Mr. X, my last letter (hopefully)

(Photo Credit: pumirror.com)
(Photo Credit: pumirror.com)
(Photo Credit: pumirror.com)

It’s past Valentines Day and I don’t know if what I’m doing is right but I guess this will help me a lot in so many ways. I hope this will be my last as in pinakahuling isusulat ko para sa iyo.

Mahal pa rin kita. Hindi ko alam kung magbabago pa ito kasi sa tingin ko hindi na. Kailangan kong tanggapin na ‘yung puso ko nakatali na sa taong kailan man ay hindi ako titingnan nang higit pa sa kaibigan.

Mahal pa rin kita, mga katagang masakit sambitin na hanggang ngayon ito pa rin ang sigaw ng puso ko.

Ano bang meron ka at hindi ka magawang kalimutan?

Minsan, tinatanong ko ang sarili ko na bakit sa nagdaang taon, ilang beses kong sinubukan na kalimutan ka pero heto pa rin ako. Minsan hinihiling ko sa Taas na kung sakali, puwede bang ihiling na ibigay ka sa akin. Pero sa tingin ko… impossible, kasi alam kong mahal mo siya. Walang-wala ako kumpara sa kanya. Kaibigan mo rin siya bago naging kayo at ang pagmamahalang nagsisimula sa pagkakaibigan ay mahirap tibagin.

“Huwag kang mag-isip na pinagdarasal ko na maghiwalay kayo kasi maniwala ka, ipinagdarasal ko ang kaligayahan ninyong dalawa. Hindi ako nababagay sa iyo. Masyadong masalimuot ang buhay ko. Nasa magandang kalagayan ka na at ayaw kong guluhin ka.

Maniwala ka rin sana kung ilang beses kong sinubukang maging manhid.

Sa tuwing tinatanong ko siya sa iyo o kaya sa tuwing nababanggit at nakukuwento mo siya, naiinggit ako. Kasi alam kong totoo ka. Totoo ‘yung pagmamahal mo. Sa tuwing tinatanong mo kung bakit hanggang ngayon ganito pa rin ako, o sa tuwing sinasabi mo na darating din ang tamang tao para sa akin, gusto kong maiyak dahil iyan din ang hiling ko.

Hindi ka kailan man magiging akin. Hindi kailanman magiging tayo. Nakasisira ng ulo na ganun kalakas ang kapit mo sa puso ko. Ilang taon na ba? Anim? Pito? Walo? o higit pa?

Sinubukan ko ang iba pero sadya yatang nakalaan na itong tarantado kong puso at ayaw nang magbukas ni ayaw nang magpalit. Totoo yata ‘yung sinasabi nila na hindi natuturuan ang puso. May sarili itong utak at hindi mo mamamanduhan kung sino ang gusto nitong mahalin.

Ngayon natatakot ako na kung sakaling alukin mo siya ng pagtataling-puso, habang buhay na madudurog ang puso ko. Pero hindi kita pipigilan. Bagkus, susuportahan kita. Tatahimik ako at sa isang sulok ay hahayaan kong iyon ang magiging saksi ng aking mga luha. Masasaktan ako at marahil magkakakalyo itong puso ko, matututong huwag makaramdam ng kahit anong pait.

Kung sakali mang magkita tayong muli (kung pahihintulutan ng pagkakataon) at kasama mo siya, ngingiti pa rin ako. Ngiting tulad ng nakasanayan mo. Makikipagkuwentuhan pa rin ako katulad ng dati. At sa panahong ako na lang mag-isa, hahayaan kong umagos ang luha ng pait sa huling pagkakataon.

Maaaring mahalin pa rin kita doon sa sulok na lihim na saksi sa pag-ibig ko sa iyo.

 

About WandererGirl

Just a girl who's trying to make a difference