Minsan May Isang Ama At Mga Kuya….

(Photo credit:jagran.com/another minor raped)
(Photo credit:jagran.com/another minor raped)

“Itayyyyy…..huhuhuhu, parang-awa mo na po.  Itay….tama na po”
Ang paulit-ulit na pagmamakaawa ni Lisa sa kaniyang ama.

Si Lisa ang panganay sa tatlong magkakapatid na babae.  Lima silang magkakapatid; dalawa ang lalaki na mas nakatatanda sa kanila.  Ulila sa ina at lumaki sila sa poder ng kanilang ama at mga kuya.

Isang lihim na hindi sinasadyang nalaman ko.  Sa murang isipan ko, alam ko na mali ang mga nangyayari sa kapaligiran na nakikita ko.  Natakot ako sa aking nasaksihan; hindi sinasadyang napasilip ako sa butas ng dingding ng kanilang bahay, at dahil sa impit na pag-iyak na narinig ko.

Isang eksena na alam ko ay ginagawa lamang ng mag-asawa.  Alam ko at kitang-kita ko kung sino ang dalawang tao na nasa ganoong kalagayan; si Ona at ang kaniyang ama ang kitang-kita ko na nasa papag, hubo’t hubad sa katanghaliang tapat. Impit ang mga iyak ni Ona.  Si Ona ay siyam na taon gulang lamang.  Tumakbo ako papalayo na takot na takot. Tikom ang aking bibig at wala akong pinagsabihan sa mga nakita ko. Sobra akong natatakot, kaya hindi rin ako nagkalakas ng loob na magsumbong sa mga magulang ko.

Dahil likas akong gala noon; kapag nagsawa akong manguha ng mga sea shell, buko o bayabas naman ang mga kinukuha ko sa kasukalan.  Habang nangunguha ako ng mga bunga ay mayroon akong naririnig na parang nag-uusap.

“Kuya, tama na po!”  Pamilyar ang tinig niya sa akin.

 “Parang awa mo na, Kuya,” ang boses na naririnig ko; nagmumula ito sa may likod ng natumbang puno ng niyog. Isang puno ng niyog na noong natumba ay nakagawa ng isang medyo may kalaliman na uka sa lupa  noong may malakas na bagyo  Umakyat ako sa puno ng niyog nang  walang kaingay-ingay.  Kitang-kita ko kung ano ang kahayupang ginagawa ng kuya ni Lisa sa kanya. Ang isang kapatid naman ay nasa isang tabi lamang, nakatingin at umiiyak habang hawak ang hinubad na damit.  Halinhinan nitong ginawan ng kasamaan ang dalawang magkapatid.  Kung hindi sa loob ng kanilang bahay, nangyayari ito sa kasukalan; kung saan inaaya nito ang mga kapatid para manguha ng kahoy.   Mabilis akong bumaba sa puno at dahan-dahang lumayo sa lugar na iyon.  Umiiyak ako sa takot.  Naiisip ko rin ang katabing itak na sobrang kintab sa paghasa.

Pansamantala lamang kaming tumira sa lugar na iyon noon.  At bihira lamang ako pumunta  dahil nag-aaral ako noon at nakatira ako minsan sa aking lola.  Sa paminsan-minsan kong pagbisita sa lugar na iyon, hindi lamang iilang beses na naging saksi ako sa mga kahayupang pinaggagawa ng mag-ama sa kaawa-awang magkapatid na babae.  Oo, mistula silang mga hayop na mag-ama.  Ama, na dapat ay nagmamahal sa kaniyang mga anak na babae bilang isang mabuting ama.  Mga kuya na dapat ay nagsisilbing tagapagtanggol ng kanilang mga kapatid na babae…..pero ito sila, mistulang mga hayop.

Mga mababangis na hayop na kinakain ang sarili nilang dugo at laman.  Takot at awa ang aking naramdaman nang mga panahong iyon.  Pero sobra akong natatakot sa murang edad ko na iyon; wala akong sapat na lakas at kaisipan kung ano ang aking gagawin sa mga tagpong nakikita ko.

