Muntik Ko Nang Makaharap ang isang Tunay na Demonyo

(Photo Credit: Sininagwapa.blogspot)
(Photo Credit:  Sininagwapa.blogspot)
(Photo Credit: Sininagwapa.blogspot)

Ito ay tunay na nangyari at hindi kathang-isip lamang.

Usok. Makapal na usok. SUNOG! ‘Yun ang agad pumasok sa isip ko nang makita ko ang umaalimbukay na usok na tila nanggagaling  sa kisame ng silid na kinaroroonan ko. Pero teka, kakaiba ang usok na ito. Ang direksyon nito ay pababa na dapat sana ay pataas. Gusto kong kumaripas ng takbo palabas, pero hindi ko nagawa dahil nangalog ang tuhod ko nang mapagtanto ko na hindi nasusunog ang silid kung saan ako nagpapahinga. Nangalisag lahat ng balahibo ko sa katawan nang maisip ko kung ano ang usok na iyon. Demonyo, isa iyong demonyo na nagpasyang  paunlakan ang panawagan ko. Unti-unti, ang maitim na usok ay nagkakahugis…

Nagsimula ang lahat noong taong 1980. First year college ako sa isang unibersidad sa University Belt sa Maynila. Isang araw , umuwi ako sa bahay ng mga tiyahin ko kung saan ako nakikipanuluyan dahil sobrang sakit ng mga ngipin ko. Mumog ng tubig na may asin…nagsepilyo gamit ang sikat na brand ng toothpaste…wa-epek. Masakit na masakit pa rin ang ipin ko. Gusto ko nang i-umpog sa pader ang ulo ko. Ganun katindi ang sakit na nararamdaman ko nung araw na iyon. Nilapitan ako ng pinsan ko at nag-offer ng solusyon.

“May alam akong gamot diyan, cousin…Ipitrin (Magpa-ipit sa tren) o kaya Togmolodon (untog mo ulo mo doon) hehehe”.

“Nakuha mo pang magbiro kita mo  na ngang namimilipit na ako sa sakit, eh”, ang sabi ko. Pero sa totoo lang kahit ano ay susubukan ko maalis lang ang pananakit ng mga ngipin ko.

Umalis ang pinsan ko subalit agad itong bumalik. May hawak siyang maliit na papel at inabot niya iyon sa akin.

“Basahin mo nang paulit-ulit, pinsan. Garantisado ‘yan.”

“Seryoso ka?”, tanong ko habang tinitingnan kung ano ang nakasulat sa munting papel.

“Seryoso, pinsan. Sige , iwanan muna kita.” Nang mapag-isa na ako, binasa ko ang nakasulat. Paulit-ulit kong inusal ang mga katagang hindi ko mawari kung anong lenggwahe. Latin ba  o Griyego? Hindi ko alam pero nagbakasakali akong maaalis nito ang pananakit ng ngipin ko.

Galbes, Galbat, Galdes, Galdat. ‘Yan ang nakasulat sa papel na paulit-ulit kong inusal. Himala ng mga himala, hindi pa yata ako nakakadalawampung beses umusal ay biglang naglahong parang bula ang grabeng pananakit ng mga ngipin ko na kanina lang ay gusto ko ng bunutin ng plais. Ang galing, pero napaisip din naman ako kung totoo nga kayang mabisa o nagkataon lang na pawala na talaga ang sakit ng ngipin ko?

Magkaganunman, hinagilap ko ang pinsan ko at inurirat kung saan niya natutuhan ang orasyon. Ibinigay niya sa akin ang isang kulay pulang pocketbook. Sa pabalat nito ay makikita ang imahe ng isang demonyo na nakaupo sa isang baul ng kayamanan na binabantayan ng mga malalaking ahas.

Binuksan ko ang aklat at sa unang pahina nito ay may nakasulat na ginamitan ng stamp pad…”This book belongs to the private library of Rudy M. San Juan. If not returned, this book is considered as stolen.”

Summer vacation 1981. “Magnanakaw…magnanakaw”...laging sumasagi sa isipan ko. Paano kasi’y pinag-interesan ko at hindi na isinoli ang librong “Magic and Witchcraft” na pag-aari ni Tito Rudy. Isa syang retiradong US Navy.  Nabili nya raw yung libro sa isang second hand bookstore sa Italy. Umuwi na ako noon sa bahay namin sa Cavite at doon ko itinuloy ang pagbabasa ng aklat ng mahika at pangungulam. Maraming magic ang nasa libro…may gayuma, kung gusto mong maging invisible meron din. Ang una kong pinag-aralan ay ang panggagayuma ng mga babeng nagugustuhan ko. Totoo nga yata dahil lahat ng niligawan ko na ginamitan ng gayuma ay napasagot ko ng oo. “Tange, gwapo ka lang talaga kaya marami kang napapasagot na mga dalaga” , ang sabi ng matandang kapitbahay namin na madalas kong makakwentuhan twing umaga habang pinapaarawan nya ang likod nya sa sinag ng araw. Hindi siya naniniwala sa magic-magic. Palakpak naman ang tainga ko sa sinabi niya.

