May Karugtong ang Pag-ibig

(Photo Credit: facebook)
(Photo Credit: facebook)

“HARRY, hindi ka pa ba uuwi? Balak mo na naman bang magpang-gabi dito sa opisina?” Pukaw ni Albert sa ka-opisina na noo’y nagmamadali nang umuwi.

Kapwa empleyado ang dalawa sa isang law-firm company at silang dalawa na lang ang natitira sa opisina nang mga oras na iyon.

“Sige ‘pre, mauna ka na. Sunod na lang ako. Tatapusin ko muna ‘tong pinagagawa ni boss. Madali na rin akong matapos,” sagot ni Harry na tutok pa rin sa harap ng monitor ng kumpyuter.

“Teka, e facebook naman ng babae ‘yang inaatupag mo ah? Kailan ka matatapos niyan?” mabilis na naagaw ng pansin ni Albert ang pinagkakaabalahan ni Harry sa harapan ng kumpyuter.

Bahagyang natawa ang binata. “Sibat na nga! Hayaan mo na ako dito. Saka, may tsini-check lang akong message sa inbox ko!” ani Harry.

“Siya nga? E mukhang tsikababe ‘yang tsini-check mo e? Sino ba ‘yan?” pangungulit ni Albert na mas lalo pang inilapit ang mukha sa harap ng monitor.

Dagling ini-log out ni Harry ang facebook account at saka binalikan ang pinagagawang report ng kanilang boss. Wala siya sa mood para i-open sa makulit na katrabaho at kaibigan ang tungkol kay Jasmine. Ang babaeng nakita nito sa facebook kanina.

“Ang labo naman, o. Kahit kailan talaga napakamalihim mo. Siya ba ang nagpapatibok ngayon ng puso mo ha, ‘pre?” tila ayaw siyang tantanan na turan ni Albert. Nanunukso ang paraan ng pananalita nito.

Kunwa’y tinitigan ito ng masama ni Harry. “Siguradong inip na inip na si Lanie sa kahihintay sa’yo. Kaya kung ako sa’yo, magmamadali na akong umalis,” tukoy ni Harry sa nobya nito.

“Oo nga pala! Patay na naman ako nito sa mahal ko. Mataray pa naman ‘yun!” napatampal sa noong ayon nito na napapangiwi. Saka ito nagmamadaling lumabas ng opisina.

Naiwan si Harry na mag-isa. At pagkuwa’y muli niyang binuksan ang facebook at hinanap ulit ang facebook ni Jasmine.

Nang tumambad sa kanya ang fb account ng dalaga ay hindi niya napigilang mapangiti. Iyong klase ng ngiti na ramdam niyang may halong pananabik, paghanga at panghihinayang at the same time. Mixed emotions.

Bakit nga ba ganu’n pa rin kalakas ang dating sa kanya ng dating nobya? Apat na taon na rin ang nakalilipas simula noong maghiwalay sila si Jasmine. Pero hindi maikakailang nasa sistema pa rin niya ang tinatawag na Pag-ibig sa dating kasintahan.

And admit it or not, she’s the reason why until now he remain single!

Pero tulad niya ay single pa rin ba kaya ang dating nobya o taken na ito? Wala siyang ideya sa bagay na iyon dahil ang fb account na iyon ng dating nobya ay matagal ng hindi ginagamit. Two years ago pa ang huling post nito sa wall. Marahil ay may iba na itong ginagamit na fb account.

Napabuntong-hininga si Harry. At pagkuwa’y binalikan niya sa isip ang nakaraan…

“Akala ko sapat na iyong basta mahal mo lang ang isang tao para hindi siya iwan at maging masaya kayo sa isa’t isa, pero hindi pala. May mga bagay na kailangan ding isaalang-alang at hindi puro pag-ibig na lang ang nangingibabaw!” lakas-loob na pahayag ni Harry habang kausap ang nobyang si Jasmine na nahihiwagan sa kinikilos ng nobyo.

“A-Anong ibig mong sabihin?” nalilitong tanong ng dalaga. Bakas sa maamo at magandang mukha nito ang pagtataka.

“J-Jas, mas mabuti siguro kung mag-focus ka na lang muna sa pag-aaral mo. Tutal, kapag nasa Amerika ka na, hindi mo na ako iintindihin pa. At gaya ng mga pangarap ng parents mo sa’yo, hangad ko rin na makatapos ka sa kolehiyo at maging matagumpay balang-araw!” pagpapatuloy ni Harry.

Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Jasmine na kumukuha ng kursong BS Tourism. At dahil dumating na ang petesiyon niya na manirahan sa Amerika kasama ang mga magulang na matagal ng citizen roon, ay nalalapit na rin ang pag-alis ng dalaga. Doon na lang sa Amerika nito itutuloy ang pag-aaral. Dalawang taon ng magkasintahan sina Harry at Jasmine.

