May Isang Tanga Sa Jeepney

JeepneyHalos isang taon din akong nakapagtrabaho sa Maynila. At tuwing sabado o linggo ay madalas kaming lumabas nga isa kong kaibigan at pumunta kung saan-saan para makapaglibang dala ng stress sa trabaho.

Isang Sabado ay nagyaya siya na manood ng sine sa Mega Mall. Katatapos ko lang ng mga labahin noon kaya pumayag ako. Tutal, Sabado naman at maraming namamasyal sa mall nang ganung araw, lalo na mga magagandang kababaihan, bitamina sa mata kung ituring naming dalawa.

Alas-dos ng hapon naghihintay na kami ng dyip na daraan ng crossing sa may kanto ng Shaw Boulevard at Acacia Lane. Maraming nakaabang na mga pasahero. Sigurado ko unahan na naman to sa pagsakay. Ok lang sana kung puro lalake, kaso ang karamihan babae. Baka maturingan pa kaming hindi gentleman kung makikipag-unahan kami sa pagsakay. Kaya siyempre para dagdag pogi points ay naging boyscout kami ng kaibigan ko paghinto ng isang dyip na medyo may kaluwagan.

Sa parteng gitna sa kanan ang naupuan ng kaibigan ko. Ako naman dahil medyo nahuli at medyo nagulangan pa ng isang lalake na akala mo ay maton kung umasta ay iisang espasyo ang naiwan sa akin. Ang kinakaayawan ng karamihan, sa likuran ng driver sa kaliwa. Heto na naman tayo, sideline bilang konduktor na walang sahod. Tagaabot ng bayad ng lahat at taga paalala sa driver kung may bababa.

“Mama, bayad daw ho.”

“Para daw ho, manong.”

“Manong, sukli raw po nung ale, dalawampiso.”

Para akong sirang plaka na paulit-ulit. Talo ko pa ang nagtatrabaho sa call center.

jeep

Nasa kalagitnaan kami ng biyahe ng may inabot sa akin ang kaibigan ko. Singkwenta pesos na papel. Dahil sa hindi pa naman kami parehong nagbabayad ay inakala ko na galing sa kanya mismo yung pera. Kaya sabi ko sa drayber habang inaabot ko sa kanya ang pera,

“Manong bayad ho namin, dalawa , crossing lang.”

“Mali pare, hindi sa atin yan!”, pabulyaw na sabi ng kaibigan ko habang tinatawanan niya ako. Alam ko maraming nakarinig sa loob ng dyip.

“Bakit kanino ba to galing?”, tanong ko sa kaibigan ko habang nararamdaman ko na namumula na ako sa hiya. Para bang lahat ng pasahero ay nakatingin sakin at nagpipigil ng tawa dahil sa pagkakamali ko.

“Sa kanya”, sabay turo sa isang ale na nakaupo sa may dulong likuran ng dyip sa kaliwa. “Crossing daw at walang kasama”, dagdag pa niya.

“Ah ganun ba”, sagot ko.

Bumaling  ako sa drayber ng dyip sabay sabing, “ah manong yung singkwenta po pala, TATLO NA, crossing ang baba.”

“Hoy, isa nga lang daw anu ba!” Pasigaw ulit ng kaibigan ko, habang nagtatawanan na ang mga pasahero. Hindi nila alam kung sobrang tanga ko talaga o nananadya na ako.

Sinuklian ako ng drayber.

“Relax lang pre, alam ko”, banggit ko sa kanya.

“O heto ang sukli, dagdagan mo ng para sa pamasahe natin at ibigay mo kay aleng maganda”, may ngiti sa labing sabi ko sa kanya.

Tuwang-tuwa ang mga pasahero sa girian namin ng kaibigan ko. Alam kong alam na nila na sinadya ko yun para makabawi sa pagkakamali ko at para lalo silang sumaya sa sandaling iyon.

Bawi-bawi din pag may time.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.