Multo sa Uno Berde

(Photo Credit: volumeone.org)
(Photo Credit:  volumeone.org)
(Photo Credit: volumeone.org)

TAGAKTAK na sa pawis si Gerardo habang walang humpay itong nagbubungkal ng lupang iyon sa kanilang likod-bahay. Balak kasi niya itong taniman ng mga gulay gaya ng ampalaya, kalabasa, sitaw at iba pa. Mainam kasi iyon at nang makaminos sila sa gastusin pagdating sa pagkaen. Iba kasi kapag may sarili kang tanim na gulay. Isa pa, sayang din ang bakanteng loteng iyon sa kanilang likod-bahay kung iiwan nila iyong nakatiwangwang. Baka tubuan lang ng kung anu-anong mga ligaw na halaman o damo. Dagdag lilinisin pa nila.

Maya-maya’y nahahapong napaupo si Gerardo habang pinupunasan ang pawis sa buong mukha. Hinihingal at panaka-nakang ginagawang pamaymay ang sumbrerong suot kanina.

“Anak, narinig mo na ba ang balita-balita dito sa ‘tin? Nakakapanghilakbot. Marami tuloy sa mga kapitbahay natin ang nagpapanic!”

Mula sa kung saan ay muling sumagi sa isip ni Gerardo ang tinuran sa kanya kanina ng inang si Aling Marivic na bakas sa mukha ang takot.

Wala siyang ideya hinggil sa sinabi nito. Dahil sa totoo lang, siya ang klase ng tao na hindi mahilig sa tsismis o pala-labas ng bahay.

“‘Nay, kung anuman po ‘yan, h’wag kayong basta basta nagpapaniwala r’yan,” napapailing na tanging tugon niya. Halatang hindi siya interesado sa kung anumang tinutumbok ng kanyang ina.

“E marami na daw kasi ang nakakita sa sinasabi nilang aswang na namimiktima dito sa ‘tin. Kamakailan lang, may natagpuang patay na lalaki malapit sa bahay nina Mareng Delia. Labas ang lamang loob. Diyos na mahabagin! Nakakatakot!” napaantadang pahayag ni Aling Marivic, sabay tutop sa labi na animo’y maduduwal.

Gustong mapangisi ni Gerardo sa reaksyong iyon ng ina, ngunit hindi niya ipinahalata rito. Naniniwala kasi siyang hindi kagagawan ng aswang o kung anupamang kampon ng demonyo ang mga nangyaring nakakapanghilakbot na krimen na iyon sa lugar nila dito sa Uno Berde.

Malakas ang kutob niyang kagagawan iyon ng mga taong halang ang kaluluwa. Walang aswang o walang multo na dapat katakutan!

“Wala pong aswang sa ‘tin, ‘Nay. Kagagawan lang ‘yon ng mga taong halang ang kaluluwa,” naisatinig niya.

“Aba! Tanging aswang lang ang may kakayahang gumawa ng ganu’ng karima-rimarim na pagpatay. At hindi mo ba alam na laman-loob talaga ng tao ang puntirya ng aswang na ‘yun? Kaya ikaw, mag-ingat ingat ka. Tayong lahat!”

Hindi na nakipagtalo pa si Gerardo sa ina. Tumahimik na lang siya habang sa isang bahagi ng kanyang isipan, buo ang paniniwala niyang walang aswang sa lugar nila. Liblib mang maituturing ang Uno Berde, pero naniniwala pa rin siyang hindi pinamamahayan ng aswang o multo ang kanilang lugar.

Over reacting lang talaga ang mga kabaranggay niya, lalo na ang inang si Aling Marivic.

KINAUMAGAHAN, nagkakagulo ang mga tao sa labas. Maaga pa lamang ay naririnig na ni Gerardo ang mga sigawan at tila nagpapanic na mga tao sa labas nila.

Bumangon siya at kahit inaantok pa, pinilit niyang lumabas para alamin kung bakit nagkakagulo ang mga tao sa labas. Hindi na niya hinanap ang kanyang ina na si Aling Marivic na nagtuloy na lang sa labas mag-isa.

Pupungas-pungas pa siya nang makalabas ng kanilang gate at makita ang kumpulan ng mga tao. Iba-iba ang reaksyon, samu’t saring mga boses ang naririnig niya at may pumapalahaw din ng iyak.