“A-Anong ponto mo, Harry? Deretsahin mo ako? Nakikipagkalas ka na ba sa’kin?” ang maluha-luhang konklusyon ng dalaga.

Napayuko si Harry. “H-Hindi ako nakikipagkalas dahil hindi na kita…m-mahal. Gagawin ko ‘to para makapag-focus ka sa pag-aaral mo. At huwag mong isipin na duwag ako para isuko ka. M-Mahal na mahal kita, Jasmine…”

Umigkas ang isang palad ni Jasmine padapo sa pisngi ni Harry. Malakas ang pagkakasampal rito ng dalaga. Pero ininda iyon ng binata.

“N-Napakababaw ng dahilan mo para gawin ‘to. At hindi ko akalain na ganyan ka kadaling sumuko at bumitaw. Napaka-selfish mo! Duwag!” halos histerikal na sigaw ni Jasmine.

“Hindi. M-Mali ka! Ibig ko lang naman na mag-focus ka sa pag-aaral mo. At pa’no kung ako ang maging sagabal—“

“Tama na! Ayoko nang marinig ang palusot mo. At kung ‘yan ang gusto mong mangyari, sige. Tapusin na natin ‘to!” puno ng galit at bigat ng dibdib na pahayag ni Jasmine.

At nang tangkain itong yakapin ni Harry ay mabilis itong itinulak ng dalaga.

“Ito na ang huling pagkakataon na makikita at makakausap mo ako! W-Wala na akong pakialam sa tulad mong duwag!” ang huling turan ng dalaga, saka ito nagmamadaling umalis.

Hindi na tinangka pang habulin ni Harry ang nobya na nahahapong napaupo. Napasuntok siya sa hangin at saka nagsisigaw nang nagsisigaw. Galit siya ngayon sa sarili. At pakiramdam niya ay wala siyang kuwentang lalake.

Mahal na mahal niya si Jasmine. At taliwas sa kagustuhan niya ang kanyang naging desisyon. Pero sa kabilang banda ay alam niyang iyon lang ang makabubuti para makapag-concentrate ang nobya sa pag-aaral nito. Kapag nasa Amerika na ito. Isa pa, pareho kaya nilang kakayaning dalawa ang long distance relationship? At paano siya nakasisigurong mahihintay siya ng nobya ng matagal?

Marahil nga ay tama rin ito; na duwag siya. Pero may mga bagay din na kailangang isaalang-alang. Lalo na kung kinabukasan ng babaeng pinakamamahal ang nakataya.

At wala siyang hangad kundi maging matagumpay ito balang-araw!

DUMAAN ang mga araw na hindi na nagkita pa sina Harry at Jasmine. Hanggang sa nakaalis ang nobya papuntang Amerika. At simula noon ay wala na rin silang naging ugnayan at kumunikasyon sa isa’t isa. Hindi na rin tinangka pa ni Harry na i-message ito sa facebook at para hindi lalong masakit sa kanya, nagdeactivate na lang siya ng facebook account niya.

At pagkatapos nga ng apat na taon, na hindi na nakipagrelasyon pa sa ibang babae, ay tanto niyang si Jasmine pa rin ang nilalaman ng kanyang puso. Kaya nga hanggang ngayon ay hindi pa rin niya tinatantanan na maski sa facebook ay makita ang larawan ng dating nobya. At kahit siguro maraming ibang babae diyan ay hindi pa rin siya titingin at maghahanap ng iba. Walang makapapantay sa katangiang mayroon ang dating nobya.

Pero ang tanong: Siya pa rin ba kaya ang mahal ni Jasmine o nakahanap na ito ng kapalit niya?

“Walang araw na hindi ko hinihintay ang muli nating pagkikita, Jas. At umaasa pa rin ako na puwede pa nating ibalik ang lahat sa dati. Higit sa lahat, na ako pa rin ang laman ng puso mo!” kausap ni Harry sa profile picture ni Jasmine.

****************************************

“PRE, pakisabi na lang kay boss na hindi na ako makakapasok ngayon. Bumigay kasi ang makina nitong kotse ko. Ikaw na bahalang magpaliwanag sa kanya, ha? Salamat,” ani Harry habang kausap sa cellphone si Albert. Nasa kalagitnaan pa man din siya ng highway nang biglang tumirik ang kanyang kotse na halos limang taon na rin niyang ginagamit.

Tumawag siya sa kilala niyang car repair shop para humingi ng tulong. Wala siyang choice kundi maghintay sa gilid ng highway.