Ang pagiging invisible naman ang napagtripan ng nakababata kong kapatid na lalake na naging curious sa binabasa kong aklat. Kung invisible ka, marami kang magagawa na hindi mo kayang gawin kapag hindi ka invisible. Yung mga posibilidad na iyon ang nagtulak sa kanya na seryosohin ang instructions sa aklat. Kailangang humuli ng pusa na kulay itim ang lahat ng balahibo at pakukuluan ito ng buhay, kukunin ang isang buto sa leeg nito at pupulbusin. Hahaluan ng mga dagta ng iba-ibang dahon,  lalagyan ng konting gatas at papatakan ng dugo ng paniki . Pag ininom mo raw ang likidong may buto ng pusa ay magiging invisible ka na. Hindi naging invisible ang kapatid ko dahil wala naman siyang nahuling pusang kulay itim ang lahat ng balahibo. Sinasaway kasi siya ng mga matatanda kapag nakitang nanghahabol siya ng mga pusa. At isa pa, wala namang mga paniki ang naliligaw dito sa amin.

Mahirap gawin ang mga “potions” at mga orasyon na nasa aklat. Una, mahirap hanapin ang mga ingredients para sa “potions” …dagta ng sari-saring halaman, dugo ng paniki at kung anu-ano pa. Wala pang internet nung araw kaya hindi namin ma-research ang mga pangalan at itsura ng mga halamang kailangan. Sa mga orasyon naman, karamihan sa kanila ay kailangang may susundin na oras at araw kung kailan mas epektibo ang orasyon. Dapat full moon at araw ng Byernes. Ewan kung bakit. Hindi ko kayang sundin. Mabuti na lang ay may “shortcut” na paraan para sa mga katulad kong walang kakayahang sundin letra por letra ang mga instructions sa libro. Ayon sa libro, maaari akong makipagkasunduan sa isang demonyo para makamit ko ang lahat ng naisin ko. WOW! Naisip ko, ganito yata ang ginawa ng mga sikat na ROCK BANDS para sumikat sila…nakipag-blood compact sa diablo. Totoo kaya yung kwento na ganun ang ginawa ng bandang KISS? Ang KISS daw stands for Knights In Satan’s  Service.

Sabi sa libro, kailangan kong sumulat ng kasunduan gamit ang sarili kong dugo pero kung ayaw ko gumamit ng dugo, maaari namang gamitin ang isang pluma o ballpen na bago at hindi pa nagagamit. Ganun nga ang ginawa ko. Matapos kong isulat ang kasunduan, kailangan kong umusal ng orasyon tuwing alas-sais ng gabi habang nasa loob ako ng isang magic circle. Ang magic circle ay yung dalawang triangle na magkabaligtaran kaya mistulang star na may anim na points at nasa loob ng circle. PROBLEMA.

Saan ako magdo-drawing ng magic circle sa sahig ng bahay namin? Baka dagukan ako ng nanay ko kapag nalaman nya ang pinag-gagagawa ko (si Daddy ay kasalukuyang nasa Saudi Arabia noon, baka hindi lang dagok ang makuha ko sa kanya kung sya ang makakita sa akin. Baka makutusan pa ako). May sagot din ang libro sa bagay na yan. Sabi sa aklat ng mahika, mas malakas ang epekto kung ang magic circle ay bubuuin ko sa aking isipan gamit ang imahinasyon. “Sisiw”, ang sabi ko. Malikot ang imahinasyon ko. Kayang-kaya ko yun.

Sinulat ko sa kasunduan na gusto ko ng Fame and Fortune. Gusto kong sumikat at yumaman sa loob ng twenty years. Kapalit noon ay ang serbisyo ko sa demonyong tutugon sa aking panawagan. Kapag naiisip ko ngayon ang ginawa kong kasunduan, wala akong masabi kundi “ang tanga-tanga ko.” Bakit twenty years lang? Bakit hindi forever?

Anyway, sinimulan ko na agad ang aking Project Fame and Fortune. Inuusal ko tuwing alas-sais ng gabi ang orasyon habang nasa loob ako ng magic circle na nasa isipan ko lang. Ayon sa libro, ang orasyong inuusal ko ay ang iba’t-ibang pangalan ng Diyos.  Sa tuwinang umuusal ako ng orasyon ay parang sinisilihan raw ang buong katawan ng mga demonyo at kung sino ang  unang diablo na hindi makatiis sa nararamdaman dala ng aking orasyon ay mapipilitang magpakita at makipag-usap sa akin. Medyo kinabahan ako kaya ni-revise ko ang kasunduang sinulat ko at idinagdag doon na kung sakaling dumating ang oras na magkakaharap na kami, sana ay nasa anyo siyang hindi nakatatakot. Kung maaari sana ay magpakita siya na kamukha ko. Siguradong hindi ako matatakot sa kanya dahil kahawig niya si PJ Abellana.