Normal naman sila kung kumilos sa sa harap ng mga tao. Walang bakas ng kamunduhan at kasamaan na nangyayari sa kanilang pamilya.  Ang magkakapatid na babae ay hindi mo kakitaan ng kakaibang kilos.  Siguro, pinipilit rin nilang maging natural at normal sa harap ng  mga tao sa labas ng pamamahay nila.

Lumipas ang ilang taon at nagdalaga na nang tuluyan at nagkanya-kanya nang buhay ang mga magkakapatid.  Nakakausap ko pa nga noon  ang dalawa sa magkapatid.  Naging maganda ang buhay ng ilan sa kanila at nakapag-asawa rin lahat.  Ang kanilang ama ay maaga noong nagbayad ng kahayupang ginawa sa kanila.  Isang malagim at masakit na kamatayan ang naging kabayaran.  Diyos na ang humusga sa kaniya, sa pamamagitan ng isang napakasakit na aksidente. Ang isang kapatid naman na lalaki ay nasangkot sa isang krimen at habangbuhay itong nakulong.  Pero para sa akin, kulang pa iyon na kabayaran sa lahat ng kahayupang kanilang ginawa.

Ang isa namang kapatid na lalaki ay wala na rin akong balita.  Hindi ko alam kung paano ito nagbabayad ngayon. OO…tama ka,  silang magkakapatid at mag-ama ang halinhinang nagpasasa sa murang katawan ng kanilang sariling dugo at laman.  Minsan pa nga, nasaksihan ko kung paano nila halayin nang sabay-sabay ang magkakapatid.  Habang ang isang kapatid ay umiiyak sa isang tabi.  Hindi ko maiwasang isipin na tuwing pagkagat ng dilim, ganuon ang eksena na nasa isip ko. Ang kahayupan na nangyayari sa loob ng pamamahay na iyon.  Piping saksi ang maliit na butas ng kanilang bahay. Nangyayari iyon tuwing alam na umaalis ang aking ama at ina para pumunta sa laot at mangingisda.  Labinglimang dipa lamang ang layo ng bahay nila sa aming bahay kubo.

Noong nandito na ako sa Maynila, dito ko nababasa sa diyaryo o minsan napapanood sa TV ang mga katulad ng kasong ganuon sa nakita ko.  At sa isip ko habang may nakikita ako at nababasa na ganoon, hindi maaring hindi ko maalala ang magkakapatid na iyon.

Oo, hindi ko nagawa ang ipagtanggol sila.  Hindi ako masisi dahil bata pa ako noon at takot ang umiiral sa akin.  Para sa akin, isang pangyayari iyon na Diyos lamang ang nakakaalam; SIYA lamang mas higit na may karapatang magbigay nang kaparusahan sa mag-ama.  Iniingatan ko na madamay ang aking pamilya sa maaring mangyari. Ipinagdasal ko na lamang ang kapanatagan nang loob ng magkakapatid na babae noon.  Ganoon man ang sinapit nilang magkakapatid,  tinahak pa rin nila ang mabuting landas.  Naging maayos ang kanilang buhay may pamilya ang kahuli-hulihang nabalitaan ko.

Kung maibabalik ko lamang ang panahon na iyon ngayon.  Hindi ako mag-aatubili na tulungan ang magkakapatid. Nabigyan sana ng tamang hustisya ang nangyari sa kanila.  Alam ko sa panahon ngayon, mayroon pang nangyayari na ganito.  Umiiral lamang ang takot sa mga panakot na ibinibigay ng mga walang puso. Napakarami na ngayon ang maaaring lapitan para hingian ng tulong.  Mayroon na ngayong makapagtatanggol sa kamay ng mga demonyo.   Mga batang kaawa-awa na biktima ng makamundong pagnanasa.  Gawain ng mga taong nabubuhay sa kadiliman at hindi na nakikilala ang Diyos.

Paalala:
Ito ay true story na ibinahagi naman ng isa kong kaibigan na ipinatago ang tunay na pangalan.  Isang kuwento na kaniyang nasaksihan at ibinahagi sa akin noon.  Ang mga pangalan ng mga tauhan ay sadyang pinalitan.  Kung may pagkakatulad man sa kuwento, mga pangyayari at mga pangalan na nabanggit, ito ay nagkataon lamang at  hindi sinasadya.