Mula Sa Puso Ni Mara Na Sinabihan Ni Angelito ng, “Sana ay Ikaw na nga” Na May Beautiful Affair Pala Kay Clara Na Anak ni Esperanza Na May Hawak Ng Lihim Na Diary At Umiibig Kay Kokey Nang Walang Hanggan.

(Photo Credit: direkaleckx01.blogspot)
(Photo Credit:  direkaleckx01.blogspot)
(Photo Credit: direkaleckx01.blogspot)

Ilang linggo ko nang tapos ang buong limang season (well, kalahati lang ng season 5 kasi ang karugtong ngayon pa lang ipapalabas sa Amerika) ng Breaking Bad, pero hanggang ngayon hirap pa rin akong makausad. Hindi ko siya matanggal sa sistema ko. Tulad ng mga characters sa show, ADIK AKO… sa programa.

Hindi sa Breaking Bad, kundi sa Prisonbreak una akong naloko sa mga American TV shows. ‘Yung bunso kong utol ang unang nag-udyok sa akin na subukan ko daw na panoorin ang TV series, baka sakaling magustuhan ko. Saka na, wala akong panahon, sagot ko. Isa pa, sa pag-download pa lang aksaya na sa oras. Pero sa isang facebook post ng isang high school classmate, wala siyang tigil sa kababanggit ng Prisonbreak. Prisonbreak, yada… yada… Ang ganda ng Prisonbreak, blah… blah.. blah… So, in short, nakalabit ang aking kokote: what’s the fuss all about? Ano ‘tong TV show na mukha yatang bukambibig ng lahat sa puntong pati ang dati kong trainer sa dating call center na aking pinapasukan ay wala nang ibang sinasambit kundi Prisonbreak.

Pagod, buwisit, puyat, stressed-out, namumula ang mata dala nang matagal na pagkakababad sa harap ng computer monitor at may panis na laway sa gilid ng labi: kung nakikita mo ang mga sintomas na ‘to sa taong kausap mo, malamang sa malamang, isa siyang call center agent. Ganito rin ako dati kaya kailangan ko ng distraction—pampatanggal asar sa mga taong gabi-gabi kong nakakausap sa telepono ( at sa masungit na supersvisor). Kaya isang araw, bumigay ako sa udyok ng kapatid.

Bumili ako ng DVD, sinalpak ang disc ng Prisonbreak sa player, umupo, binuksan ang pack ng potato chips at nanood.
Tatlong oras ang lumipas at nakanganga pa rin ako sa harap ng TV. Wow.

Kung alam ko lang na gan’on nga kaganda ang show, sana matagal na akong nagpa-uto sa mga sabi-sabi. Sa sobrang pagkakatutok, muntik pa akong mahuli sa trabaho. Ang hirap umalis dahil gusto kong malaman kung mababaril na ba si ganito o kung mabubuking na ba ni ganyan ang lagusan malapit sa inidoro. Bago ko pa nalaman, wala na—I’m hooked.
Ang siste sa series, si Michael Scofield (Wentworth Miller), isinakripisyo ang sarili para lang iligtas ang kapatid na walang sala sa kulungan. Para magawa ‘yon, sinadya niyang mang-holdap ng bangko para lang makasama sa piitan ang utol na malapit nang bitayin. Pero ang pinakamalupit, itinato niya ang mapa ng buong bilangguan sa kanyang buong katawan dahil ‘yun ang gagamitin nila sa pinaplanong pagtakas.

All in the name of family and justice.

Angas.

At mula doon nagtuloy-tuloy na ang pagsubaybay ko sa iba pang mga American TV series. Mula sa Prisonbreak, tumawid sa mga sumusunod ang aking pagkahumaling:

24: si Jack Bauer (Kiefer Sutherland) ang bida. Trabaho niya bilang counter-terrorist agent na protektahahan ang mga mamamayan laban sa mga madidilim na puwersa na gustong tapusin ang Amerika. Ang catch, kailangan niyang gawin ‘yon sa loob ng 24 hours kung hindi… boom! Hence, the title 24.

Complex si Jack. Nililigtas niya ang marami, pero hindi rin siya nangingiming pumatay. Palagi kasi siyang naiipit sa mga imposibleng sitwasyon kung saan kailangan niyang mamili. Ang hirap kaya nang gan’un. Mahirap magpasya lalo na kung madalian at kung buhay na ang pinag-uusapan. Dahil doon, bukod sa pagliligtas sa buong Amerika (lang naman), kaya naging exciting ang TV series na tumakbo nang halos sampung taon.

