Minahal Ako ng Isang Arabyana (An OFW Story)

new-look-of-abaya-in-saudi-arabia

Ako ay isang binata at hindi pa nakaranas na magkaroon ng s’yota at lalong hindi pa ako nakatikim sa tinatawag nilang luto ng Diyos. Naglakas loob akong mangibang-bayan sa Gitnang Silangan sa hangaring makatulong sa pamilya.

Maganda at maayos naman ang aking trabaho. Nasa opisina lang ako. Nagde-design at gumuguhit kami ng mga villa o buildings. Kinausap ako minsan ng aking kasamahan sa trabaho na pinsan ng sikat na komedyante sa Pinas at may ibinigay na sideline sa akin. May tuturuan daw akong isang arabyana. Nag-aaral daw ito ng interior designing dahil nasa furniture business ang asawa nitong arabo. Magpapaturo ng Autocad, isang software na ginagamit sa paggawa o pagguhit ng mga plano o kahit anong drowing. Walang isip-isip ay tinanggap ko agad ang alok ng kasama ko.

Pumunta kami sa bahay ng nasabing arabyana. Bahay pala iyon ng kanyang ama na matanda na. Pinakilala kami sa kanyang ama at titig na titig ito sa akin na para bang kinikilatis niya muna ako.  Maamo naman ang pagmumukha ko kaya siguro nagustuhan ako ng kanyang ama at nag-usap sila ng arabyana na para bang sumang-ayon o pinahintulutan siya na magpaturo sa akin.

Nagkasundo na kami sa presyo at oras ng pagtuturo. Pagkatapos ng trabaho ko sa opisina ay sinusundo na ako ng drayber para dalhin sa bahay ng arabyana. Nagtaka ako noong una dahil nasa ibang bahay na naman kami. Iyon pala ang bahay ng arabyana at ng kanyang asawa. May pilipina daw silang katulong ngunit nakabakasyon pa ito kaya kumuha muna sila ng rental upang maglinis lang ng bahay at may makapag-alaga sa kanyang anak na apat na taong gulang.

Noong una ay may ilangan pa kami sa isa’t isa. Hindi lang ako masyadong nahiya dahil nakatakip ito sa mukha. Ganon daw talaga iyon kapag arabyana. Majeda pala ang pangalan niya. Maganda ang boses niya at magaling magsalita ng english. Sa kalagitnaan ng pagtuturo ko sa kanya ay mayroong biglang dumating na isang matandang arabo. Asawa pala niya iyon. Nag-hi lang ito sa akin at parang nagmamadali. Pumasok ito sa isang kwarto at sinundan naman agad ni Madam at lumabas din sila agad-agad at lumabas na muli ang asawa niya at tuloy ang aking pagtuturo.

Hindi ko namalayan umabot na pala ako ng isang linggo sa aking pagtuturo kay Madam Majeda. Komportable na kami sa isa’t isa. Bago mag-umpisa at pagkatapos ng pagtuturo ay magkukwentuhan muna kami.Hindi ko namalayan na naibahagi ko na pala sa kanya ang ibang kuwento ng buhay ko at ganon din siya. Dati ay shawarma ang pinapa-meryenda niya sa akin hanggang sa naging cakes, cookies o kahit anong matatamis. Naikuwento ko kasi sa kanya na mahilig ako sa matatamis. Siya daw mismo ang gumawa at nagluto non.

“I know that your future girlfriend will love you so much because you are very nice, smart and sweet person,” sabi niya ito sa akin na ikinamula ng aking mga pisngi.

Hanggang sa dumating sa punto na naglalambing na ito sa akin. Kahit nasa oras ako ng trabaho ay tumatawag ito. Konting lito lang sa ginuguhit niya ay tatawag na ito agad. Sa oras naman ng aking pagtuturo ay sobrang dikit na ito sa aking katawan. Minsan ay inakbayan pa niya ako at inaagaw ang mouse ng laptop niya mula sa aking pagkakahawak. Lalaki rin ako at hindi ko maiwasan na maglaro ang aking isipan sa mga ganoong tagpo lalo pa’t nakasayad o nakalapat ang malaking mouse sa kanyang dibdib sa aking braso. Ngunit hindi ko hinahayaan na malamon ng demonyo ang utak ko. Iniisip ko nalang na dahil iyon sa sobrang tuwa niya sa tuwing natututo siya ng mga bagong paraan sa mga itinuturo ko sa kanya.

Isang gabi nang pumasok na ako sa bahay nila ay hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Mag-iisang buwan na ako pabalik-balik sa kanilang bahay ay noon lang ako nadama ng kakaiba. Late na akong dumating dahil nag-taxi lang ako. Kasama raw kasi ng anak niya ang drayber nila na dumalo sa isang party ng isang kapatid niya, kaya hindi ako nasundo. Sinalubong ako ni Madam at nagulat ako sa aking nakita. Wala na itong takip sa kanyang mukha. Tumawa ito at huwag na daw ako magulat na tinanggal na nya ang harang sa kanyang mukha.

