Masarap at pinapangarap na bawal

(Photo Credit:  www.clipartof.com)
(Photo Credit: www.clipartof.com)

“Kaya po, Mr. Tamayo, sana po ay hindi na maulit ito, kung hindi ay madadala na naman kayo sa Emergency Room,” bahagyang may pagbabantang sabi ng doctor.

Inaayos na noon ang mga release papers ni Mr. Gener Tamayo sa ospital. Ang kaniyang tatlong anak na pawang may-edad na rin ay naroon. Matamang nakikinig sa sinasabi ng doctor. Paminsan-minsan ay napapailing ang mga ito at bumubulong.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Tatay, sinabi nang hindi na nga puwede!”

Bahagyang tumango si Mang Gener, ngunit sa isip ay nag-aalangan. Matitiis ba niya na hindi matikman ang……

O buhay, kaunting kaligayahan na handang magpakalimot ay ipinagbabawal pa kay Mang Gener.

Isinakay siya sa wheelchair at inilabas sa ospital. Nang makarating na sila sa kanilang tahanan ay muli siyang masinsinang kinausap ng kaniyang panganay na anak.

“Tatang, mahal ka namin, gusto ka pa naming mabuhay nang matagal. Sana naman po ay sundin ninyo ang bilin ng doctor. Huwag na po kayong makikipagkaibigan kay Lucille!”

Nagpanting ang kaniyang tainga.

“Pambihira, Anak lamang kita ay ganyan ka na magsalita sa akin. Anong masama kay Lucille!”

Matanda na ako, subalit ako naman na ay biyudo, at iyon na lamang ang kakapiranggot na kaligayahan ko ay ipinagkakait pa niñyo!” pasigaw na bulyaw niya sa anak.

Umalis ang kaniyang anak na laglag ang mga balikat.

Kapag nag-iisa naman si Mang Gener ay napapaisip din siya; tama lamang naman ang payo ng doctor. Matanda na nga naman siya at hindi na kaya ng kaniyang katawan ang……..

Ngunit, tila lalo siyang mamamatay kapag hindi natikman ang ipinagbabawal. Bakit naman ang ibang matatanda, nababalitaan niya na nakakarating pa sa iba’t-ibang lugar at natitikman ang bagay na pilit ipinagbabawal sa kaniya. Unfair talaga ang mundo.

Ah, hindi! Hindi na baleng mamatay sa sarap kaysa mamatay na malungkot dahil lamang sa ipinagkait ang makalangit na ligaya. Hindi maaari!” sigaw ng isip ni Mang Gener

Tinawagan na naman niya si Lucille, ang batam-batang asawa ng OFW na nasa ibayong dagat.

Nangininig ang kaniyang tinig habang kausap ito.

“Lucille, kahit tutol ang mga anak ko ay wala akong magagawa, pumunta ka ngayon din sa bahay” pakiusap niya rito.

“Sigurado po ba kayong wala sila?” sagot nito sa kabilang linya.

“Oo, umalis silang lahat” kinakabahang sagot niya.

“Sige po, tandaan po ninyo at ito ay sideline ko lamang, makatulong man lang sa buhay namin. Ihanda n’yo na lang po ang bayad.” sabi nito.

“O sige, bilisan mo” utos ni Mang Gener.

Dahan-dahang binuksan ni Lucille ang pintuan. Kinakabahan dahil kapag nahuli siya ng mga anak ni Mang Gener ay tiyak na malaking salitaan. Kinausap na siya ng mga ito na hindi na talaga puwede sa kanilang ama. Ngunit nagpipilit ang matanda at kahit paano ay kumikita naman siya rito. Tatlong daang piso kada patawag sa kaniya ng matanda.

Nakapasok siya sa loob ng bahay, tila nga walang tao. Tinawag niya si Mang Gener. Lumabas ang matanda sa silid.

“O ano? Dala mo ba?” sabik na tanong nito.

“Opo, iyan po ang mga laman ng Balikbayan box. Mga matatamis na chocolate na ayaw ko pong ipakain sa mga anak ko dahil magkakasakit sila kaya po binebenta ko na lamang sa inyo!” sabi ni Lucille.

Kitang-kitang halos matulo ang laway ng matanda.

“Nakokonsensiya na po ako dahil malala na po ang diabetes ninyo, hindi po ba’t kao-ospital n’yo lang?” nag-aalalang sabi ni Lucille

“Hu, sabi ng damuhong doctor bawal na bawal daw sa akin ang mga ito, pero anong magagawa ko, mapipigilan ko ba ang dila ko” sabi ni Mang Gener sabay hablot sa matatamis na chocolate.

“Hetong bayad, tatlong daan iyan ha, magdala ka ulit sa susunod na tumawag ako,” bilin ni Mang Gener.

“O sige po, ako’y aalis na at baka dumating pa mga anak ninyo,” pamamalam ni Lucille.

Agad tumungo sa kaniyang silid si Mang Gener, itinago sa kahon sa ilalim ng kama ang mga matatamis. Nangingiti siya dahil naiisip kung gaano kasasarap ang mga iyon. Bago dumating ang mga anak ay lalasapin niya ang mga imported na chocolateng iyon. Magkasakit man siya ay wala na siyang pakialam.

O chocolate, bawal ka man, ngunit ikaw pa rin ang aking pangarap,” nausal niya.

WAKAS

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.