The Mentalist: sa unang tingin, arogante ang protagonist dito na si Patrick Jane (Simon Baker). Isa siyang Mentalist na may kakayahang magbasa ng mga motibo at karakter ng tao base sa masusing pagmamasid ng kanilang mga kilos at itsura. Mayroon din siyang matalas na pag-iisip pagdating sa mga bagay-bagay sa paligid. Nabawasan ang kayabangan ni Patrick nang pinatay ng kapwa niya mental genius na si Red John, isang anonymous serial killer, ang kanyang asawa’t anak. Para makapaghiganti, pumasok siyang crime consultant sa CBI (California Bureau of Investigation), isang law enforcement agency na inimbeto lang ng creator ng show.

Astig ang TV series kasi para siyang isang malaking cat-and-mouse chase. Patalinuhan ang laban. Mahuli, taya.
Game of Thrones: Breast exposure. Maraming-maraming breast exposure. Hango sa best-seller series of novel ni George R.R. Martin, nagulat ako sa kaliwa’t kanang buyangyangan dito. Palibhasa palabas sa cable channel sa Amerika, hindi sila sakop ng censorship. Pero bago tumakbo sa mga suking pirated DVD vendors para makita ang mga “alam niyo na”, gusto ko lang sabihin na higit sa dibdib, maganda rin ang isang ‘to. Para siyang pinaghalong Harry Potter, Lord of the Rings at Elizabeth. Sa costume pa lang, epic na. Kaya kung inaantok kang magbasa ng nobela, at isa kang visual na tao, ito ang sakto sa’yo.

The Walking Dead: isang pulis ang nabaril at na-commatose habang rumirisponde sa isang krimen. Mahabang panahon siyang naratay at pagising, katapusan na pala ng mundo at pawang mga Zombie na ang pumalit sa mga tao. Kasama ang asawa’t anak at ilang survivors, sinuong nila ang isang post-apocalyptic Amerika para mabuhay at maghanap ng ligtas na matitirhan.

Sa zombie pa lang alam ko nang bebenta ‘to sa akin. From the very believable prosthetics, makapigil-hiningang suspense, nagbubulwakan at nagtatalsikang dugo’t lamang loob, at syempre, magandang story, lahat naghalo-halo at nakabuo ng isang hit na TV program.

Breaking Bad: para sa akin ito ang “pinaka” sa lahat ng “pinaka”. Pinaka-astig, pinaka-maangas, pinaka-hanep. Ito lang ang TV series na kamuntikan nang naging sanhi ng pagsabog ng DVD player namin dala ng overheat.

Chemistry professor turned into a drug kingpin ang bida dito na si Walter White (Bryan Cranston). Pero pa’no nangyari ‘yun? Paanong ang isang goody-two-shoes, hindi-makapatay-ng-lamok na simpleng teacher naging hari ng mga salot?

Ang sagot: cancer. Tinaningan kasi siya ng doctor at sa kagustuhang matulungang magkaroon ng komportableng buhay ang mga mahal sa buhay na maiiwan, kinuntsaba niya ang kanyang ex-student/drug pusher na si Jesse Pinkman (Aaron Paul) para gumawa at magbenta ng ilegal na droga. Dala ng dunong pagdating sa chemistry, nakalikha sila ni Jesse ng isang purong shabu—shabu na walang kaparis at mataas ang uri— na ipanagbunyi ng maraming adik. Nang maamoy ng mga kakompetensya nilang Mexican drug cartel ang balita, doon na nagsimulang mapeste ang buhay ni Walter, damay pati ang walang kamuwang-muwang niyang pamilya. Ang mabuti sana niyang intensyon noong una, naging masama.
Kalimutan na natin ang suspense, ang production value, ang great casting—lahat ‘yun, panalo. Ang importante sa akin, ‘yung moral lesson ng show. Ipinapakita kasi dito—at base lang ‘to sa aking opinyon- –kung paano ang bawat aksyon ng isang tao ay nakakaapekto sa higit na pang-kalahatan gaano man ‘yun kaliit o kalaki. Kung paano tayo ay hindi produkto ng mga sirkumstansya natin sa buhay kundi produkto tayo ng mga pasyang araw-araw nating ginagawa.
Basta panoorin niyo na lang at kayo na ang bahalang gumawa ng sarili niyong conclusion.

Teka, bakit ba ito ang napili kong talakayin? Habang nanonood kasi ng mga naturang TV shows, ‘di ko mapigilan ang mapa-isip: bakit ba hindi tayo makagawa ng mga ganitong palabas sa PInas?

