My 1.2 Million Pesos [An OFW Story]

Dati iiyak pa ako para mabigyan ng barya ni Nanay at Tatay pambili ng sitsaron at candy.

Dati kailangan ko pang punuuin ang isang water jug o tatlong gallon ng tubig bago ako bigyan ng limang peso pambili ng saging.

Dati kailangan ko pang linisin ang buong bahay at walisan ang buong bakuran bago ako bigyan ng beinte pesos para sa project ko.

Dati kailangan ko pang maghintay ng isang buwan bago makuha ang isang daan na allowance ko sa pag-aaral sa kolehiyo.

‘Yan ako dati; hirap makahawak ng pera sa tulad kong anak ng mahirap.

Kay hirap ilagay sa bulsa ang barya at kay hirap hanapin ang pera sa baryong kinalakihan ko. Kailangan ko pang ubusin ang luha sa kaiiyak at ibuhos at patuyuin ang pawis sa sakahan bago maaninag ang kaunting kinang ng salapi sa ilang buwan pagkatapos ng anihan. Nakalinya ang palad ko sa kahirapan!

May kasabihan na ang buhay ay parang gulong; minsan nasa ibaba, minsan nasa ibabaw.

‘Ika nga, paiikot-ikot lang ang kapalaran.

Kung maabutan ka sa tinatawag na suwerte ay talagang; You’re lucky! Pero, kapag inabangan ka naman ng malas , ay naku… Keep trying and kayod pa, keep your dream alive!

Tama, minsan din akong naabutan ng tinatawag na suwerte, suwerteng naranasan ko kahit patuloy ko pang hinahabol.

December 2004… Noon ko naranasan ang makahawak ng tinatawag na salapi, pera na hindi ko pa naranasang mahawakan noon. Tinangay ako ng agos ng buhay dito sa dayuhang bansa sa Gitnang Silangan; bansa na kung saan nagbago nang kaunti ang takbo ng pamumuhay namin, bansa nakung saan naranasan kong hawakan ang 10 thousands pesos na hindi ko pa naranasan kailanman — noon.

‘Yan ang isang buwan na sahod ko kahit 700 dirhams lang ang isang buwan ko bilang isang kasambahay, pero napakataas ng palitan ng dolyar noon, umabot ng 56 pesos. Bongga sa mga taon na ‘yun. Hindi ko ito kikitain kung nanatili ako sa baryo o nangatulong sa lungsod o siyudad man, kasi ang pinakamataas na pasahod nila ay 3 thousand pesos lang!

Malaking kaibahan talaga pag kasambahay ka sa ibang bansa; suwertehan nga lang din sa magiging amo.

Ang akala ko na dalawang taon na pagsasakripisyo na mapalayo sa pamilya ko ay sapat na para mamuhunan sa pinaghirapan ko ay malaking mali pala!

Umabot ako ng limang taon at limang buwan na, wow! At sa tagal na pagiging isang OFW na kasambahay ay kumita na pala ako ng 50,800 dirhams na umabot dati ng 711,200 pesos.

Pordosporsanto, tama ba ang kuwentada ko?

Mahigit sa kalahating milyon na pala ang  kinita ko?

Pero, teka saan ba napunta ang malaking halaga na ‘yan?

Well, ‘yan ang malaking katanungan ko rin dahil hindi ko nahawakan kung gaano kakapal ang halagang ‘yan.

Hay, naku! Puro kuwentahan na lang sa numero. Mga numerong nakasulat sa resibo ng Western Union at MLhullier, dahil sa dami ng pera ay hindi man lang nakabili ng damit at tiis na lang sa mga tinatapon o binibigay ni Amo.

Kahit mumurahin o branded, naka-save na rin sa budget. Ngayon, mahigit sampung taon na ako bilang isang OFW na kasambahay sa dalawang bansa dito sa Gitnang Silangan.

Teka, magkano na ba lahat ang kinita ko? Calculator, I need your help.

Ma’am Kim Henares, nagbabayad kaming mga OFW ng buwis ha Lol! (Pasingit lang po!)

Hala, umabot na pala ng 1,209, 440 pesos ang kinita ko sa sampung taon bilang kasambahay?

Naku, ibig sabihin, naging milyonarya na pala sana ako?

Nasaan na nga ba ang 1.2 milyon na ‘yan? Bakit bulsa ko ay walang laman at pitaka ay wangwang!

Bakit nandito pa rin ako hawak ang mop at vacuum gayong kumita na pala ako ng mahigit isang milyon?

Bakit tiniis ko pa ring magutom at kumain ng tirang pagkain at kubos gayong kumita na pala ako?

Ang sagot ko ay— Hanggang numero lang kasi ang 1.2 milyon na ‘yan; isang katotohanan na lipad hangin na kita lang.

Pero sa isang banda, hindi naman nasayang ang pawis at dugo ko sa paghahanapbuhay.  Napunta nga lang sa aking pamilya, sa aking anak na ngayon ay lumaki na at nag-aaral.

“Yun…’yun ang katotohanan.  Hindi man nahawakan ng aking mga kamay ang limpak-limpak na salaping kinita, nabuhay ko naman ang aking pamilya at nabigyan ng mas maayos na pamumuhay. Bonus na ‘yung makasingit ka kahit maliit na tahanang matatawag mong iyo.

Sige…trabaho pa tayo!  Kikitain pa natin ang another million pesos na yan!  hahaha  Patak-patak nga lang at magwais-wais din tayo pag may time.

 #BloggerJovelyn      #BayaningTunay   #DFBloggerIntl    #DefinitelyFilipino  #DFBI 

jovu poster

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)