Kasalukuyan siyang nagmamasid sa paligid nang may biglang mahagip ang kanyang paningin sa may malapit na waiting shed. Kinurap-kurap pa niya ang mga mata para masigurong hindi siya nagkakamali ng nakikita. At nang masigurong si Jasmine nga ang babaeng iyon na nakatayo habang naghihintay ng masasakyan ay hindi na siya nagdalawang-isip pa. Dali-dali siyang bumaba sa kanyang kotse at mabilis pa sa alas-kuwatrong nakalapit siya agad sa kinaroroonan ng dating nobya.

At long last, after four years, ay heto ngayon sa harapan niya ang babaeng matagal na panahong pinananabikan niyang muling makita. At hindi pa rin nagbabago ang hitsura nito. Katunayan ay mas lalo itong gumanda at naging matured tignan. Pati paraan ng pananamit nito ay nagbago na rin. Mas may class ito manamit ngayon at halatang galing sa ibang bansa.

May kabog sa dibdib na lakas-loob na pinukaw ni Harry ang atensiyon ng dating nobya.

“J-Jasmine, right? Naaalala mo pa ba ako?” ani Harry.

Awtomatiko namang napatingin sa kanya si Jasmine. “H-Harry…?” anito.

“Ako nga. Kumusta ka na? Nagbakasyon ka na pala buhat sa Amerika. May hinihintay ka ba? May kasama ka?”

Ngumiti ito. “Sandali lang. Hinay-hinay lang sa mga tanong,” pagbibiro nito.

Sabay silang nagkatawanan. Napapakamot naman sa ulo si Harry. Na-excite lang ang peg pagkakita sa dating nobya.

“Actually, nag-aabang ako ng taxi. May kaibigan lang kasi akong dinalaw. At isang linggo na rin ang nakararaan simula nang magbakasyon ako,” esplika nito. “Teka, anong ginagawa mo rito?”

Itinuro ni Harry ang kotse na tumirik mula sa di-kalayuan. “Hindi kinaya ng makina kaya ‘ayan, tumirik. Papasok na sana ako sa trabaho, e. Tanghali na ako.”

“Ganu’n ba.”

Patlang. Nagkakahiyaan pa silang magsalita ulit. Waring nagpapakiramdaman.

Si Harry ang unang nagsalita. “Maari ba akong sumabay sa’yo kapag dumating na ang pi-pick up sa sasakyan ko? Wala ka na bang ibang lakad o pupuntahan?” anito. Ayaw na niyang palagpasin ang pagkakataon na iyon na makasama pa ng mas matagal si Jasmine. Kaya iyon ang sinabi niya. “Pero kung magkikita kayo ng b-boyfriend mo…sige, ‘wag na lang!” dugtong niya.

Bahagya ulit natawa ang dalaga. “Wala na po akong ibang lakad. At lalong wala pong boyfriend na makikipagkita sa’kin. Kaya sige, sama na lang ako sa’yo!’

“S-Sigurado ka?” tila hindi makapaniwalang bulalas ni Harry. Lumukso sa tuwa ang puso niya.

“Sure na sure!” paniniyak naman ni Jasmine.

Halos mapatalon sa tuwa si Harry sa naging sagot ng dating nobya.

HINDI nagtagal ay dumating na rin ang mekaniko na magdadala sa talyer ng kotse ni Harry. Pagkatapos nang masinsinang pag-uusap ay saka naman sila magkasabay na umalis ni Jasmine. Dinala ni Harry sa isang restaurant ang dating nobya. Gusto niyang makausap ito ng masinsinan. Iyong may pagkakataon siyang alamin ang gusto niyang malaman rito.Kaya noong mag-suggest siya na pumunta ng restaurant ay hindi na rin tumutol ang dalaga.

At laking-tuwa ni Harry dahil tingin niya ay wala ng galit sa kanya ang dating nobya. To think na wala itong pagtutol na sumama sa kanya.

Nasa loob na sila ng restaurant nang muling maghari ang katahimikan sa pagitan nila. Kapwa ulit sila nagpapakiramdaman. Hanggang sa dumating ang order nilang pagkaen ay wala pa ring nagkalakas ng loob na magsalita sa dalawa.

Hanggang sa hindi na nakatiis si Harry. “Kumusta ang naging buhay mo sa Amerika? Mukhang naging successful ka naman roon.”

“Sakto lang. Pagka-graduate ko, naghanap agad ako ng work. Fortunately, natanggap naman sa isang hotel. Hanggang sa nagkaroon ng posisyon. So far, happy ako sa work ko. E, ikaw?” anang dalaga.

“Empleyado lang sa isang maliit na law-firm company. At tulad mo, happy din ako sa trabaho,” matapat na tugon ng binata.

