May Pulis, May Pulis na…Abusado.. Oops!

2889838074_a599d6c09b_z
Photo Credit: flicker

Paunawa po, hindi ito panlalahat. Ito ay experience lamang ng isang taong ipinatago ang kanyang katauhan para na rin hindi madamay ang kanyang mga mahal sa buhay.

Kayabangan. Iyan ang nakikita ng aking kaibigang tawagin na lamang natin sa pangalang Angel sa dalawang police na kanyang na-encounter.

Magpapasko noon nang maging bisita nila ang isang police na kaibigan daw ng kanyang kuya. Ayon sa kanya, nakauniporme pa ang police nang nakipag-inuman sa kanyang kapatid at gamit pa umano ang service nito.

Sir, bakit ho nakaparada sa gitna ng kalsada ang inyong police car?“, sabi ng kaibigan ko.

Hayaan mo sila! Pasko na pasko, magbabayad sila kung magasgasan nila ang aking sasakyan“, sabi naman ng mamang pulis. Pasko noon at kagagaling lang ng nakaunipormeng pulis sa kanyang duty sa simbahan. Ito ang naitalagang magbantay sa mga nagsisimba noong araw ng kapaskuhan.

Sir, hindi ho ba, kayo nagpapatupad ng batas? Bakit kayo mismo ang unang sumusuway? Wala po kayo sa parking lane. Pakitabi nalang po nang sa gayon ay walang taong mapi-perwisyo. Nasa harap pa naman ho kayo ng bahay namin. Pananagutan po namin ang mga aksidenteng maaaring mangyari diyan.“, sagot muli ng kaibigan ko.

Lumabas ang pulis na iyon at inayos ang pagpaparada ng kanyang sasakyan. Alam niyang nasa tama si Angel.

Nang bumalik na siya sa loob, nakipagkuwentuhan siyang muli at nagpatuloy sa pakikipag-inuman hanggang sa mabanggit ng kuya ni Angel na pulis ang gustong maging trabaho ng anak nitong lalaki na walong taong gulang.

Halika boy“, aniya. “Hawakan mo nga ang baril ko kung marunong ka humawak?“. Iyan ang naging hamon niya sa walong taong gulang na bata.

Uminit ang ulo ni Angel sabay singhal sa kanilang mayabang na bisita.

Huwag na huwag ninyong pahawakin ang bata ng baril. Paano kapag napitik niya ang gatilyo?” mataas na boses na sabi niya sa mamang pulis. Siya ang mayhawak ngayon ng baril dahil siya ang nag-abot nito dahil naka-kalong sa kanya ang pamangkin.

Sa kabilang dulo ng lamesa, nandoon ang kanyang kuya at napikon din sa bisitang matino naman daw kapag hindi nakainom. Sinenyasan ito ni Angel na huwag na makialam dahil mas mabuting siya na babae ang susuway dito dahil kapag lalaki, baka ito ay pagmulan pa ng gulo.

Sa galit ng aking kaibigan, pumasok siya sa loob ng kanilang bahay kahit na tinatawag pa ito ng mamang pulis habang humihingi ng paumanhin. Binagsakan niya ito ng pinto bilang pagpapakita ng kanyang inis at sinabi pa nitong, “pasensiya na ho kayo. Masyadong malamig dito sa labas kaya papasok na ako” na ang ibig sabihin ay napakayabang ng kanyang kausap at ayaw na niya itong maging kaharap pa.

Pag-uwi ng mamang pulis, kinausap ni Angel ang kanyang buong pamilya na mag-ingat sa mga bisita lalo na at sila’y maraming batang kasama sa bahay.

Oo. Nainis nga rin ako doon sa isa pa nating kapitbahay na pulis. Kapag nakainom, pinapatong nalang kung saan-saan ang kanyang baril. Naku, natatakot talaga ako kapag nalaman kong nandito iyon. Hindi ako mapakali”, sumbong naman ng nanay ni Angel.

Sa pagsusumbong ni Angel sa akin at sinabing isulat ko ito, ilang katanungan ang nabuo sa aming isipan.

Ilan kaya ang pulis na ganito? Ilan kaya ang pulis na hindi aabusuhin ang kanilang trabaho? Ilan kaya ang hindi gagamitin ang unipormeng suot o ang police car na minamaneho at ang baril na hawak upang ipagmayabang sa taong kanilang nakakasalamuha?

Sana naman sa mga nakauniporme; hindi lamang pulis kundi iba pang nasa serbisyo publiko, sana ay maging tapat kayo sa inyong tungkulin. May sinumpaan po kayo kaya sana po ay matulad kayo sa mga tapat na nakauniporme.

Sa uulitin, hindi ito panlalahat dahil naniniwala ako na mayroon pa ring mga police na tapat sa kanilang serbisyo at walang hangin sa katawan.

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws