Misa de Gallo: Ang Paghahanda (Si Jesus, ang tunay na Sta. Klaws)

Tiktilaok!! Tiktilaok! Paggising ng mga manok! Hudyat ng pagsisimula ng isang malaking fiesta…. Pasko na!

Hindi nakokompleto ang Paskong Pinoy kung wala ang siyam na madaling-araw na pagdalo sa misa. Nakatatak na sa bawat Pilipino ang ika-labing anim ng Disyembre bilang tanda ng pagsisimula ng Kapaskuhan. Puno na naman ang mga simbahan sa lahat ng panig ng bansa gayundin sa iba’t ibang panig ng daigdig na may Pilipino. Ang pagsasama-sama ng mga pamilya, mga magkakaibigan ang makikita sa loob ng simbahan. Na kahit na alas-kwatro ng umaga, walang sablay ang mga Pilipino na sumamba at magnilay.

Napakasayang pakinggan ang mga Christmas carols, Christmas tree at ang belen sa harap ng Altar. Samahan pa ng maiinit na puto-bumbong, bibingka at pandesal sa labas ng Simbahan na nasasamyuan ng malamig na simoy ng hangin.

May mga taong kinokompleto ang siyam na misa para matupad ang mga kahilingan. Mayroon namang panata na talaga ang pagsimba na talaga naman taun-taon ay present lagi. Mayroon namang minsan minsan lang dahil na rin sa antok at sarap ng tulog.

Kompleto man o hindi ang pagdalo sa misa, ang importante sa lahat ay ang pag-ibig mo sa Panginoon at pag-ibig sa pamilya. ANG TUNAY NA DIWA NG PASKO AY PAGMAMAHALAN. Hindi binibilang ng Diyos ang attendance, ang binibilang nya ay mga kabutihang ibinigay mo sa iyong kapwa at ang pagmamahal mo sa iyong pamilya. At bilang ganti Niya, nireregaluhan ka ng mga bagay na hindi mo inaasahan at taliwas sa mga nais mong wish sa siyam na nobenang ito. Alam Niya ang paangangailangan mo. Ang pag-alala sa kapanganakan ni Hesus hanggang sa Noche Buena ang siyang pinakagamagandang regalong maiibigay natin sa Kanya. Wala ng hihigit pa sa Paskong Pinoy.

Ganun din ang mga OFWs, nagpapahalaga rin sa kinagisnang tradisyon ng bansa. Na kahit na malayo sa mga mahal sa buhay, hindi pa rin namin nalilimutan ang selebrasyong ito. Sa siyam na misa, dito kami humuhugot ng lakas dahil sa kalungkutan at pananabik na makasama angaming mga mahal sa buhay sa araw na ito. Tanggapin na natin ang katotohanang ang Pasko ang syang nagbubuklod sa bawat isa. Hindi lahat s atin ay nabibiyayaan ng pagkakataon na makapagbakasyon sa Pilipinas para makasama ang ating pamilya. Ngunit sapat na rin s atin ang kalinga ng mga kaibigan, second family¸at mga ka-opisina para maging masaya ang pagdiriwang na ito.

Oo, luha. Sa bawat himno ng mga awit pamasko, naiisip natin ang ating mga mahal sa buhay. Alam nila, ang pangangailangan natin at alam din nila na para sa kanila ang laban ng bawat OFWs. Ang Diyos na ang bahala sa atin, sya ang Sta. Claus natin, at ang Kanyang regalo – hindi Nya tayo iiwan at sya ang magiging Big Bro at kapamilya natin na gagabay at magpapaalala na ang lahat ng naiwan natin na mahal sa buhay ay nandyan at nananabik na tayo ay muling makapiling.

Sa mga kapwa ko Pilipino, mula sa puso ang paggising natin ng siyam na araw. Regardless kung may wish o wala, regardless kong makokompleto mo ito o hindi. Ang importante – buong galak nating sinasalubong ang tunay na Sta. Claus ng bawat Pilipino.

Isang nakaka-puto bumbong at nakaka-bibingkang Pasko sa bawat Pilipino saan man sa mundo.

by: DREW BCHLR