Matagal kong ginawa ang pag-oorasyon. Marahil ay mahigit anim na buwan na at unti-unting  nawawalan na ako ng pag-asa  kaya hindi ko na ito  masyadong sineryoso. Pero paminsan-minsan kapag ginaganahan ako ay inuusal ko pa rin ang orasyon na iba-ibang pangalan ng Diyos.

Christmas break sa school 1981. Nagpapahinga ako sa kwarto ko at katatapos lang umusal ng orasyon. Wala pa rin. Hindi pa umeepekto. Matibay yata ang mga demonyo at hindi natitinag sa pangalan ng Diyos. Nakaidlip ako. Nang magising ako, laking gulat ko sa tumambad sa akin. Usok. Makapal na usok. SUNOG! ‘Yun ang agad pumasok sa isip ko nang makita ko ang umaalimbukay na usok na tila nanggagaling  sa kisame ng silid na kinaroroonan ko. Pero teka, kakaiba ang usok na ito. Ang direksyon nito ay pababa na dapat sana ay pataas. Gusto kong kumaripas ng takbo palabas pero hindi ko nagawa dahil nangalog ang tuhod ko nang mapagtanto ko na hindi nasusunog ang silid kung saan ako nagpapahinga. Nangalisag lahat ng balahibo ko sa katawan nang maisip ko kung ano ang usok na iyon. Demonyo, isa iyong demonyo na nagpasyang  paunlakan ang panawagan ko. Unti-unti, ang maitim na usok ay nagkakahugis. Nagkokorte na itong tila isang tao pero parang solidong itim lang na anino.  Sari-saring emosyon ang naramdaman ko nung oras na iyon…excitement, takot, saya…hindi ko maipaliwanag. Pero sa huli ang nanaig ay ang takot. Nagtalukbong ako ng kumot at ipinikit ng mariin ang mga mata. Anong gagawin ko? Mag-isa lang ako sa kwarto at walang boses na lumabas sa bibig ko nang sumigaw ako para magpasaklolo.

Katapusan ko na ba? Diyos ko, wag naman po sana  dahil marami pa akong pangarap. Manlilinlang ang mga demonyo. Wala akong kalaban-laban. Sa takot ko ay nakalimutan ko na ang sinulat ko sa kasunduan na magpakita ang demonyo sa anyong kawangis ko para hindi ako matakot sa kanya. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil sa takot. Bigla, naisip kong umusal ng panalangin. Dinasal ko ang “The Lord’s Prayer o higit na kilala sa tawag na “Our Father”. Paulit-ulit kong dinasal ang “Ama Namin”…hindi ko na namalayan kung ilang oras na ang lumipas. Nang magkaroon na ako ng lakas ng loob na silipin kung nandoon pa ang demonyo ay unti-unti kong inalis ang kumot na nakatalukbong sa akin. Whew! Wala na ang demonyo. Naglaho itong parang…usok? Kasabay nitong naglaho ang pangarap kong instant fame and fortune.

Ilang taon ko ring dinala sa kalooban ko ang takot na lumukob sa aking pagkatao dala ng pangyayaring iyon. Pero nakarekober din ako. Ngayon, sa tuwing naiisip ko ang nagyari ay maraming mga WHAT IF na katanungan ang sumasagi sa isipan ko. What if hindi ako naduwag at nagkausap kami ng demonyo? Siguro naman ay tutuparin nya ang kahilingan ko dahil kung hindi ay pahihirapan ko ulit sya sa pamamagitan ng orasyon. Siguro super yaman na ako at sobrang sikat. Maaring naging isa akong action superstar na artista o isang super lupet na rock singer. Pwede ring naging mas mayaman pa ako kay Henry Sy o mas sikat pa kaysa kay Harry Potter.

Naitatanong ko rin What if naningil na ang demonyo, anong klaseng serbisyo ang hihingin niya sa akin? Siguro ay uutusan niya akong maghasik ng lagim. Nakatatakot isipin. Puwedeng naging isa akong kriminal o isang Super Villain na tatapos sa career ni Batman at ng kanyang mga super friends. Ah, wag naman sana.

Kayong makababasa ng istorya kong ito, siguro  ay gusto n’yo akong tanungin kung nasaan na yung libro. Gusto n’yo rin bang basahin at subukan ang mga mahikang nasusulat doon? Pag-isipan  n’yo munang mabuti. Nasa huli daw ang pagsisisi.

About iamthewalrus

Tahimik pero sabi nila matinik (yun ang sabi nila)