May Gulo sa Mindanao (Sa Visayas at Luzon din)

Image credit: Philstar

Habang tayo na nasa malayo, payapa at ligtas na lugar, marami sa mga kapwa nating Pilipino doon sa Kamindanawan ang dumaranas ngayon ng pagkaligalig, balisa, pighati, gutom, lungkot at pag-alala.

Kasalukuyan kasing may nagaganap na digmaan sa siyudad ng Marawi sa pagitan ng mga rebelde at puwersa ng pamahalaan.

Digmaang sumisira ng bahay, buhay, kabuhayan, tahanan at kinabukasan. Deka-dekadang taon na ang binibilang ng gulong ito sa maraming lugar sa Mindanao, na minsan ang kaguluhang ito’y nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan at pagkakasundo sa relihiyon at prinsipyo at ngayon naman ang kaguluhang ito’y pumutok nang tila walang matinong kadahilanan at walang ideolohiyang ipinaglalaban.

Oo, magulo ang maraming lugar sa Mindanao pero kung ating susuriin ay may gulo saan mang bahagi ng bansa.

Ang basehan ng kaguluhan ay hindi lang dahil may literal na digmaaan sa dalawang panig, ang gulo na nangyayari sa bansa ay ang ating pagkakawatak-watak, ang hindi natin pagkakasundo sa napakaraming mga bagay, ang pagyurak at paghila natin sa isa’t isa at kung sino man ang nakapuwesto sa gobyerno.

Sa tuwing may pagsabog na nangyayari sa ibang bansa napakabilis nating makisimpatiya sa kanila. Kagyat tayong nagpapaskil ng pakikiramay, nagpapa-trend tayo ng hashtag, nagpapalit tayo ng profile pic bilang pakikiisa sa kanila. Isang kakatwa na hindi natin ito ginagawa sa ating bansa na sa halip na lahat tayo’y magluksa at makisimpatya ang ginagawa ng marami sa atin ay magtawa, mangutya at manuligsa na para bang napakalaki ng kontribusyon nila sa pagbabago at pag-unlad ng bansa, na para bang walang ginagawang katinuan ang sinumang namumuno, na para bang walang pinuno ang papasa sa sensitibo nilang panlasa.

May gulo sa Mindanao (Marawi).

Maraming buhay ang nalalagas, maraming kaluluwa ang pumapalahaw, maraming tahanan ang nawawasak, maraming walang linaw ang kinabukasan. Tila ang gulo rito ay walang katapusan at nauulit lang sa ibang panahon at sa ibang kalapit na lugar.

Isipin at ilagay mo ang iyong sarili sa kanilang sitwasyon. Nakakatakot at nakalulungkot. Kung bakit hindi ito matuldukan nang ganap ay hindi madaling ipaliwanag at hindi madaling gawin. Walang makauunawa sa mga taga-Mindanao kundi taga-Mindanao o ‘di mo naranasan ang tumira rito, at walang makaiintindi sa kanilang pangangailangan kung hindi mo sila mauunawaan. Kung hanggang saan at hanggang kailan aabot ang sitwasyong ganito ay walang makapagsasabi.

May gulo sa Luzon (at Visayas din).

Marami ang may magkakasalungat na opinyon, marami ang may ‘mahuhusay’ na panukala, marami ang may pansariling interes at marami ang may baluktot na obserbasyon sa sitwasyon. Hindi kailanman natin makakamit ang pag-unlad at kapayapaan kung wala tayong pagkakaisa. Sa pag-usad at unti-unting pag-unlad ng mga bansang kalapit natin tayo’y naiwan na ng ilang dekada tila nalubog at nadapa tayo sa nakaraan at ‘di na tayo nakaahon pa sa pagkakalubog na ito. Nagkaroon tayo ng mentalidad na ‘kanya-kanya system’ na ang nais nati’y mauna at makaisa. Ang dapat sanang simpleng batas ay binabalewala natin at wala man lang matapang na awtoridad na pursigidong supilin ang lumalabag sa mga batas nang tuloy-tuloy at hindi ningas-kugon lamang. Madalas pa nga na ang mga lumalabag ang sila pa ang matatapang na akala mong sila ang naagrabyado at nalagay sa alanganin.

Sa biglang tingin ang deklarasyon ng batas militar sa kapuluan ng Mindanao ay nakababahala —  hindi kasi natin maiwasang maikumpara ito sa batas militar na ipinatupad noong panahon ni Marcos na nagdulot ng pangamba at takot sa marami nating kababayan noon.

Magkaiba ang sitwasyon, magkaiba ang panahon, magkaiba ang pinuno.

Marami ang hindi mo dapat sang-ayunan sa gobyernong ito ngunit may mga bagay siyang ginagawa na dapat mo ring obserbahan na maaaring magresulta sa positibo at hindi kagyat na husgahan at batikusin.

Habang marami sa mga taga Mindanao ang tila positibo ang tingin sa deklarasyon ng batas militar doon, heto tayo komportableng nasa lokasyon ng Luzon, Visayas at iba pang panig ng mundo ay tumutuligsa at binabatikos ang desisyon at operasyon ng gobyerno.

May gulo sa Mindanao, sa Visayas at sa Luzon din.

Magpalit man tayo ng gobyerno at ng ilan pang pangulo, hangga’t hindi natin isinasapuso ang pagmamahal sa bansa, hindi natin pinaiiral ang disiplina sa sarili at wala ang pagrespeto natin sa batas at sa kapwa anuman ang kanyang relihiyon at prinsipyo, mananatili ang gulong ito hanggang sa susunod pang mga taon at henerasyon at ‘di na natin kailangan pang itanong ito.

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.