Mula sa Puso ng ‘the other woman’

283767_245986715517562_1804522122_nWife: Walanghiya ka, nagpapakahirap ako rito dahil hindi ka nagpapadala, iyon pala, gagastusin mo lang diyan sa babae mo!

Husband: Hindi ko siya ginagastusan. May trabaho rin siya. Maliit lang talaga ang sahod ko kaya hindi ako nakakapagpadala.

Wife: At sa tingin mo maniniwala ako? Kung hindi ko pa nabuking ang mga facebook picture ninyo, hindi ko pa malalaman na niloloko mo na pala kami ng anak mo. Saan ba ako nagkulang, ha? Saan?

Unti-unti akong lumayo mula sa kinaroroonan ng BF ko habang kausap niya ang kanyang asawa sa skype. Ayoko nang marinig pa ang karugtong ng kanilang pag-uusap. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko nang mga oras na iyon. Nabunyag na ang aming inililihim na relasyon.

Dalaga ako at walang tiwala sa sarili kaya napapamahal ako sa taong nagbibigay ng importansiya sa akin. Lutang na lutang ako sa atensiyong ibinibigay sa akin ni Eric noong gabing una kaming nagkausap. Siya lamang ang nagbigay sa akin ng ganoong pagpapahalaga habang malayo kami sa aming pamilya sa Pilipinas. Napamahal siya sa akin dahil doon ngunit kapalit noon, ang aking moralidad dahil siya’y may asawa na’t mga anak.

Masaya kami araw-araw. Namamasyal kami pagkatapos ng aming mga trabaho. Kumakain kami sa labas tuwing monthsary namin. Magkayakap sa gabi. Nagtatawanan! At hindi na iniisip ang bukas. Ang mahalaga, ang ngayon.

Kahit may oras na nagseselos ako sa tuwing kausap ni Eric ang asawa niya, natatabunan naman ng saya kapag siya’y naglalambing na. Kahit may gabing sinusundot ako ng konsensiya, nawawala naman iyon kapag niyayakap niya ako nang mahigpit.

Wala kaming pakialam kung pagtinginan kami ng ibang tao na nakaaalam ng tunay na estado ng aming relasyon. Kahit may nagpaparinig sa aking “kabit” ako, lumalabas lang sa kabilang tainga ko. Malakas ang loob ko dahil ako ang kasama ng BF ko at hindi ang kanyang asawa. Pakialam ba ng mga echuserang iyan kung kabit ako? Malamang ay may nakita sa akin si Eric na wala sa asawa niya. Akala mo, kung makapanghusga sila, malilinis ang pagkatao nila. Akala mo, mga santo sila! Mga ipokrito’t ipokrita! Pati mga kaibigan ko, hindi ako naiintindihan. Palibhasa kasi, wala sila sa kalagayan ko.

Katwiran ko, kapag nagmamahal ka, hindi na importante kung tama o mali. Sinusunod ko lamang ang dinidikta ng puso ko.

Pero may katapusan pala ang lahat. Dumating ang araw na ipinamulat sa akin kung gaano kamali ang relasyong meron kami ng bf ko. Naisip ko ang mga kapatid ko, ang mga magulang ko at ang magiging anak ko.

Hindi ko mapapalampas kung magkakaroon ng kabit ang asawa ng mga kapatid kong babae. Hindi rin uubra sa akin kung ang mga kapatid kong lalaki ay magkakaroon ng kerida.

Inisip ko rin ang nanay ko. Kahit hindi niya sabihin, alam kong itinatanong niya sa kanyang sarili kung saan siya nagkamali sa pangangaral sa akin.

Inisip ko rin ang mga magiging anak ko. Ano ang ituturo ko sa kanila tungkol sa relasyon? Ano ang isasagot ko sa kanila kung tatanungin nila ako na ano ang ginagawa ko nang mga panahong naging kabit ako?

Hindi! Hindi ko kayang ang mga mahal ko sa buhay ang masisingil sa kasalanang ginagawa ko. Hindi maaaring magpakalunod ako sa saya. Hindi maaaring ipagpatuloy ko ang kasalanang ito.

Kahit ano pang dahilan ko, mali pa rin ang magmahal ng asawa ng iba. Kahit ikatwiran ko pang totoo iyong nararamdaman namin sa isa’t-isa, hindi ko maitatangging ako ang nang-aagaw at may asawang umiiyak dahil sa akin.

Walang ibang magtatama ng ginagawa naming mali kundi kami lang. Hindi kami madaling mabago ng sermon, ng quotes o ng parinig. Kadalasan, kailangan pang may mangyaring masama sa amin o sa aming kapamilya bago kami matauhan.

Nagpapasalamat ako’t naitama ko ang aking pagkakamali bago mahuli ang lahat. Kung nanatili akong kabit ni Eric, hindi ko sana nakilala ang napakabuting lalaki na tanggap ang buo kong pagkatao. Lalaking binata, pinagmamalaki ako sa kanyang magulang at mga kaibigan at naihaharap ko sa pamilya ko. Wala akong kaagaw at nakahaharap ako sa ibang tao nang hindi ako nahuhusgahan.

Kung nanatili ako sa maling relasyon noon, hindi ko mararamdaman ang lubos na kaligayahan ngayon.

Para sa mga nasa maling relasyon, may pag-asa pang umalis sa sitwasyong hindi nararapat… hindi bukas, hindi next month.

Ngayon.

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws