My Uncle, My Father, Former OFW, a Hero to us!

397404_407572515997150_2069320077_nIsang seaman si Uncle sa loob ng kulang-kulang tatlong dekada. Lumaking mahirap at nagsikap na iahon ang mga magulang sa kahirapan. Panganay siya sa pitong magkakapatid. Napangasawa niya ang auntie ko na kapatid naman ni tatay. Hindi ko siya kadugo, ngunit para sa aming mga pamangkin niya, higit pa sa tatay ang naging papel niya sa amin.

Maliban sa dalawang anak nila ni Auntie, marami siyang ampon – kaming mga pamangkin niya na pinag-aral sa high school at college. Kung tama ang bilang ko, labing-anim kaming napag-aral niya sa kolehiyo mula 1998 – 2007. Dalawa sa Fatima University bilang nurse at Physical therapist, ang anak niya sa Adamson, Isang nautical engineer sa PMI, dalawang HRM sa Divine Mercy, dalawang teachers sa PNU at isa sa Divine, Accountancy sa University of Caloocan City, Practical Nursing sa ACTEC at iba pang kurso sa iba’t ibang universities sa NCR.

Si Uncle ang tumatayong breadwinner hindi lamang ng kanyang pamilya kundi tila ng buong angkan sa Padilla (side ni auntie) at Faelogo (side naman niya).

Namatay ang tatay ko noong 1997 at noong 1998 ay lumipat kami sa Bulacan at tumira kami sa maliit na kuwarto ng kanilang bahay. Nang mag-aral ako sa college, doon din ako nakatira sa bahay nila sa Malabon.

Isa ako sa pinagkatiwalaan ng auntie ko (asawa niya) na humawak ng kanilang ATM card para kumuha ng allotment ni Uncle bilang seaman. Isa ako sa mapalad na nakapasok sa mga opisina niya sa Makati tuwing may ipinadadala siyang gamot sa sakit niyang diabetes.

Matagal nang maysakit si Uncle at kung patuloy man siyang nakasampa sa barko sa kabila ng kanyang kalagayan, iyon ay dahil gustong-gusto siya ng pamunuan ng kumpanyang kanyang pinagtatrabahuan. Kung pakikipagkapwa-tao lang ang pag-uusapan, si Uncle ang number 1. Minsan nga, kapag nagsisidatingan ang mga kasamahan niyang seaman, nagkukuwento sila na kung sila raw ay tumitikim ng babae sa pagdaong nila sa ibang bansa, si Uncle daw ay nag-oovertime at walang oras sa mga ganoong gawain. Hindi nakapagtatakang nakuha niya ang respeto at pagmamahal ng kahit na sinong nakasama niya sa gitna man ng karagatan o sa komunidad na kanyang kinabibilangan.

Kung may isang ugali pa siyang dapat hangaan ay iyong pagtulong sa kapwa. Wala na sigurong makapapantay sa kanilang ginawang pagtulong sa mga kamag-anakan at kapwa tao. Ang buong compound na kinatitirikan ng bahay nila ay puno ng kamag-anak dahil gusto nilang sama-sama ang lahat. Kung isang sales representative ka at tumawag ka sa bahay nila at nandoon siya, siguradong bibili siya ng iyong paninda. Naalala ko iyong babaeng tawag nang tawag na binilhan niya ng sofa bed. Inaalok kasi siya ng iba pang produkto. Sabi ni uncle, “Hayaan na ninyo. Maliit lang ang commission niyan. Tulong na lang natin ang pagbili ng paninda niya”.

Noong nakaluwag kaming mag-anak at nagdesisyong umalis sa kuwarto ng kanilang bahay at lumipat sa apartment, may bahid pa ng pagtatampo ang pagkakasabi niya ng,

“Sige, ganyan na kayo. Porke kaya na ninyo, iiwanan na ninyo kami”.

“Uncle, kaya na namin kaya iba naman po ang tulungan ninyo. May mga trabaho na po kami“, sagot ko naman.

Malaki ang naging bahagi ni Uncle sa aking pagpunta sa ibang bansa. Hindi ko alam ang kultura ng Morocco kaya sa kanya ako humingi ng payo kung itutuloy ko ba ang pangingibang-bansa. Siya ang isa sa mga sumuporta sa akin. Sa katunayan, sa kanya nanggaling ang winter clothes ko at maleta rin niya ang ginamit ko noong unang umalis ako.

Hindi ko rin maiwasan ang ma-touch nang umuwi siya at pinagkatiwala sa akin ang combination ng attaché case niya. Pabiro pa niyang sinabi na “Kung magkasunog dito, ito kaagad ang unahin mo ha?”. At nang minsang inutusan ako ng auntie ko na magpapalit ng 1000$ sa money changer ay natakot ako (kasi hindi pa ako nakahawak ng ganoong kalaking pera noon), sinabihan niya ang auntie ko na “ninenerbiyos ang bata. Baka mamaya, may mangyari pa diyan. Sa iba ka na lang mag-utos o kaya huwag mo siyang paglakarin mag-isa”.

Ganoon si Uncle mag-alala. Minsan pa, nakatatawang nagself-pity ako noong ako ang pinakahuling nakasakay sa revo nila. Ako kasi ang bantay sa tindahan nila noon at noong bago ang sasakyan nila, lahat ng tao sa bahay ay pinaranas niya ng tinatawag na “joyride”. Pagkasabi kong hindi pa ako nakasakay, sabi niya, “Halika, Raquel. Ilibot kita sa buong Maynila”.

Ayun, mula umaga hanggang gabi ay kasama nila ako 🙂

Noong minsang narinig pala niya ang pag-uusap namin ng kapatid ko na masakit ang likod ko sa kama namin na tinutulugan, binilhan niya kami ng bagong kutson. Ganyan mag-alaga si Uncle; hindi lamang sa akin kundi sa aming lahat.

Hindi ko sinasabi ito dahil wala na siya dahil ang totoo, bago pa siya nawala ay alam niya kung gaano namin siya kamahal. Siya talaga ang dahilan kaya ako nagsusulat tungkol sa buhay ng OFWs. Siya ang isa sa inalayan ko ng aking unang libro at makikita iyan sa ikaapat na pahina nito.

Sa aking pagbabakasyon nitong December 2012, nakausap ko at nayakap si Uncle sa huling pagkakataon.

Nawala man si Uncle sa buhay naming lahat,  iniwan niya kaming punung-puno ng kanyang pagmamahal dahil buong buhay niya, inialay niya sa aming mga kapamilya at mga kamag-anak niya.

Nawala man siya dito sa mundo,  para sa aming nakakikilala sa kanya, ang alaala niya’y hindi mawawala kailanman.

Hanggang sa muli, Uncle! Mahal na mahal ka naming lahat! May You Rest In Peace! You lived your life according to His teachings and I know you are with our Creator now. Sana ang mga alaala mo ay hindi mabura sa puso at isipan ng iyong mga naiwan. Hanggang sa muling pagkikita!

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws