May Puso Rin Pala Ang Mga Kalalakihan

Hindi pala lahat ng mga lalaki ay katulad ng mga nanakit sa akin noon.

Noong makilala kita, nagbago ang tingin ko sa mga lalaki. Para bang nakabayad ng utang sa aking iyong tatlong nanakit sa akin noon matapos kong masaksihan ang apat na kabiguan mo sa pag-ibig.

Nagdaramdam ka pa sa una mong pag-ibig noong una tayong nagkakilala; araw ng pagtatapos natin iyon sa kolehiyo. Nakatatawa na kung kailan tayo nagtapos ay saka lamang tayo nagkita — o mas dapat kong sabihing saka lamang kita nakita. Paano ba naman kita hindi makikita e namumukod-tangi ka. Lugmok na lugmok ka sa isang sulok. Iyon pala ay kumawala ka sa pamilya mo, sa mga tao, at sa mundo para lamang umiyak dahil wala siya sa espesyal na araw mo. Nang tanungin kita kung kailan pa siya lumakad palabas ng buhay mo, sabi mo ay apat na taon na, pagkatapos ninyong magtapos sa mataas na paaralan.

Biniro kita, “Halos lahat dito ay naiiyak dahil nagmartsa na, sa wakas, habang suot ang toga. Tapos ikaw umiiyak dahil sa iyong TOTGA [the one that got away].”

Natawa ka pero naiyak din kaagad. Iniabot ko ang panyo ko. Tatakbo-takbo ka para umiyak pero wala ka namang baong panyo. Bago mo pa maisauli ang panyo ko ay tinawag na ako ng ate ko kaya nagmadali na akong tumakbo. Kinagabihan ay naisip kita. Natawa ako, hindi lamang pala mga babae ang nagmumukmok sa kanilang TOTGA.

Akala ko ay iyon na ang ating huling pagkikita ngunit may iba palang plano ang tadhana. Nagkasabay tayo ng araw ng interbyu sa kumpanyang nais nating pasukan. Ibang-iba ka na noon, mukhang masayang-masaya ka. Ang kuwento mo, sa wakas ay natagpuan mo na ang babaeng nagpatibok muli ng puso mo. Tinanong ko kung kasintahan mo na siya. Natawa ka, sabi mo ay hindi pa pero doon din iyon papunta.

Hinintay mo akong matapos noon at sabay tayong umuwi. Ilang kalye lang pala ang layo ng bahay ninyo sa aming tirahan. Para pala tayong “parallel lines” noon, hindi nagtatagpo kahit sobrang lapit lamang sa isa’t isa. Pero noon iyon dahil matapos nating magsabay sa pag-uwi ay nagsimula na tayong lumakad ng sabay sa daan ng buhay.

Pagkalipas ng ilang linggo simula noong sabay tayong umuwi, pumunta ka sa amin at niyaya akong magkape. Sa labas mo gusto kahit may kape naman kami. Iyon pala ay iiyak ka na namang muli.

Pinaasa ka niya — o umasa ka sa kanya. Alinman sa dalawa ay isa lang ang iyong kinahinatnan, ang masaktan. Sabi mo, “Akala ko malapit nang maging kami tapos bigla na lang naging sila.”

“Bakit ka naman umasa? Dapat ikaw ang nagpapaasa, lalaki ka kaya,” pamamagalit ko sa iyo.

“Hindi naman sa kasarian nakadepende kung sino ang unang iibig. Sa puso iyon nakadepende, at sa mga puwersa ng pag-ibig,” tugon mo.

Oo nga naman, naisip ko. Inalo kita at siniguro kong darating ang araw at magiging masaya ka rin. Natawa ka, at sabi mo, “Paano mo nasasabi iyan e ikaw nga wala rin kasintahan?”

Napabulalas ako, “Aba! Sinasabi ko na nga ang kailangan mong marinig ganiyan ka pa!”

Tumawa tayong dalawa. Niyakap mo ako at nagpasalamat ka. Napangiti ako.

Dumaan ang ilang buwan at tinawagan na ako ng kumpanyang nais natin pasukan. Wala pa rin tumatawag sa iyo. Halos araw-araw kitang pinasasalubungan para hindi ka magdamdam. May mga araw na parang nakalimutan mo na siya. May mga araw din na hanggang umuwi ako ay siya lang ang ating napag-usapan.

Hanggang sa nagkaroon ka ng trabaho. Hanggang sa isang araw ay bigla mo na lang sinabi na muli ka na namang napana ni Kupido. Naku, kapag pumalya na naman iyang si Kupido ay siya na talaga ang papanain ko!

Noong tinawagan ka ng kumpanyang pinapasukan ko, matapos magbitiw ang kaopisina ko, tuwang-tuwa ka at nagbitiw ka rin sa kasalukuyang trabaho mo. Noon pa man ay pinapangarap mo na ang kumpanyang ito.

Noong una ay maganda ang ipinamamalas mo hanggang sa nagsimula kang pumalpak at magloko. Inamin mo na nahuli mo siyang may iba at ang isinumbat sa iyo ay dahil hindi mo siya kayang piliin kapalit ng pangarap mo. Sabi mo ay maaari mo naman sila yakapin nang sabay. Sabi niya ay hindi niya raw kaya nang nasa malayo ang kasintahan.

Noong apat na araw kang hindi pumasok nang walang paalam, at isa na lang ay sisisantehin ka na, sumugod ako sa inyo nang hindi oras. Galit na galit ako dahil sinisira mo ang iyong buhay. Sa huli ay nakinig ka naman sa aking litanya.

Tinatanong mo ako palagi kung bakit hindi ko pa rin sinasagot iyong kasamahan natin. Ang sabi ko, “Tama na iyong tatlo. Ang mga lalaki, pare-pareho.”

“Hindi, a,” pagsalungat mo. At nakita ko sa mga mata mo ang katotohanang noon pa ay tinatalikdan ko.

“Alam mo, may nagkakagusto sa akin dito. Pero ayaw ko naman sa kanya kaya hindi ko nililigawan,” kuwento mo. Itinuro mo sa akin kung sino at inilahad kung paano mo nalaman ang lahat.

Napahalakhak ako. “Tumatanggi ka e, kumbaga, palay na ang lumalapit sa manok. Saka hindi ba kapag may palay, tuka lang kayo nang tuka?”

“Nagsimula ka na namang manlahat!” naiinis na sabi mo.

Pagkalipas ng tatlong taon, umiyak kang muli sa akin. Akala ko ay magiging masaya ka na talaga dahil dalawang taon ko rin nasaksihan kung gaano kayo kaligaya sa piling ng isa’t isa. Tuwang-tuwa pa ako noong aminin mo na nahulog ka na rin sa kanya — kahit pa may parte sa puso ko na kumirot nang bahagya. Ngunit maging langit yata ay may hangganan.

Natanggal ka sa trabaho. At ngayon, narito ka sa amin, lasing na lasing. Nang pagbuksan ko ay agad na bumagsak sa sahig. Alalang-alala ang aking ina at ama. Pinagtulungan ka naming dalhin sa kama.

Habang nakatingin sa mga bituin, napaluha ako. Bakit napakalupit ng tadhana sa iyo?

Hindi pala lahat ng mga lalaki ay katulad ng mga nanakit sa akin noon. May puso rin pala ang mga kalalakihan; naguguluhan din, nagdaramdam, nasasaktan, nawawasak kung minsan. Sadya lamang ang karamihan sa kanila ay hindi nais ipakita ang pusong ito — ang porma at kalagayan nito — sa karamihan.

At tama ka, hindi sa kasarian nakadepende kung sino ang magmamahal at kung sino ang hindi; kung sino ang mananakit at kung sino ang masasaktan.

Dahil sa iyo ay nagbago ang tingin ko sa kalalakihan.

At dahil sa iyo ay binuksan kong muli ang aking sarili sa pag-ibig. Sana paggising mo bukas ay ako na ang iyong minamahal. Pangako, hinding-hindi kita sasaktan.

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a former Manila Bulletin reporter, a passionate literary writer, and a resource speaker. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016