Sumubo siya ng kapirasong steak na inorder niya. “E kumusta naman ang…l-lovelife mo?” lakas-loob na tanong ni Harry. Ayaw na niyang magpatumpik-tumpik pa.

Nilunok muna ni Jasmine ang nginunguya, bago nagsalita. “W-Wala akong time sa ganyan. Masyadong busy sa trabaho at napaka-stressful. But like I said, I’m happy.”

“H-Hindi ka na ba galit sa’kin, Jas?”

Napahinto sa pagsubo si Jasmine nang marinig ang sinabing iyon ni Harry.

“Sa tingin mo, haharapin ba kita ngayon at sasama ako sa’yo sa restaurant na ‘to kung galit pa ako sa’yo?” balik ng dalaga. “It’s been four years, Harry. And everything is just a part of our past now. Kung magtatanim pa rin ako ng galit sa’yo, ako din ang mahihirapan. Isa pa, I always believe that everything happens for a reason.”

Tumango-tango si Harry bilang pagsang-ayon sa mga sinabi ng dating nobya. At ayaw na niyang pahabain pa ang satsat. Kaya sasabihin na niya ang noon pa niya gustong sabihin sa dating nobya. Sabihin mang masyadong mabilis. Ayaw na niyang pakawalan pa ang pagkakataong ito na ipagtapat kay Jasmine ang matagal na niyang dinadala sa dibdib. It’s now or never!

“Matagal kong hinintay ang pagkakataon na dumating ang araw na magkita ulit tayo. At gusto kong sabihin na ikaw pa rin ang mahal ko, Jas! Ni minsan, hindi ako naghanap o tumingin sa ibang babae. Dahil lagi akong umaasa na gaya ko, ay ako pa rin ang laman ng puso mo!”

Halatang nabigla si Jasmine sa pagtatapat na iyon ni Harry. Hindi alam ng dalaga kung ano ang sasabihin. At napansin ni Harry ang tila discomfort mula rito.

“P-Pasensiya ka na kung masyado akong prangka. Hindi ito ang tamang pagkakataon para pag-usapan ang tungkol sa bagay na ‘to. I’m sorry…”

“Don’t be sorry, Harry. I understand,” pakli nito.

“H-Hindi ka galit???”

Tumawa si Jasmine. “Bakit ba lagi mong ini-insist na galit ako sa’yo? At sa tingin mo ba magagalit ako sa naging pangahasan mo? Sa totoo lang, masaya ako. Masayang-masaya!”

Lumiwanag bigla ang mukha ni Harry sa narinig. Mukhang may sagot na sa matagal na niyang tanong. Pero ayaw muna niyang magpakampante.

“A-Anong ibig mong sabihin???”

“Kalma ka lang. Baka bigla kang mahimatay d’yan!” biro ni Jasmine na sinabayan ng mahinang halakhak.

“Pa’no ako kakalma kung masyado mo akong binibitin?”

“Aba’y masyado ka naman yatang mabilis Mr. Harry Avelino! Kung gusto mo ng malinaw na sagot, mas mabuti sigurong ligawan mo muna ako, no?” anang dalaga.

“Ibig sabihin, may pag-asa pa rin na bumalik ka sa’kin? Mahal mo pa rin ako?” lalong natuwa si Harry at halos tumalon siya sa labis na kagalakan.

“Ligawan mo na nga muna ako sabi, e. H’wag masyadong excited, puwede?” mas napalakas ang tawa ni Jasmine ng mga oras na iyon.

“Sige. Kahit matagal, kahit pahirapan mo ako. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko naririnig ang matamis mong ‘oo’. Mahal na mahal na mahal pa rin kita, Jasmine!”

Halos lumuhod na si Harry sa harap ng dalaga. Pero mabilis itong sinaway ng natatawa pa ring dalaga.

“Sa labas ka na lang magtatatalon sa tuwa. Huwag dito, nakakahiya sa ibang mga kumakaen,” anito.

Tila doon naman nahimasmasan ang binata. Bumalik ulit ito sa upuan. Habang buong pagmamahal niyang tinititigan ang babaeng pinakamamahal. Hindi siya makapaniwala na mangyayari ang lahat ng ito ngayon.

At kahit hindi direktang sinabi ni Jasmine ang mga katagang “I LOVE YOU, TOO”, ay naniniwala pa rin si Harry na may karugtong ulit ang pag-iibigan nilang dalawa. At base ngayon sa mga ngiting iyon ni Jasmine na aninag ng binata ay natitiyak niyang mahal pa rin siya ng dating nobya.

At sinisiguro ni Harry sa sarili na hindi na niya hahayaan pang mawala sa kanya ang babaeng kailanma’y hindi nawala sa kanyang puso!

W A K A S

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.