Mga Kaugaliang Pinoy na Nawawala Na (O Nawala Na)

PagmamanoKakaiba tayong mga pinoy, sa ugali o maging sa  kultura man. Marami na rin akong nakasalamuhang ibang lahi pero iba pa rin talaga tayo. Nakalulungkot lang isipin na sa pagdaan ng mga panahon ay may mga kaugalian tayong unti-unti nang napapalitan kung hindi man tuluyan nang naiwaksi ng makabagong henerasyon. Inaamin ko lumaki ako sa isang makalumang panahon bagama’t hindi pa naman katagalan iyon. Ngunit ang mga gawi, kilos at ugali na aking nakamulatan ay bihirang-bihira ko nang makita sa mga bagong sibol ng kasalukuyan.

Saan kaya tayo nagkulang?

O puwede nating sabihing maaaring sa paglaganap ng mga bagong teknolohiya at pop culture kuno ang naging sanhi nito kung wala talaga tayong mapagbuntunan ng sisi. Pero sana magkaraoon ng cultural revival din tayo, katulad nga sabi nila ng fashion na ito ay pabalik balik at paulit ulit lang naman talaga.Kung meron mang mga kaugaliang pinoy na gusto kong manatili, ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

-Ang ‘Po’ at ‘Opo’ – Wala akong alam na merong katumbas nito kahit sa alinmang lenguwahe. Noong kabataan ko isang mortal na kasalanan ang hindi gumamit nito pag ang kausap mo ay mas nakatatanda sa iyo. Kahit nga iyong mga nagtitinda ng ice cream o estrangherong napagtanungan ka lang sa daan ay namumupo ka na. Bata pa lang ay tinuturuan ka na ng salitang ito at pag nakakalimutan ay madalas itinutuwid . Pag tinatanong ka, hindi pwedeng ang sagot ay ‘oo’ o ‘hindi’ lang. Dapat ‘opo’ at hindi po’. At pag nakalimutan mo iyon, tiyak isang matalim na sulyap ang ipupukol sa iyo ng nanay mo. Minsan, kausap ko ang isang kakilalang Pinay din na may kasamang bata na mga 6 na taong gulang. At tinanong ko kung anak ba niya iyon. Aba eh sumabat ba naman ang bata ng –‘Hey don’t talk to my mommy!’Ewan ko kung ako ang napahiya o yung nanay. Pero dismayado ako sa asal ng bata. Unang-una, nuong bata ako bawal sumabat kami sa usapan ng mga matatanda maliban na lang kung kinakausap. Pangalawa, wala man lang kagalang-galang sa tono ng bata na parang ang kausap ay kasing-edad nya lang. Sana wag nating hayaang makalimutan ang mga salitang ito kahit maging fluent pa sa ingles at arabic ang mga anak natin.

-Ang Pagmamano – Huwag natin sanang ihalintulad at ipalit ang pagmamano sa simpleng paghalik lamang sa pisngi o kaya ay beso-beso. Isa itong kalugud-lugod na paggalang sa mga nakatatanda sa atin. Ang halik sa pisngi ay pwede nating gawin kahit sa mga kaibigan lang  o sabihing kahit sa mga magulang at nakatatandang kamag-anak. Ngunit ang pagmamano ng kamay ay talagang nakalaan sa mga iginagalang natin. Nasubukan mo na bang magmano sa isang kaibigan lang? Hindi naman di ba? Ito ay isa ring unique na kaugaliang pinoy na hindi ko rin makita sa ibang lahi at dapat ay patuloy nating itinataguyod at itinuturo sa ating mga anak. Nuong bata ako, talagang pudpud ang kamay ko sa pagmamano lalo na pag may piyesta at maraming bisita sa bahay. Kahit nga makasalubong ko lang sa daan ang aking mga nakakatandang kamag-anak ay obligado magmano, utusan man ako o hindi. Ginagawa din namin ito pagkatapos magdasal, magsimba, umuwi sa bahay kung saan ka man nanggaling o kaya ay dumating ang mga magulang mo mula sa bayan. Meron pa rin naman akong nakikinita na gumagawa nito at nakakataba ng puso tuwing mapagmamasdan ko. Maniwala man kayo sa hindi, sa edad kong eto na halos nasa katanghalian na ng buhay, kapag nakikita ko ang kapatid ng nanay ko ay talagang automatic pa rin ang pagmamano ko.

