Mga Bulong kay Maria ni Charmel

http://25.media.tumblr.com/dfef7d26ca6023c791eeaef6e5f4bba1/tumblr_mp97sdRUgh1s0i6ofo1_500.jpg

Ako ay si Maria, isang tagasalaysay ng mga istorya ng kanilang saloobin. May aral man o wala, gusto kong ibahagi ang mga sumasalamin sa kanilang kasakuluyang nararamdam dahil ang makinig sa kanilang mga bulong ay mahalaga para sa kanila.

Heto ang istorya ni Charmel:

“Ilang taon na ang nakalipas ngunit ang puso ko’y puno pa din ng galit, walang kapatawaran pa ring nananiig. Maganda ang pamumuhay ko noon, masaya ang aking pamilya. Hindi kami hikahos sa buhay dahil ang aking ama ay isang engineer sa ibang bansa, guro ang aking ina at dalawa kaming naging bunga ng kanilang pagmamahalan.

Isa akong popular sa aming eskuwelahan. Sabi nila, maganda, matalino at mabuting anak daw ako. Hindi ko nililihim sa aking ina na ako ay maraming masugid na manliligaw ngunit sabi ko sa kanya, pag-aaral ang priority ko.

Sa lahat ng aking manlilgaw, si Luke ang pinakamatagal at matiyaga sa lahat. Galing siya sa maayos at kilalang pamilya, ok naman siya kaso hindi ko talaga makuha mahulog ang feelings ko sa kanya marahil dahil na din sa kaibigan lang talaga ang tingin ko sa kanya. Ang ayaw ko lang sa kanya, hindi siya seryoso sa pag-aaral, mabarkada at wala siyang pangarap sa buhay dahil na rin sa mapera ang pamilya niya, hindi na niya kailangan pang magtrabaho at magtapos ng pag-aaral.

Isang araw, pinuntahan niya ako sa aking eskuwelahan para yayain niya akong kumain sa labas. Kasama niya ang isa niyang barkada na si Howard, na galing sa America kaya ngayon lang niya naipakilala sa akin. Anak ng isang maimpluwensyang tao sa lipunan si Howard, guwapo siya sa aking paningin at sa unang pagkakataon, sumagi sa isipan ko na what if maging boyfriend ko siya. Masarap siya ka-kuwetuhan at alam ko nahahalata ni Luke yun. Malapit na ang aking debut, sabi ko, huwag silang mawawala. Sabi ni Luke, subukan daw ni Howard makapunta.

Ngayon ko lang nahalata, sa aking party, bakit may mga bisita ako na naka-itim na kasuotan, nakalagay naman sa aking invitation na magsuot ng white or pink, doon pa lang may senyales na ng aking kakahantungan.

Biyernes ng gabi, dumaan si Luke sa bahay amin, Pinagbuksan siya ng mommy ko. Niyaya niya ako na sumama sa kanya, sabi ko, ayaw ko dahil may exams at mga projects pa ako. Nung gabi na ‘yun, iba ang timpla ng mukha ni Luke, parang nakainom at iba ang mga rason, nabubulol ang pagsasalita, nanlilisik ang kanyang mga mata. May kasama daw siyang mga tropa sa labas, huwag ko daw siya pahiyain. Pinipilit niya ako, naririnig na pala ng mommy ko ang nangyayari at dali-dali siyang pumagitna sa amin at pinapalabas si Luke ng bahay.

Nakita ko na yung mga tropa niya ay bumaba ng sasakyan, at papasok sa aming bahay, tatlo sila — Mike, Migz, Pete. Nagkagulo na, sinaktan nila mommy ko, narinig ko ang bunso kong kapatid na si Joan na nagsisigaw sa takot, may sumuntok sa aking tiyan,  umikot ang mundo ko, then came blackness…

Wala silang awa, binaboy nila ako, at hindi ko matanggap na nang dahil sa akin, nadamay ang mommy ko at kapatid. Nasaan ang hustiya para sa amin? Ilang taon ang binilang ngunit ang nakulong at pinagdiinan ay ibang tao, ngunit kasama sila sa nakulong. Hindi ko kinasaya na may nasira na namang buhay nang dahil sa akin. Gabi-gabi, nakikita ko ang tatay ko na umiiyak sa aming kuwarto, payat na payat na at may sakit, kami pa rin ang iniintindi niya.

Bakit ako pa, ako itong may pangarap sa buhay, ako ang pinagkaitan na mabuhay. Sana may sarili na akong pamilya, magandang trabaho, tumatawa, kumakain, kumakanta, natakbo, nadadapa, nagkakasugat, umiiyak..buhay sana ako ngayon kaya walang lugar sa puso ko ang magpatawad.

Maraming nagtangka na kausapin kami, ako..ngunit alam kong ginagamit lang kami sa pansariling interes nila. Si Mommy at Joan, pumunta na sa liwanag, sinasama nila ako, Ayoko pa, dahil hanggang ngayon, hindi ko pa mapatawad ang sarili ko at ang mga taong gumawa sa amin nito. Mananahimk lang ako kapag sa huling hininga nila, ako mismo ang susundo at maghahatid sa kanila sa impiyerno…”

Mahirap kausapin si Charmel, sabi niya, eto na ang huli, huwag na daw siyang tangkain na tawagin pa dahil wala naman daw makakatulong o maitutulong sa kanya kundi ang ipagdasal na lang siya na makamit ang katahimikan.

http://25.media.tumblr.com/dfef7d26ca6023c791eeaef6e5f4bba1/tumblr_mp97sdRUgh1s0i6ofo1_500.jpg
[Photo credits/source: http://rebloggy.com/blog/darkestdee]

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.