May Tagumpay sa Kabiguan

Cross (Photo Credit Freedesktopwallpaper.org)
Cross (Photo Credit Freedesktopwallpaper.org)
Cross    (Photo Credit      Freedesktopwallpaper.org)
Cross (Photo Credit Freedesktopwallpaper.org)

Si Miss Luningnig Perez ay isang principal sa isang pribadong paaralan sa Laguna.  Istrikta siya, ngunit mabait, maunawain, at malapit sa mga iskuwela. Matanda siyang dalaga kaya’t tampulan siya ng biro ng mga guro.  Pamangkin niya si Angela, anak ng kanyang kaisa-isang kapatid.

Maagang naulila si Angela sa ama’t ina Kaya’t itinuring na siya ni Miss Perez na tunay na anak.  Nang ikasal nga si Angela si Miss Perez ang tumayong magulang niya.  Hiwalay si Angela sa asawa na nag-immigrate na sa America.  May isang anak si Angela na dalagita, si Mercy.

Isang araw, dumalaw si Miss Perez kay Angela. “Oy Angela,” bati ni Miss Perez, “Kamusta ka na, namalengke ka ba? Dito ako manananghalian. Sarapan mo ang luto ha.”  “Naku, Mama NIng, mabuti napasyal ka. Tamang-tama nagluto ako ng kare-kare. Paborito mo ‘yon hindi ba?” sagot ni Angela. “Nasaan ang paborito kong apo, si Mercy?” tanong ni Miss Perez.  “Ay naku, nasa kuwarto Mama NIng, nagmumukmok. Kagabi pa yon hindi lumalabas ng kuwarto, hindi na nga nakapaghapunan, naguumiyak.” sumbong ni Angela.  “Bakit, ano nangyari, kuwentong pagibig?” manghang pagtatanong ni Miss Perez.  “Maupo ka muna Mama Ning at ipaghahanda muna kita ng maiinom. Malungkot na kuwentuhan ito,” sabi ni Angela.  Sumunod si Miss Perez kay Angela patungong kusina. Habang binubuksan ni Angela ang ref, nag-aalalang nagtanong si Miss Perez, halos pabulong,”Ano ang problema?”  Humila ng isang silya si Miss Perez at itinabi sa isang munting lamesa sa kusina. Doon na siya naupo.  Habang isinasalin ni Angela sa baso ang tinimplang ice tea, marahang sabi niya,”Mama Ning, hindi nakapasa si Mercy sa UPCAT.””Sa UP College Admission Test?”tanong ni Miss Perez. “Opo, Mama Ning,” sagot ni Angela.   Natigilan si Miss Perez. Ibinaba niya ang baso ng ice tea na akma na sana niyang iinumin. “Ay naku! Kapalaran,” himutok ni Miss Perez na umiiling.

Hinawakan ni Miss Perez ang kamay ni Angela, sabi niya, “Angela, mabuti pa palabasin mo si Mercy sa kuwarto.  Kakausapin ko.”  Lumakad si Angela patungo sa kuwarto ni Mercy at kumatok sa pinto. “Mercy,” sigaw ni Angela, “Nandito ang Lola Ning mo. Gusto kang makausap.”  Hindi sumasagot si Mercy. “Mercy” inulit ni Angela ang tawag. “Siya pa, wala akong mukhang ihaharap sa kanya mommy!” umiiyak na sagot ni Mercy.  “Nakakahiya kay Mama Ning, naghihintay. Kausapin mo,” payo ni Angela.  “Ayoko!” pasigaw na sagot ni Mercy. Paglingon ni Angela, nasa tabi na niya si Miss Perez. “Mercy, iha.  mayroon  akong gustong puntahan, samahan mo ako,”  sabi ni Miss Perez.  “Lola Ning, pasensiya ka na.”  humahagulgol na sagot ni Mercy. “Mercy, please…” pakiusap ni Miss Perez.

Binuksan ni Mercy ang pinto, pugtong-pugto ang mga mata at niyakap niya si Miss Perez.  “Oy, ayusin mo ‘yang sarili mo. Magbihis ka at samahan mo ako.” Parang pautos na sabi ni Miss Perez.  Pagtalikod ni Mercy, lumingon si Miss Perez kay Angela at kumindat. Napangiti si Angela.

Makalipas ang halos kalahating oras, lumabas si Mercy na pugto pa ang mga mata. “Tayo na,” sabi ni Miss Perez. “Mama Ning, papaano ang kare-kare ko?” pahabol na tanong ni Angela. “Ireserba mo sa hapunan. Sa labas na kami kakain ni Mercy. O, sige tuloy na kami” paalam ni Miss Perez.

Lumabas ang maglola at naglakad patungo sa nakaparadang ‘di kalumaang sedan na minamaneho ni Miss Perez.  Halos walang kibuan ang maglola habang nasa sasakyan. Binasag ni Miss Perez ang kanilang katahimikan.  Sabi niya, “Mag-drive through na lang tayo, doon tayo kumain sa pupuntahan natin. Paborito mo ang hamburger at French fries dito, hindi ba?” sabay liko papasok sa drive through ng isang fast-food restaurant.