Lumapit siya sa kumpulan ng mga tao at ganu’n na lamang ang pagkagulantang niya nang makita ang walang buhay na katawan ng kapitbahay nilang si Mang Federico. Labas ang laman-loob nito at halatang pinahirapan ito ng husto bago pinatay. Nakasusulasok na amoy din ang bumungad sa kanya.

Hindi niya nakayanan ang ganoong tanawin kaya mabilis din siyang lumayo na parang masusuka.

Maya-maya lamang ay nagsidatingan na ang mga pulis, ambulansiya,at mga may-ari ng punerarya sa kanilang lugar. Doon na rin mas lalong dumami ang mga tao. Lalong nagkakagulo sa paligid.

At iisa ang naririnig niyang sinasabi ng mga tao sa paligid niya.

“Naku, kagagawan na naman ‘yan ng aswang!” anang matabang ale.

“Kailangan mahuli na talaga ang aswang na ‘yan!”
sabi naman ng isang ginang na may kapayatan.

“Nakakatakot. Marami ng nabiktima rito ang aswang na ‘yan!” dugsong naman ng isang matandang lalake.

“Kaya maging alerto tayo lagi. Anumang oras, p’wedeng umatake ulit ang aswang na ‘yan dito sa lugar natin!” ang nahihintakutan namang hayag ng may katabang lalake.

Hindi na pinatagal ni Gerardo ang pananatili roon. Kaya ilang minuto lamang ay pumasok na siya sa loob ng kanilang bahay.

Naaawa siya sa biktimang si Mang Federico. Kilala niya ito at madalas din niya itong makakuwentuhan kapag nakakasalubong niya ito. Mabait na tao si Mang Federico. At nakakalungkot isipin na namatay ito sa ganoong paraan. Kung sinuman ang may kagagawan ay dapat itong magbayad.

Muli, sumagi sa isip niya ang mga sinabi noon ng kanyang ina at ang mga pahayag ng mga kapitbahay niya kanina.

Di-umano’y aswang ang may kagagawan sa pagkamatay ni Mang Federico. Pero para sa kanya, hindi aswang kundi tao ang gumawa niyon kay Mang Federico. Naniniwala siyang walang aswang sa kanila. At marahil ay kagagawan ito ng isang tao na lulong sa ipinagbabawal na gamot o may sayad sa ulo. Hindi kasi ito magagawa ng isang tao na nasa katinuan ang pag-iisip.

Pero sino kaya ang maaring maging suspek o ang may kagagawan ng mga patayan sa kanilang lugar? At bakit pare-pareho ang paraan ng pagpatay ng suspek sa mga naging biktima nito? Ano ang dahilan kung bakit ang lamang-loob ng mga biktima nito ang puntirya ng suspek?

Naiwan sa gayong malalim na pag-iisip si Gerardo. Ngayon siya mas lalong nahihiwagan sa pagkatao ng suspek. Aswang man o hindi, kailangang magbayad ang sinumang may kagagawan ng karima-rimarim na krimeng iyon!

TIRIK na ang araw ngunit abala pa rin si Gerardo sa pagbubungkal sa lupa ng araw na iyon. Malapit na niyang matapos iyon at taniman ng mga gulay. Ito ang malimit pagkaabalahan ni Gerardo habang naghihintay siya ng tawag sa mga inaplayang trabaho. Mag-aapat na buwan na rin siyang jobless. Bagger sa isang supermarket ang huli niyang trabaho na umabot lamang ng anim na buwan. Kadalasan, contructual worker lang siya at tila mailap ang suwerte sa kanya. Hindi pa kasi siya nareregular sa trabaho. Bagay na matagal na niyang pinakaaasam-asam. Bente-singko anyos na kasi siya at gusto niyang magkaroon na ng regular na trabaho.

“Anak, tama na muna ‘yan. Mananghalian muna tayo!” mayamaya’y untag sa kanya ng ina.

Ngayon lag napansin ni Gerardo na pasado alas-dose na pala.

Hindi nagtagal ay sumunod na rin siya sa loob, saka sabay silang nananghalian ng inang si Aling Marivic.

Dalawa na lang silang magkatuwang sa buhay na mag-ina. Grade six siya nang pumanaw sa sakit na Lung Cancer ang kanyang amang si Mang Joel. At dahil only child siya, sila na lang dalawa ng kanyang butihing ina ang magkasama sa buhay na isang empleyado sa kanilang munisipyo. Sapat lamang ang kinikita nito para maka-survive silang mag-ina sa araw araw.

