Miss ko na si Jollibee

“Two months and two weeks to go!” Hay buhay OFW! Naghihintay na lang palagi kung kelan uuwi sa bansang sinilangan. Nakakaaliw na nakakabagot ang magbilang kung ilang araw na lang ang natitira bago sambitin ang mga katagang “Home Sweet Home”.

Hindi ko lubos maisip kung pano kaya nakakatagal ang iba na taon ang binibilang ng hindi man lang nakauwi o di kaya ay nakapagbakasyon man lamang na kasama ang kani-kanilang pamilya. Hindi ko nais saklawan ang paniniwala ng iba kasi sa totoo lang hanga ako sa kanila. Hindi ko nga malaman kung maiinggit ba ako sa kanila o matutuwa para sa kanila kasi naman ako walong buwan pa lang uwing-uwi na. Halos araw-araw na lang ang countdown na ginagawa ko. Minsan pang alis ng stress o ng boredom. Minsan naman pampahomesick lalo para mas exciting ang pag uwi. Pero kadalasan pang aliw sa sarili na para bang sinasabing konting tulog na lang Jollibee na naman.

Speaking of Jollibee. Nakakamiss din pala sya. Dati rati nung nasa Pinas pa, parang last choice ko na sya. Marami kasing pagpipilian at idagdag pa ang palagiang mahabang pila kaya lipat na lang sa iba. Pagdating dito sa ibang bansa, hahanap-hanapin mo din pala. Ito nga ang nagiging paboritong topic for discussion sa pagbibiruan. “Saan ka unang kakain pag uwi saten?” Karaniwan ng sagot diyan ang Jollibee.

Marami pang mga bagay ang nakakamiss pagdating dito sa ibang bansa. Maraming mga bagay ang hindi natin napapansin o nararamdaman man lang nung andon pa tayo sa atin. Mga bagay na ipinagwawalang bahala lang natin dahil alam naman natin na andyan lang naman lagi yan. Pagdating dito, lahat pala ng yun babalik-balikan mo sa iyong isipan at lilimi-limiin ang kahalagahan.

Mahigit pang dalawang buwan bago ang uwian. Medyo matagal-tagal pa din ang paghihintay pero alam ko lahat ng yun sulit pagdating ng Pinas. Excited na kong umuwi! Kaw ba excited na din? Miss mo na din si Jollibee? Hanggang sa muli.

About Zel Medrano

An unconventional thinker. a freelance writer. a blogger. a book lover. a reader. an educator. a woman. a daughter. a sister. a friend.