Mga Utak Pulbura

(Photo credit; www.philstar.com)
(Photo credit;  www.philstar.com)
(Photo credit; www.philstar.com)

Sabi nga sa kanta ni Elvis Presley, “…only fools rush in”.

At kung mayroon mang magandang halimbawa ng kasabihang ito sa tunay na buhay, ang mga Vietnamese na marahil iyon. Nitong mga nakalipas na araw, libo-libong mga galit na Vietnamese ang nagtungo sa mga lansangan ng lalawigang Binh Duong—ang pusod ng industriya sa Vietnam—upang ipakita ang kanilang pagtuligsa sa pinakabagong panghihimasok ng bansang Tsina sa West Philippine Sea. [1] Kamakailan kasi, tinayo ng China National Offshore Oil Corporation (CNOOC) ang isang oil rig sa bahagi ng karagatan ng Kapuluang Paracel na inaangkin rin ng Vietnam. [2]

Sa mga pagkilos na ito, sinugod ng mga nagpoprotesta ang mga pabrika at iba pang negosyong pag-aari ng mga Intsik. Gamit ang mga sulo at Molotov cocktail, sinunog nila ang anumang pabrika at establisimiyento na may mga karakter na Intsik sa kanilang mga pangalan o logo. Subalit, sa kasamaang palad, di lamang mga Intsik ang nadamay at nasaktan sa kaguluhang ito. Maging ang mga negosyo at ari-arian ng mga inosenteng mangangalakal mula sa Taiwan, South Korea, Hapon, at Singapore ay dinamay. Iniulat pa nga ng embahada ng Singapore na maging ang kanilang pambansang watawat ay sinunog ng mga nagpoprotesta.

Habang nagaganap ang mga pagkilos na ito, patuloy namang nakikipagpatintero ang mga barko ng Vietnam sa mga barko ng Tsina sa mga pinag-aagawarang karagatan ng Kapuluang Paracel. Ito ay upang hadlangan ang plano ng Tsina na magbungkal at mangalap ng langis mula sa naturang lugar. Kasabay ng mga pangyayaring ito sa Vietnam ay ang pagkakahuli ng mga otoridad ng Pilipinas sa 11 mangingisdang Tsina sa pinag-aagawang Hasa-Hasa Shoal malapit Palawan, [3] at ang paglalabas ng Hukbong Katihan ng Pilipinas (Philippine Navy) ng isang ulat kung saan kinukumpirma ang posibleng pagtatayo ng Tsina ng isang paliparang military sa Johnson South Reef o mas kilala sa Pilipinas bilang Mabini Reef. [4]

Mabilis na nagbigay ng kanilang reaksyon ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng social media kung saan pinuri nila ang mga Vietnamese sa kanilang pagiging “makabayan”. Karamihan sa mga netizens ay nananawagan ng kaparehong pagkilos sa ating bansa sa lalong madaling panahon. Ang ilan ay nagpahayag na sana’y magpadala ang gobyerno ng mga barko at tauhan sa lugar upang pigilan ang mga gawain ng mga Intsik. May mga piling komento na tahasan ang pagiging racist at halos magpaalala sa akin ng propaganda noon ng Nazi Germany.

Nakakaawa ang mga netizens na ito pagkat nanggagalaiti sila para lamang maka-iskor ng masasakit na salita tungkol sa Tsina at mga Intsik, isang bansang may pinakamalaking sandatahang lakas sa kasalukuyan. [5] Nakakabahala ang kanilang katangahan sa pananawagan ng digmaan nang di man lamang iniisip ang magiging epekto nito sa ating mga mamamayan at ekonomiya. Nakakainis na itinutumbas nila ang pagkamakabayan sa racism at racial purity. Kung alam lamang nila na gabuhok na hiblang naghihiwalay sa mga konseptong iyon.

Tila tayo ay nagiging lipunan ng mga utak pulbura at mga basagulero. Gaya ng mga iniidolo nating mga action star gaya nina Fernando Poe Jr., Bong Revilla, at Lito Lapid, gugustuhin nating sumugod sa isang labanan laban sa isang pwersang mas malakas sa atin nang walang paghahanda at pag-iisip. Sa kasamaang palad, ang sigalot natin sa Tsina ay hindi isang pelikula kung saan mananaig ang dehado sa llamado matapos ang isang mahaba at matinding labanan. Masakit man, tanggapin natin ang katotohanan na ang ating sandatahang lakas, ekonomiya, mga likas-yaman, at mga mamamayan ay madedehado kung sakaling makipagbuno tayo sa Tsina.

Mahigit isandaang taon nang malaya ang ating bansa at nanaig tayo bilang isang pamayanan sa loob ng mas matagal pang panahon. Ang ating mga ninuno ay nakipaglaban sa mga mananakop at ganid sa kapangyarihan sa loob at labas ng bansa. Kung tutuusin, tayo ay isang “maturing democracy”, isang demokrasyang hinog sa kasanayan ng paggamit ng mapayang pakikipagkasunduan, subalit taliwas ito sa ipinakikita nating reaksyon at diplomasya sa mga agawan sa teritoryo na ating kinasasangkutan.

Bagkus, huwag nating hayaan ang ating maling ideya ng pagkamakabayan na manaig sa ating kalooban. Huwag nating hayaan na manaig ang ating kamusmusan bilang isang bansa. Huwag nating tularan ang kahangalan ng mga bansang nakapalibot sa atin. Ang kailangan natin ngayon ay mga tinig ng kahinahunan upang tutukan at gabayan tayo. Ngunit higit sa lahat, kailangan nating maging isang mahinahong lipunan—nakikinig at handang isaalang-alang ang lahat bago ang anumang pagkilos at paggawa.

Isinalin mula sa orihinal na artikulo sa Ingles na pinamagatang “Fools Rushing In” noong 16 Mayo 2014.

Mga Batis na Pinagbatayan:

[1] Nga Pham (14 May 2014). Vietnam anti-China protest: factories burnt. BBC News. Retrieved on 15 May 2014.

[2] Kaiman, Jonathan (8 May 2014). China accuses Vietnam of ramming its ships in South China Sea. The Guardian. Retrieved on 15 May 2014.

[3] Laude, Jaime (8 May, 2014). 11 Chinese poachers arrested. The Philippine Star. Retrieved on 15 May 2014.

[4] Ramos, Marlon, and Quismundo, Tarra (15 May 2014). China building airstrip on reef in PH waters. The Philippine Daily Inquirer. Retrieved on 15 May 2014.

[5] Hackett, James (ed.) (3 February 2010). The Military Balance 2010. International Institute for Strategic Studies; London: Routledge. ISBN 1857435575.

About The Social Scientist

is the author of the blog of the same name and of Pilipinas 360. He looks at and digs deeper to find the implications of current issues, news and actions to Filipino society.