Kaya naman desidido na siya na makahanap ng panibagong trabaho para naman makatulong sa Ina sa mga gastusin nila dito sa bahay.

KINAGABIHAN, hindi agad dalawin ng antok si Gerardo. Pabaling-baling siya ng higa habang panaka-nakang napabubuntong-hininga. Hindi niya mawari kung bakit hindi siya makatulog gayong pasado ala-una na nang madaling araw. Madalas kasi siyang makatulog ng bandang alas-diyes. At madalang siyang abutin nang gayong oras na dilat pa rin ang mga mata.

Mayamaya’y bumangon siya. Balak niyang magtungo sa kusina para uminom. Ngunit ibang direksiyon siya dinala ng kanyang mga paa. Doon sa kanilang likod-bahay. Naisip din kasi niyang magpahangin muna at umupo sandali roon.

Pagdating niya roon, nakarinig si Gerardo ng mga kaluskos. Waring kinilabutan siya. At ilang minuto pa, naisipan niyang lapitan ang pinanggalingan ng kaluskos na iyon. Humangga siya sa bakanteng lote na balak niyang taniman ng mga gulay na malakas ang sasal ng dibdib.

May kadiliman ang parteng iyon kaya hindi agad maaninag ni Gerardo kung kanino o sino ang may kagagawan ng kaluskos na iyon.

Ilang minuto pa, isang bulto ng lalake ang tumambad sa paningin niya. Binubungkal ang lupang balak niyang taniman ng gulay gamit ang isang asarol o pala. Nakatalikod ito kaya hindi agad siya napansin ng estranghero sa kanyang likuran.

At akmang uundayan niya sana ito nang bigla itong tumalikod paharap sa kanya.

Halatang nagulat ito pagkakita sa kanya. At kahit may kadiliman, naaninag pa rin ni Gerardo ang duguan nitong damit.

At lalong nanlaki ang kanyang mga mata nang matunghayan sa isang sulok ang nakahiga at wala ng buhay na katawan ng isang babae. Duguan din.

“S-Sino ka?” nahihintatakutang nanulas sa labi niya.

Hindi niya mamukhaan ang estranghero. Pero halatang wala ito sa katinuan. At walang anu-ano’y bigla na lang itong kumaripas ng takbo habang binitawan ang hawak na pala.

Hahabulin sana ito ni Gerardo ngunit mas natuon ang pansin niya sa wala nang buhay na katawan ng babaeng iyon. At ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang mapagtantong ang kanyang pinakamamahal na inang si Aling Marivic ang babaeng iyon na wala nang buhay.

Mabilis itong nilapitan ni Gerardo habang pumapalahaw ng iyak. Niyakap niya ang naninigas nitong katawan habang sumisigaw. Hindi alintana ang dugong umaagos mula rito.

Labas din ang lamang-loob ni Aling Marivic. Gaya ng mga naging biktima ng estrangherong lalakeng iyon.

Halos papanawan na ng ulirat si Gerardo. Bakit ang kanyang ina pa ang sumunod na naging biktima? Bakit????

NAIBUROL na si Aling Marivic ngunit hindi pa rin lubusang matanggap ni Gerardo ang sinapit ng kanyang ina. Hanggang ngayon ay saklot pa rin siya ng hinagpis at poot.

At kahit nahuli na ang pumaslang sa kanyang ina ay hindi pa rin sapat iyon para pagdusahan nito ang pagkitil sa buhay ng kanyang ina.

Naliwanagan na rin silang lahat na hindi isang aswang ang may kagagawan ng mga krimen sa kanilang lugar sa Uno Berde. Kundi kagagawan ng isang nagngangalang Arturo na isang drug addict at may sayad di-umano sa ulo. Ayon sa sabi-sabi ay isa daw itong Psycopath o yaong may deperensiya sa utak na ang trip ay pumatay ng tao.

Iba daw di-umano ang kasiyahang natatamo nito sa tuwing nakakapatay ito at nailalabas ang lamang-loob ng mga biktima nito.

Masahol pa ito sa aswang o anumapang uri ng multo.

At alam niyang marami pang tulad nito na patuloy na nabubuhay dito sa ibabaw ng mundo. Isang uri ng halimaw na dapat lamang katakutan!

W A K A S

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!