Nakarating ang maglola sa gate ng UP at Los Baños at tinahak nila ang pataas na kalye patungo sa College of Forestry.  Sa lilim ng malalaking puno na kung saan ay mayroong konkretong lamesa pumarada si Miss Perez.  At doon naupo sila at tinanghalian ang dalang pagkain. “Tamang-tama nagre-reduce ang lola.” Sabi ni Miss Perez.  Napangiti si Mercy.  Maya-maya, may paghangang sabi ni Miss Perez, “Ang tatayog ng mga puno dito ano?”  “Alam mo Mercy, may kuwento ako tungkol sa mga punong ‘yan.” ungkat ni Miss Perez sunod tanong, “Gusto mong marinig?” Tumango si Mercy. At, nagsimulang magkuwento si Miss Perez.

Mayroon daw tatlong ganyang kalalaking puno.  Ang bawat isa ay mayroong kasingtayog nilang pangarap. Ang una ay gustong maging isang kaban. Tawagin natin siyang si ‘Cab’ dahil gusto niyang maging kaban.” Parang batang napangiti si Mercy.  Tuloy ang kuwento. “Gusto niyang maging kaban na nababalutan ng lantay na ginto at pilak at punong-puno ng brilyante at nagkikislapang mga bato at alahas.  Ang ikalawa naman ay nangangarap na maging barko. Tawagin natin siyang si ‘Bark’dahil gusto niiyang maging barko.  Isang marangyang barko na maglalayag sa malalawak na karagatan sakay ang mga maharlika, hari at reyna.  Ang ikatlo ay nangangarap na manatili na lamang sa gubat, at tumayog nang tumayog,  hangaan ng tao, at magpa-alaala sa bawat isa ng kaluwalhatian ng Diyos na lumikha sa lahat. Tawagin natin siyang si ‘Luwalhati.’”

Napakunot ang noo ni Mercy na parang naiinip. Lumingon siya at tumingin sa mga matatayog na puno.  Sabi ni Miss Perez, “Pakinggan mo ang kuwento ko Mercy.”  “Sige po, nakikinig ako,” sagot ni Mercy.

Itinuloy ni Miss Perez ang kuwento,”Inip na inip si Cab, lagi niyang hinihintay ang mga mamumutol ng puno.  Gusto na niyang maging kaban na nababalutan ng ginto at naglalaman ng mamahaling alahas.  Isang araw, may mga dumating na kalalakihan sa kagubatan.  Malalaki ang katawan at may mga dalang palakol.  Tuwang-tuwa si Cab, matutupad na ang kanyang pangarap.  Umalingawngaw sa kagubatan ang tunog ng hampas ng palakol sa puno. Itinutumba na si Cab upang maging isang malaking troso.  Hinila si Cab at inilagak sa isang tablerya.  ‘Di naglaon, may isang karpenterong dumating, hinimas-himas si Cab, pinaikot-ikot, at pagkatapos tinistis siya upang maging tabla.  Masaya si Cab, wika niya, matutupad na ang kanyang pangarap.  Subalit si Cab ay ginawa lamang ng karpintero na isang kahon.  Isang kahon na pinagkakainan ng mga hayop, sabsaban ba.  Nalungkot si Cab. Walang tigil ang kanyang pagluha.  Siguro kung mayroon siyang silid, baka magkulong din siya doon.”  

Natawa si Mercy, alam niyang siya ang pinatatamaan ng kanyang lola.  Itinuloy ni Miss Perez ang kanyang kuwento.

“Samantala sa kagubatan, ingit na ingit si Bark kay Cab.  Hindi niya alam kung ano ang nangyari dito.  Ang alam niya lamang ay naputol na ito at naging troso. May isang grupo muli ng kalalakihan ang dumating sa kagubatan.  Sinimulang putulin si Bark. Masayang-masaya si Bark, kinakalabit pa ng kanyang mga sanga ang mga ibon at buong pagmamalaking sinasabi niya na magiging barko na siya- barko ng mga maharlika, hari, at reyna.  Tumindi ang saya ni Bark nang hilahin siya at dalahin sa pagawaan ng barko. Katulad ni Cab siya ay tinistis at hinubog. Nang siya ay magkamalay, napansin niyang hindi siya ginawang malaking barko.  Ginawa siyang isa lamang bangkang pangisda  na sapat lamang maglayag sa isang lawa.  Nalungkot si Bark at lumuha nang lumuha.”

Papaano si Luwalhati Lola Ning, natupad ba ang kanyang pangarap?” Tanong ni Mercy. “Nahintakutan si Luwalhati nang may mga dumating muling mamumutol sa kagubatan.” Pagtutuloy ni Miss Perez. “’Huwag, huwag, huwag ninyo akong putulin.  Ako ang magpapa-alaala sa tao ng kaluwalhatian ng Diyos.  Ang aking katayugan at kagandahan ang magpapakilala sa tao ng kadakilaan ng Lumikha.’  Subalit hindi siya nadirinig ng mga magpuputol. Katulad ni Cab at ni Bark, siya ay itinumba, ginawang troso at hinila.  Napatambak lamang si Luwalhati sa putikan at doon ay nagdusa ng kanyang kabiguan.

