na pagpapawisan ka na kaagad. Gusto ng mga tao ngayon ang lugar na malamig, inumin at pagkaing malamig. Isa sa mga bida riyan ang “ice cream”.

“Kring! Kring! Kring! Kring!” 

Kapag narinig na ito ng mga bata, lalo na noon, agad nang magsisitakbo ang mga ito palabas ng bahay upang salubungin ang “pinakagwapong tao” sa balat ng lupa, sa mga panahong iyon: si Mamang Sorbetero.

Kaya naman, muling nanumbalik sa gunita ng mga netizens ang “alaala” ng pagbili ng sorbetes na inilalako sa mga kalsada noon.

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Ssenh Pascua” sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang larawan ng isang sorbetero.

Batay sa caption, kuha ito noong 1963 sa Maynila.

“Mamang sorbetero, Manila 1963. Isa ka rin ba na laging nag–aabang kay Mamang Sorbetero? Anong flavor ng ice cream ang favorite mo?”

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Tumugon naman dito ang mga netizens.

“Ako yung garapong may tubig na may mas maliit na garapon sa loob at kailangan ma-shoot mo yung singko sentimos para makalibre ka hahaha. I like langka, mangga, at ube.”

“Hanggang ngayon meron niyan dito sa amin, malapit lang sa bahay namin ang gawaan ng ice cream. Sarap niyan. Gustong–gusto ko ang chocolate, mango, at ube.”

“Avocado at langka flavor ang gusto ko. Tapos ipinapalaman namin sa monay, na tinda rin ni Mamang Sorbetero. Ngayon yata, hindi na alam ng kabataan na pwedeng ipalaman ang sorbetes sa tinapay.”

“Gustong–gusto ko ang keso, tapos yung apa na matigas ang gusto ko, hindi yung parang papel na madaling mapunit, natatapon tuloy kaagad ang sorbetes.” 

Isang netizen naman ang nagbahagi ng isang sumikat na awiting kaugnay ng sorbetes. 

“Mamang sorbetero, anong tinda mo? Tinda mong ice cream, gustung-gusto ko. Init ng buhay, pinapawi mo. Sama ng loob, nalilimutan ko.”

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Sa kasalukuyan, may mga “Mamang Sorbetero” pa ring umiikot–ikot sa mga iskinita, kinakalembang ang kampanilya, upang magtinda ng sorbetes sa abot-kayang halaga.