Mga ‘di kanais-nais sa mahal kong Pilipinas

pinoy
(Photo Credit: flickr.com)

Kung Pilipino ka, madalas na makikita mo sa Pilipinas ay ang mga bagay-bagay na hindi kaaya-aya sa iyong paningin at hindi tanggap ng iyong panlasa. Ang masiste lang, Pilipino tayo, kaya sa ayaw man natin o sa gusto, dapat nating tanggapin. Subalit kung basta na lamang natin tatanggapin ang mga bagay na mali sa ginagawa ng iba nating mga kapwa Pilipino, iisipin nila, ayos lang na patuloy nilang gawin ang bagay na ‘yon dahil wala namang nagrereklamo.

May ilan lamang akong karanasan na masasabi kong kakaiba at talaga namang nakagugulat na ugaling Pinoy:

a. Oportunista – Minsan, namalengke ako, nagkataong sira ang sasakyan ko, kaya nag-dyip na lamang ako papunta sa palengke. Isa pa, ayaw kong dalhin ang sasakyan ko sa palengke, dahil sa oras na may sasakyan ka, mahihirapan kang pumarada sa harap ng palengke, dahil kadalasan, ang harapan ng palengke sa Pilipinas ay ginagawang paradahan ng TODA o kaya’y mga namamasadang dyip; kaya ang mga namamalengke, walang mapuwestuhan sa oras na mamimili.

Nang makapamili na ako, bitbit ko ang pang-isang linggong laman ng refrigerator namin. Nang maupo na ako sa tricycle at tinanong ko kung magkano papunta sa lugar namin, komo umuulan, at mahirap magpalipat-lipat ng dyip, aba’y mantakin mong ang sagot ng tricycle driver. ” Special po, one hunred pesos hanggang sa subdivision ninyo.”

Muntik na akong mauntog sa pagbaba ng tricycle, sabi ko, ” Aba, parang biyaheng Bicol na ang singil mo a,” tanggi ko.

” E, ‘yon po ang kalakaran dito sa amin e, one hundred pesos,”  katwiran ng driver.

Wow, isipin mo ‘yan, wala pang tatlong kilometro ang layo ng bahay namin sa palengke, isang daang piso ang sisingilin sa akin. Para ‘di na ako mapalaban ng debate, lumayo na lamang ako, naibulong ko na lang sa sarili ko na...”Bakit Pinoy? Kababayan mo ako a? Paano kaya kung isang dayuhan pa ang sasakay sa tricycle mo? Magkano kaya ang sisingilin mo?”

b.  Ganid sa tubo –  “Magkano po ang isang kaha ng sigarilyo?” tanong ko sa tindera, ” Isang daan po.”  Napigilan kong makapagmura sa narinig. Aba’y ilang hakbang lang ang layo ko sa isang tindahan sa kanto na 55 pesos lang ang isang kaha, sa tinamaan ng tinderang ito, 100 pesos? Naisip ko, paano kaya kung umakyat pa ng bundok ang paninda ng babaing ito, magkano na kaya ang halaga ng kanyang bilihin? Nagkataon lang na ako ang bibili, katuwiran naman ng maraming tindahan e, ” E kung ayaw mong bumili, e ‘di huwag!”

c.  Konduktor na may kalimot – madalas ko nang maranasan na makalimot ako ng sukli ng konduktor sa pamasahe. ‘Di ko maisip kung ako ang nakalimot na kunin ang sukli o mismong sinasadya ng konduktor na ‘di ako masuklian. Lalo na ngayong 8.50 na ang pamasahe, madalas na piso na lang ang ibinabalik ng driver o konduktor sa sampung piso, kahit pa nga dapat, 1.50 ang kanilang ibalik na sukli. Katuwiran lang nila, wala kasing barya. Sa maghapon, ilan kayang tao ang ‘di nila nasusuklian? Kung isang daang pasahero ang hindi nila masusuklian, magkakaron silang ekstra kita na 150 pesos.

d. Takaw pasahero – Laman ng lansangan ako sa halos araw-araw, sabi ko nga, kung noong nagsimula akong mag-commute ay nag-ipon na ako ng pambili ng bus, siguro sa ngayon, may dalawa o tatlong units na ako ng bus na puwede na ring ibiyahe. Ang takaw sa pasahero ng driver at konduktor ng bus. Mantakin mo ba naman, halos mamutiktik na ang pasahero ng bus, at halos magkapalitan na ng mukha ang mga pasahero sa loob ng bus, pilit pa ring ipagsisiksikan ng mga tinamaan ang mga pasahero. Ang malungkot, kung ano ang pasahe ng nakaupong pasahero, ganoon din ang sisingilin nila sa mga pasaherong wari’y nasa gitna ng ikalawang digmaang pandaigdig sa hirap ng nararanasan makarating lamang sa oras sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Katuwiran ng mga driver at konduktor, ang mga pasahero naman ang nagpipilit na sumakay e, wala silang magagawa kundi pagbigyan, at habang pinagbibigyan nilang magsisiksikan ang mga pobreng pasahero, lumalaki naman ang kita ng mga kompanya ng bus.

Ilan lamang ang mga ito sa mga nararanasan ko sa halos malaking bahagi ng buhay ko bilang Pilipino. Buntung-hininga na lamang ang ibinabalik at iniisip ko na lang na bahagi na talaga ng buhay ng karaniwang Pilipino ang ganitong kalakaran sa Pilipinas. Kaysa naman pagpistahan ang buhay mo nang walang humapay na batuhan ng dumi at kalkalan ng yaman ng mga politiko, tama na lang ako dito, dahil pagkatapos ng pakikipagsapalaran mo na makapasok at makauwi sa sarili mong tahanan, matutulog ka naman nang mahimbing at walang pangambang pagpipistahan ka na naman ng media at kalaban mo sa politika sa oras na bumalandara na ang pang-umagang diyaryo o bumalitaktak na ang mga komentarista sa telebisyon at radyo.

6 Comments

    • sa ibang bansa kadalasan yung nagpapatupad ng batas ginagawa ang tungkulin nila example bawal tumawid kailangan sumunod kahit anak ng pulis huhulihin dito patapangan saka maraming exempted kaya hindi sanay ang tao sumunod sa batas.

Leave a Reply

Your email address will not be published.