Munting pangarap: Maging matinik na lead guitarist bago maging senior citizen

Ilang taon na lang ay mapapabilang na ako sa mahigit walong (8) milyong senior citizens sa ating bansa.

Iniisip ko, ano kaya ang gagawin ko kapag sumapit na ako sa edad 60? Magreretiro at titigil sa paghahanapbuhay at maghihintay na lang ng maliit na buwanang pensyon mula sa Social Security System?

Marami akong kakilalang senior citizens dito sa amin na ang ginagawa upang malibang at mapawi ang kanilang pagkabagot sa buhay-retirado ay paminsan-minsan silang nagsu-zumba sa tapat ng barangay hall. Hahaha… ayaw kong mag-zumba sa harap ng barangay hall kapag isa na akong ganap na senior citizen…dyahe…hindi ako marunong sumayaw….parehong kaliwa ang paa ko.

Noong bata pa ako ay pangarap kong maging isang rock star. Masaya ako kapag napapanood ko sa TV ang mga paborito kong mga bandang rakista; banyaga man o Pinoy. Sabi ko sa sarili ko noon, sana ako rin maging tulad nila. Mukhang masaya ang buhay ng isang rock star.

Edad 21 nang ma-recruit ako bilang miyembro ng isang combo dito sa lugar namin. Nakikita raw nila akong naggigitara (acoustic guitar) kaya inalok nila ako na sumali sa grupo nila. Wow! Matutupad na yata ang pangarap ko, naisip ko noon.

Hindi nangyari ang inakala ko. Mahirap din pala mag-banda. Hindi pala ganoon kadali makisama sa iba’t ibang personalidad sa grupo na may iba-ibang ugali. Mahirap ding pagtugmain ang magkakasalungat naming mga schedules.

Ilang grupo na rin ang nasalihan ko sa pagtugtog.

Noong una nga ay rhythm guitarist ako, tapos naging keyboardist din. Dahil hindi naman ako magaling sa mga instrumento ay ginawa na lang akong bokalista ng grupo. Nasa tono naman akong kumanta.

Hanggang ngayon, kahit malapit na ngang magsisenta anyos ay pagbabanda pa rin ang isa sa mga libangan ko (bukod sa paglalaro ng mobile games). Katunayan, kailan lang ay naarkila kaming tumugtog sa isang lugar sa Batangas.

Ako pa rin ang bokalista ng grupo, pero limitado lang ang nakakanta ko dahil hindi ganoon kataas ang vocal range ko. Para mag-level up naman ang pagiging musikero ko, naisip ko na humawak ng instrumento habang kumakanta.

Gusto kong maging lead guitarist bukod sa pagiging vocalist. Yay! Pero, kaya ko pa kayang matuto mag-lead guitar sa edad kong ito?

KAKAYANIN KO!

Alam n’yo ba ‘yung istorya ng isang matandang babaeng Singaporean (si Grandma Mary) na mahusay mag-lead guitar? Sixty years old na siya nang magsimulang mag-aral maggitara.

Imahe mula sa YouTube channel ni SPH Razor

Nagsimula siya na walang kaalam-alam sa instrumento, pero dahil sa dedikasyon ay natupad niya ang pangarap na maging lead guitarist. Noong nasa 70s na ang edad niya, nagkaroon pa si Grandma Mary ng sariling album at nakadaupang-palad pa ang idolo niya sa gitara na si Carlos Santana.

Siguradong hindi ko na makakadaupang-palad ang idol kong si John Lennon, pero siguro naman ay kaya ko rin na matutong mag-lead guitar kagaya ni Grandma Mary, na ngayon ay mahigit otsenta anyos na.

Noong una kong sinabi sa mga kabanda ko ang pangarap kong mag-lead guitar ay hindi sila makapaniwala…ang ilan sa kanila ay nagsabi pa na mag-stick na lang ako sa pagiging bokalista. Pero mayroon din namang mga nagbigay ng suporta.

Noong nakaraang linggo, nasorpresa sila nang bumili ako ng kauna-unahan kong electric guitar. Isang Squier Fender. Seryoso daw pala ako.

Mag-e-enroll sana ako sa Yupangco Music Academy para sa lead guitar lessons pero hindi kaya ng budget ko ang presyo nila para sa 24 sessions kaya minabuti kong sa internet na lang ako mag-aral. May free online guitar lessons naman akong nakita para sa mga beginner, intermediate at advanced guitarists.

Halos isang linggo na ang lumipas nang magsimula ako sa guitar lessons ko… nagsimula talaga ako sa beginner lessons. Medyo nakakabagot pala….iyon ay dahil alam ko na ‘yung karamihan sa mga itinuturo…’yung mga chords alam ko na at saka ‘yung basic strumming.

Dahil nababagot ay minadali kong tapusin ang beginner level at agad na tumalon sa intermediate level.

Dito sa level na ito ay itinuturo ang mga guitar scales (Major, natural minor, major pentatonic, minor pentatonic at iba pa). Maraming dapat i-memorize…lahat ng nota sa fretboard kailangang memoryado kung gusto mong maging mahusay na gitarista. Hayyy.

Mahaba pala ang prosesong pagdaraanan ko upang maging matinik na lead guitarist, pero tulad ng sabi ko…kakayanin ko. Gagawin ko ang makakaya ko upang maging isang super lolo lead guitarist.

Abangan n’yo.

About iamthewalrus

Tahimik pero sabi nila matinik (yun ang sabi nila)