“My face is like a monster?” pabirong tanong niya sa akin.

Hindi siya mukhang halimaw kundi hayop sa ganda. Ang kinis ng mukha niya at halatang batang-bata pa ito kumpara sa asawa niya na marami ng kulubot sa mukha. Nang nandoon na ako sa dining area na kung saan doon ko siya tinuturuan, ay nakita kong nakatiklop pa ang laptop niya, at katabi nito ay maraming pagkain na nakalatag. Pinaupo niya ako at kumain daw muna ako. Naghanda siya bilang pasasalamat sa lahat ng naituro ko sa kanya dahil pinupuri siya ng mga kaklase niya na magaling daw siya.

“Thank you, thank you so much, I like you,” sabay yakap niya sa akin at laking gulat ko ay hinalikan niya ako sa aking mga labi.

Napalingon ako sa paligid. Sinabi niya sa akin na huwag akong matakot dahil nasa Dubai ang asawa niya para sa isang business trip. Kami lang daw dalawa sa bahay. Kinuha niya ang kamay ko at inilapat niya sa kanyang dibdib. Nakikita ko sa kanyang mga mata ang nag-aalab na pagnanasa. Binaba ko ang aking kamay. Aaminin kong may naramdaman akong kakaiba sa aking katawan pero hindi ko pa rin hinayaan na magtagumpay ang demonyo na bumubulong sa utak ko. Nagmakaawa siya na pagbigyan ko siya kahit sa gabi lang na iyon. Gusto niya araw ako at napamahal na raw siya sa akin. Kinuha ko ang isang basong tubig sa mesa at pinainom ko sa kanya upang siya ay kumalma. Nagpaalam nalang ako na umalis na muna at saka nalang sa ibang araw ko siya tuturuan. Umiyak siya at naawa ako. Tumayo kaming pareho at niyakap ko nalang siya.

“I’m so sorry Madam, I’m so sorry. I don’t want to hurt you, but this is wrong.”

Nilisan ko ang kanilang tahanan na para bang nakalutang lang ako sa ulap. Hindi ako makapaniwala sa mga nangyayari ng gabing iyon. Habang nasa loob ako ng taxi pauwi ay nakalutang ang aking diwa. Ang daming mga tanong ang sunod-sunod na pumapasok sa aking isipan. May tumatawag sa aking selpon pero hindi ko pinansin hanggang sa makarating ako ng bahay.

Kinabukasan pagkatapos ng aking trabaho ay tumawag sa akin ang drayber ni Majeda. Pinapapunta agad ako sa aming tagpuan. Sasabihin ko na sana na masama ang pakiramdam ko ay pinatayan agad ako ng telepono. Nang makarating na ako sa drayber ay may inabot siya sa akin na isang sobre. Galing daw ito kay Majeda at hindi daw muna ako magtuturo. Pumasok agad ako sa kuwarto at binuksan ang sobre. Tatlong libong riyals ang laman ng sobre at may nakalakip pa na sulat.

“I’m very sorry for what had happened. I’m so bad. Thank you so much for being a good teacher not only in drawing but you also taught me good lessons in life. You are very nice, a good person and a very good heart filipino..”

Matapos ko mabasa ang sulat ni Majeda sa akin ay may ngiti sa aking mga labi. Bagaman noong una ay may takot ako na baka sa sobrang inis niya sa akin ay gawan ako ng kuwento na ikapapahamak ko. Nagkamali pala ako.

Mataas ang pagtingin ng mga ibang lahi sa ating mga Pilipino. Magagaling at mahuhusay daw tayong magtrabaho, ngunit dapat din nating patunayan sa kanila na tayo ay may puso na marunong rumespeto, at hindi nananamantala sa kahinaan ng iba.

Hindi ko hinayaan na magwawagi ang demonyo sa ipinaing niyang tukso sa akin. Alam kong makakatikim din ako ng luto ng Diyos na tinatawag nila, sa tama at wastong panahon, at sa taong nakalaan para sa akin. Higit sa lahat, ang mali ay mali at sa huli ay magbubunga ito ng kapahamakan at hindi maganda kung ito ay iyong hahayaan at ipagpilitan. Hindi ko papayagan na masira ang aking mga pangarap sa tukso ng sanlibutan. Mahaba-haba na rin ang aking nilakbay at pagtitiis, kaya marapat lamang na tibayan ko pa ang aking sarili at pananalig sa Puong Maykapal upang patuloy na malabanan ang anumang tukso na dumaan sa aking buhay lalo na dito sa ibayong-dagat..

 

 

About adbent

BISDAK..! Isang OFW sa Gitnang Silangan... Pagsusulat ang tanging libangan upang mapawi ang pangungulila at kalungkutan..