-Ang Tawag ng Paggalang sa mga Kapatid – Ito pa ang isang unique na kaugalian ng Pinoy na hindi ko pa natatagpuan sa ibang panig ng mundo. Meron tayong tawag ng paggalang sa mga nakakatandang kapatid natin. Kuya, Ate, Diko, Ditse…May katumbas ito sa iba’t-ibang diyalekto at rehiyon sa Pilipinas pero hindi ko kabisado ang iba. At kalimitan Kuya at Ate na lang talaga ang ginagamit natin. Bibihira na lang siguro ang gumagamit ng Diko at Ditse. Magkaganunpaman, tayo lang ata ang gumagamit nito. Sa ibang lahi, simpleng pangalan lang ang tawag nila kahit panganay ka man o bunso. Hindi ko naman sinasabing walang halong paggalang yun para sa kanila, ngunit iba pa rin pag tayong mga Pinoy ang nagtatawagan ng Kuya at Ate di ba?. Kahit hindi natin banggitin ang pangalan, andun ang simpleng pagpapahayag ng respeto. At saka masarap pakinggan pag ang tawag saiyo ng kapatid mo ay ganito. Hindi ba masakit sa tenga pag tinawag ka ng bunso niyo sa simpleng pangalan mo lang?

-Ang Bayanihan– Ang karaniwang simbolo nito ay ang sabay sabay na pag-alsa ng isang bahay upang ilipat sa ibang pwesto. Marahil ito ay akma sa makalumang panahon. (Sige nga ilipat nyo nga ngayon ang isang konkretong bahay! Sina Ondoy, Pedring at Pablo lang ang pwedeng gumawa niyan ngayon hehehe). Pero maraming paraan ang bayanihan , na sa ibang anyo ay pagdadamayan at pagtutulungan. Kung nangangailangan ang isang kasamahan natin ng tulong, nakahanda tayo para dumamay. Dito ako natutuwa kasi nanatili pa rin ito. At nasasaksihan natin ito tuwing may mga kalamidad at sakuna na nangyayari sa ating bansa. Talagang lumalabas ang tunay na ispiritu ng bayanihan at hindi ko na kailangang lawakan pa ang pagpapaunawa nito. Gusto kong maniwala na ang diwa nito ay nasa atin pa rin kahit na nasa ibang bansa tayo.

-Ang Harana – Sa ayaw niyo at sa hindi gusto ko lang idagdag ito. Dahil sa ito ay kakaiba rin at isang nakakaaliw na kaugalian. Alam kong ilan lamang sa atin ang nakaranas na maharana nung kabataan (Ako hindi pa, promise hehehe). Pero nakakatuwa kasi naaalala ko yung mga tiyahin kong dalaga na hinaharana nung kabataan nila. Kakaibang paraan kasi ito ng panliligaw at panunuyo. Maaring corny na ito kung gagawin ngayon pero ganun pa man natatangi rin ito sa atin lang mga pinoy. Saka mas exciting naman ito kung ikukumpara mo sa panliligaw sa text or chat lamang na siya na yatang uso ngayon.

-Ang Panunuyo at Pamamanhikan – Isa pa ring kakaibang ugaling Pinoy nuon. Alam ko wala na rin ata gumagawa nito ngayon.  Yun bang ang mga manliligaw ay nagsisibak ng kahoy, umiigib ng tubig at kung ano-ano pang gawain para suyuin hindi ang kasintahan kundi ang mga magulang. Dito nasusubukan kung gaano katiyaga ang isang manliligaw. At pagkatapos ay mamanhikan na upang ika nga ay hingin ang kamay ng dalaga mula sa mga magulang nito. Bibihira na rin ata ito kahit sa mga probinsiya. Ang kadalasang nagyayari ngayon, kapag nagkagustuhan ang babae’t  lalaki, pwedeng magtanan na lang o kaya pag nabuntis ay kasal  kaagad. Wala nang marami pang seremonyas.

Tsk tsk tsk…

Nakapanghihinayang na ang ilan sa mga kaugaliang ito ay hindi na natin nakikita at maaaring tuluyan na rin nating makalimutan. Sana naman kahit paano, ang mga gawing para naman sa ikabubuti natin at ng ating lahing pilipino ay patuloy pa ring manatili at maitaguyod ng mga susunod na salinlahi…

Kayo, mayroon ba kayong naalala na hindi ko nabanggit sa itaas?

Share n’yo…

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl