Mga Magulang Ko ay asa Abroad; Mayaman Daw Kami, Pero ang Totoo Hungkag ang Aking Pagkatao

(Photo Credit: Ebay)
(Photo Credit: Ebay)
(Photo Credit: Ebay)

“Mayaman kami, kasi ang Mama at Papa ko ay nasa Abroad.”

Ito ang lagi kong sinasambit at ipinagmamalaki sa tuwing ako ay tinatanong nga aking mga kamag-aral kung nasaan ang aking mga magulang, kung bakit hindi pa nila ito nasilayan sa tuwing may meeting at mga programa sa aming paaralan na dapat kasama ang mga magulang,

Lagi akong tampulan ng tukso dahil wala raw akong mga magulang,  lola lang daw ang nag-aalaga sa akin, at galing  daw ba ako sa bitak ng kawayan? Bakit daw hindi pa umuuwi ang aking mga magulang kung mayroon man ako nito?

Kahit ako nga hindi ko pa nasisilayan ang aking Mama at Papa, dalawang taon pa lang daw po ako nang sila ay nangibang-bansa. Ini-asa ako sa kalinga ng aking Lola na Nanay ni Mama. Si Mama ay pumunta sa Canada at si Papa naman ay Saudi Arabia. Hindi ko pa sila nakikita mula nang sila ay umalis. Lagi na lang nag-eextend ng kanilang kontrata, iyon ang sabi ni Lola.

Nalalaman ko lang na mayroon nga akong magulang dahil sa larawan na ako’y karay-karay noong maliit pa.  Mga padalang gamit sa eskwelahan at mga bagong damit at sapatos ko at iba naming kailangan ni Lola. Tuwing Summer ay may balik-bayan box kaming natatanggap; lahat ay nandoon na mula sa gamit sa katawan at mga gamit sa kusina, halos kompleto na.

Lagi silang tumatawag tuwing mayroong okasyon sa aking buhay, tulad kung kaarawan ko at mga Pasko at iba pang pagdiriwang. Minsan, umiiyak pa nga si Mama na sana raw ay magpakabait ako dahil ang ginagawa raw nila ay para sa akin. Hindi ko masyadong maintindihan sa panahong iyon! Bakit ba kailangan pang magkahiwalay ng aking mga magulang para lang kumita, bakit kailangan pang isakripisyo nila ako at ang aming pamilya para raw sa aking magandang kinabukasan?

Hindi naman ako naghahanap ng hindi nila kayang ibigay; masyado lang akong nagtataka kung bakit kailangan ganun?

Maraming taon pa ang lumipas, hindi pa rin umuuwi sina Mama at Papa. Ang maganda lang nilang balita ay nagcross-country na raw si Papa at sila na ngayon ay magkasama ni Mama, sa haba ng panahon silang  magkahiwalay, at last, magsasama na silang mag-asawa. Ako na lang daw ang kulang at ang aking lola. Lalo raw silang nagsisikap dahil ako’y nasa kolehiyo na. Mas naging madali na rin ang aming komunikasyon dahil sa high tech na teknolohiya.  Nakikita ko na sila sa SKYPE. Ang mga kaibigan kong duda na ako’y may mga magulang ay mayroon na akong patunay, kinukuhanan ko ng larawan sa tuwing kami ay magkausap sa internet.

Dumating ang puntong ako’y magtatapos ng aking Kolehiyo.  Isa lang ang aking hiling na sana sila’y aking makita at mayakap sa napakaimportanteng araw ng aking buhay.  Makikita na nila ang kanilang pinaghirapan, magtatapos akong may mataas na karangalan. Iniaalay ko ito sa kanila. Hindi na importante sa akin ang mga materyal na bagay na kanilang dadalhin, ang importante sa akin ay ang kanilang presenya. Hindi nila kinumpirmang sila ay uuwi, parang nawalan ako ng sigla.

Araw ng aking pagtatapos at kasama ko ang aking lola na halos hindi na makalakad sa katandaan; pati aming kapitbahay ay kinaladkad ko na para mabantayan ang aking lola habang ako’y nasa entablado at hindi pa tapos ang programa.  Dahil sa nakamit ko ang pinakamataas na karangalan, ako ay may talumpati..

” Magandang araw po sa inyong lahat, lalo na sa ating mga bisita, sa mga magulang na naririto upang sumaksi sa pinakamahalagang araw ng kanilang mga anak.  Ako’y sumasaludo sa inyo. Sa aming mga gurong naging kasama namin sa araw-araw ng aming buhay sa paaralan at umaagapay para makamit namin ang aming mga mithiin, maraming salamat po.

Para sa aking mga magulang, kahit wala sila rito, maraming salamat sa mga padala ninyong mga gamit at pera sa akin. Hindi kayo nagkulang sa mga materyal na bagay sa pagpapadala sa akin.  Naalala ko noong nasa elementarya pa ako, ako lagi ang may pinakamagandang sapatos, ako lagi ang may bagong uniporme at payong, bag at iba pang mga gamit sa paaralan.  Kinaiinggitan ako ng aking mga kamag-aral dahil lahat daw ng aking mga gamit ay magara. Kung may bayaran daw sa tuition, ako lagi ang nauuna.  Ang hindi nila alam, hungkag ang aking pagkatao dahil mula nang ako’y bata pa hindi ko pa kayo nakakasama kahit isang gabi man lang; ang mayakap sa tuwing ako ay may pinagdaraanan, ang may makausap sa tuwing ako ay nasa pinamababa na punto ng aking buhay.

Ang mga balik-bayan boxes lang ang inyong pampuno sa aking kalungkutan. Hindi ko po kailangan iyon kung tutuusin,;ang kailangan ko’y inyong kalinga at inyong presensya. Hindi ito alam ng aking mga kamag-aral, na ako’y dumaranas ng ganitong insekyuridad sa aking buhay.  Ang alam lang nila ay ‘yung ako ay masaya dahil sa inyong mga padala. Walang namumutawing salita sa aking mga labi sa tuwing ako’y nakakikita sa aking mga kaibigang kompleto ang pamilya o hindi kaya may nag-aatend sa kanilang meeting na Mama o Papa nila. Hindi ko kayo masisisi na ako’y inyong iniwan dahil sabi nga ninyo, ito ay para sa aking magandang kinabukasan. Ang lahat ng ito ay alay ko sa inyo.

Sa aking Mahal na Lola,

Sa iyo lahat ang paghihirap sa pag-aaruga sa akin; mula nang ako’y magkamalay hanggang ngayon ako’y malaki na. Walang makapapantay na materyal na bagay sa ibinigay mong pagmamahal at atensyon sa akin. Sa tuwing ako ay iiyak dahil sa pambu-bully sa akin na ako’y bitak ng kawayan dahil wala silang nakikitang magulang ko, ikaw ang sumusulong sa mga nang-aaway sa akin. Mga yakap mo ang nagpapakalma sa aking paghikbi, mga payo mo ang aking sinusunod. Ang pag-aaruga mo sa akin bilang apo ay walang kapantay.  Maraming salamat po.”

Sa aking pagpanaog sa entablado sinalubong ako ng aking mga nakikita at nakakausap sa Skype, kasama ang aking lola. Binigyan ako ng bungkos ng mga puting rosas, niyakap at hinalikan. Sila ang aking mga magulang. Ibinigay ko ang aking medalya na simbolo ng aking karangalan.

2 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.