 “Ang lungkot naman ng kuwento mo Lola Ning. Ibig mong sabihin, wala man lamang isa sa kanilang tatlo ang nakatupad ng pangarap?” “Hintayin mong matapos ang kuwento Mercy,”sagot ni Miss Perez.

Muling itinuloy ni Miss Perez ang kanyang kuwento. “Isang gabi may dumating na lalaking humila kay Cab. Nilinis siya, nilatagan ng dayami at inilagay sa gitna ng isang yungib na pinagsisilungan ng mga hayop.  Namangha si Cab sa kakaibang liwanag na bumalot sa yungib sa kabila ng kadiliman.  May mga nagdatingang mga pastol at umawit ang mga anghel.  Sa kandungan ni Cab, inilagak ang sanggol na si Hesus. Lubos ang kaligayahan ni Cab. Pangarap lamang niya na malagakan ng mga brilyante’t makinang na alahas, subalit ngayon inilagak sa kanyang kandungan ang Hiyas ng mga Hiyas, ang sanggol na tagapagligtas.”

“’Yan ang unang Pasko,” sabi ni Mercy. “Si Bark at si Luwalhati, ano ang naging kapalaran nila?” masusing tanong ni Mercy. “Si Bark  isang araw ay naglalayag sa lawa…”pagtutuloy muli ni Miss Perez.  “May nakasakay sa kanyang isang lalaki na sa matinding pagod sa paglalakbay ay nakatulog.  Nakasalubong sila ng isang malakas na unos.  Lumaki ang mga alon at tumindi ang ihip ng hangin. Nagising ang lalaki, tumayo, inutusan ang hangin na tumigil, at pinahupa niya ang mga alon.  Namangha si Bark,hindi niya akalaing makikipaglayag sa kanya ang Hari ng lahat ngmga hari- si Hesukristo.

Wow! Ang ganda ng ending,” sabi ni Mercy, sunod tanong, “Ay si Luwalhati?”

Ngumiti si Miss Perez, napapansin niyang naiibsan na ang kalungkutan ng apo. “Malungkot na masaya ang hantungan ng kapalaran ni Luwalhati” Nakangiting sagot ni Miss Perez. “Namalayan na lamang ni Luwalhati na hinihila siya ng mga kabayo. Dinala siya sa isang gusaling bato na napapaligiran ng mga sundalo. Ipinapasan siya sa isang duguang lalaki na nililibak ng mga tao sa daan. Bagama’t hirap na hirap ang lalaki, matiyagang naiahon siya sa isang burol. Naramdaman niyang ipinako ang mga kamay at paa ng lalaki. Ang matulis na pako ay tumagos sa kanya. Nang si Luwalhati ay itinayo na  naghugis krus, nadama niya ang katuparan ng kanyang pangarap- ang maipa-alaala sa daigdig ang kaluwalhatian ng Diyos at kadakilaan ng lumikha.”

“Yehey, nice, nice,” sigaw ni Mercy habang pumapalakpak.

Nagpatuloy si Miss Perez, sabi niya “When God closes a door, He opens a window. Minsan nga ang window na binubuksan ng Diyos ay malaki pa sa pinto, ceiling to floor at nagagayakan ng marangyang kurtina.”  Nahinto si Miss Perez, sa pagsasalita na parang may bumara sa kanyang lalamunan.  Inabot niya ang paper napkin sa kahon ng take-out nilang pagkain. Pinahiran niya ang matang may nanliligid na luha. “Ako man ay nangarap din,” pagpapatuloy ni Miss Perez. “Pinangarap ko ring magkaroon ng isang pamilya.  Subalit ako’y nabigo.  Kapalaran kong maging isang dalaga. Dalaga habang panahon, pero ipinagkaloob kayo ng Diyos sa akin, ikaw at si Angela.  Kayo ang aking pamilya. Kayo ang tagumpay ko.  Sa bawat kabiguan, mayroong tagumpay. “

“Waaaa! Nag emo si Lola Ning!” Kantiyaw ni Mercy, sabay tayo, niyakap at hinalikan si Miss Perez, habang sinasabing, “I love you Lola Ning. Salamat sa kuwento.

Medyo madilim na nang makauwi ang maglola.  Pagbabang-pagbaba sa kotse tumakbo si Mercy sa ina na akmang sasalubong sa kanila. Niyakap niya si Angela sabay sabing “I love you Mommy.” Sumunod si Miss Perez na humahalakhak.  Nag-high five ang mag-tiyahin.

Masayang pinagsaluhan ng tatlo sa hapunan ang kare-kareng inihanda ni Angela. Habang naghahapunan, sabi ni Miss Perez, “Huwag kalilimutan, sa bawat kabiguan, may tagumpay.” Ang sagot ni Mercy, “Sa bawat kare-kare, may alamang.” Nagtawanan ng malakas ang masayang pamilya.

Author: Gilbert Miranda

p.e./mj

About Gilbert Miranda

Former Provincial Board Member and International Relations and Trade Officer of the Province of Laguna. Now retired but wishing to be rehired. Artist and occasional writer.