Nakatutusta na kasi ng utak ang paulit-ulit na tema ng mga telenobela na ipinaparada ng mga networks sa atin. Kung hindi pag-ibig, tunggalian ng mayaman at mahirap ang laging paksa. Walang namang masama doon. Kaya lang kung wala talagang mapigang bago, mano lang sana na isalaysay ang mga temang ito sa bagong anggulo at sariwang perspektibo.

Gasgas na halimbawa: boy meets girl, o para maiba lang, girl meets boy, they fall in love with each other, pipiliting silang paghiwalayin ng kontrabida (meaning tatay, nanay o selosang ex-syota) , sampalan, iyakan, marami pang iyakan, mas malakas pang sampalan, tapos ang isa sa mga bida, lets say isa sa mga loveteam (dahil bibihirang gumana ang isang Pinoy telenobela nang walang loveteam), malalaman na ampon pala siya at anak siya ng isang big-time na landlord o kaya negosyante, they will overcome all obstacles, magpapakasal, at lastly, they will live happily ever after. Minsan, para lang masabi na may twist, mamamatay ang isa sa magka-loveteam at tanging sa langit na lang sila muling magsasama. The end.
Nakakasawa. Sorry sa mga tatamaan, pero kasi ayokong lang maniwala na hindi na kayang lumabas sa kahon at mag-isip ng bago ang mga Pilipino. Pansinin niyo, 19 kopong-kopong pa lang, ‘yan na ang kuwentong laging pinaiikot. Meron pa nga na hindi lang ang kuwento, pati ang mismong telenobela, inuulit. Iniba lang ang mga artista.

Pantaserye ba kamo? Ilang sirena na ba ang ginawan ng teleserye? Bakit ‘di nila gawan ang kapre, ipis o kaya si Ate Pining, tindera ng pitchi-pitchi dito sa amin, para iba naman?

Hindi sa pangmamaliit o ‘di sa sinasabi kong kopyahin natin ang gawa ng ibang bansa. Ang punto, nagkalat ang sari-saring kuwento sa kalsada, naghihintay lang na mapulot at mailipat sa TV o puwede ring sa pelikula. Walang batas na nagsasabi na masama ang tumapak sa labas ng kahon at sumubok nang ‘di pa nasusubukan. Isa pa, magagaling na kuwentista ang mga Noypi pero sa ‘di malamang dahilan, parang takot silang maglahad nang hindi pa nakikita (‘di kaya dinidiktahan sila ng networks at producers?)

Isang 56 year old veteran actor ang bida sa hit TV series ngayon sa US na Breaking Bad si Bryan Cranston. Dito kaya, sa tingin niyo, puwede ring mangyari na bumida ang isang aktor/aktres na nasa ganoong age range? Bukas na ba ang isip natin para kumawala sa mga cliché at hindi iasa ang kuwento sa mga loveteams bagkus sa mismo nitong merito?
Ewan.

Kahit ang mga Koreano nag-iiba na. Noon, kung hindi laging pumapanaw sa leukemia ang lead actors/actress, namamatay naman sila sa sagasa (tapos kakargahin sa likod, piggy-back style). Ngayon, gumagawa na sila ng mga period pieces telenobela (Jewel in the Palace, Jum-Ong, Hwang-Jini etc) na hindi lang informative at entertaining, may historical reference pa sa mayaman nilang kultura.

May mga sumubok nang lumihis, pero kulang pa. At madalas ang mga sumusubok hindi rin nagtatagal dahil kapos sila sa suporta.’Di ako sigurado kung dahil ba ‘yun sa kulang sila sa promotion o well written ang story pero badly executed ang show o sadyang hindi lang talaga handa sa pagbabago ang mga manonood.

Walang nakakaalam.

Pero ‘di rin dapat gamiting palusot ‘yun ng kung sinumang namamahala sa likod ng kamera para sila ay tabangan.
Pera ang langis na nagpapatakbo sa kanilang makinarya at hangga’t maraming tumatangkilik sa mga paulit-ulit at nakakatoryang palabas, mas lalong ginaganahan ang mga producers na pakainin tayo ng mga pinaglumaan.

Sana may mangahas na maghain naman ng ibang putahe. ‘Yung ‘di pa natitikman pero sariling atin pa rin.

Kahit ‘yung lingguhang TV series lang gaya ng sa US nang sa gayon, mag-evolve naman ang ating panlasa at lumawak and ating pananaw sa iba pang aspekto ng buhay-buhay.

Bagong taon. Mga bagong palabas sana. Mga bagong konsepto, kuwento at ideya .
Happy New Year.

1 Comment

  1. I agree with you. Filipinos are very creative writers and storytellers but when it comes to telenobelas, it contains the same theme. Puro love team.

Leave a Reply

Your email address will not be published.