Maryjane…Will You Marry Me?

(Photo credit: alatterdayvoice.blogspot.com)
(Photo credit:  alatterdayvoice.blogspot.com)
(Photo credit: alatterdayvoice.blogspot.com)

Menor de edad ka man o nasa saktong gulang, ang pakipagsapalaran dito sa dayuhang bansa ay suwertihan, ‘ika nga.

Ako si Jane, 17 years old pa lang ako nang maging isa sa milyong OFWs. Sa paggamit ko sa illegal na edad, naiyapak ko ang aking mga paa dito sa bansang Qatar. Isa ako sa mapalad na Inday, dahil binigyan ako ng isang mabait na amo at tinuring na parte ng pamilya nila.

Sa aking pakikibaka dito sa dayuhang bansa, dito ko unang naranasan ang magmahal.

Sabi nga nila, AGE DOESN’T MATTER. Sa edad kong 18 years old, si Cristian ang una kong naging nobyo dito; sa agwat ng edad namin na sampung taon ang gap, ‘di ko inisip na parang kuya ko na lang siya. Unang pag-ibig na akala ko ay panghabambuhay na talaga! Pero, ang aking akala ay mali pala. Dahil isa ako sa naging biktima ng linyang:

“Pangako, ikaw lang, wala nang iba!”

Lumabas ang isang katotohanan mismo sa bansang Qatar; nandito ang kinakasama n’ya! Ang babaeng tunay na nagmamay-ari kay Cristian. Unang pag-ibig, unang kabiguan…  ganito pala ang maloko! Ang sakit; tagos hanggang buto ang naramdaman ko nang mga sandaling iyon. At ang tanging salitang binitiwan ko sabay sa pagpatak ng aking luha ay:

“Paalam, Cristian! Sana masaya ka na!”

Lumipas ang buwan at taon; sabi nga nila hindi pweding tangayin ng isang nakaraan ang pagharap sa isang bukas. Pero, paano kung ang nakaraan ay pilit na bumabalik at gusto n’ya na muling maging bahagi ng kanyang buhay?

Isang sumbat ang aking ginawa kay Cristian dahil alam ko ang mararamdaman ng asawa katulad ng naramdaman ko noong nalaman ko ang isang katotohanan sa pagkatao n’ya! Sa madaling salita, ayaw kong tawagin akong KABIT! Ayaw kong sayangin ang buhay ko sa walang kuwentang relasyon. Bata pa ako at ayaw kong lagyan ang noo ko ng marka at letrang K na bawal sa batas ng relihiyon ko.

Febuary 2010 ang buwan at taon nang nagpasya akong umuwi sa sariling bansa.  Sa paglipad ng eroplano, ay  sumabay ang pagpatak ng aking luha; magkahalong emosyon.  Lungkot at saya sa isang pakikibaka dito sa dayuhang bansa. Bigo man ako sa pag-ibig, pero, tagumpay ako bilang OFW.

Sa dalawang buwan kong bakasyon, may naligaw na manliligaw ko.  Hindi ko lubos akalain na ang taong ito ay dati ko palang kakilala sa Qatar! Siya pala ang estranghero na patingin-tingin sa akin dati at naghintay na pansinin ko. Hindi s’ya sumuko sa panliligaw hanggang binigay ko ang matamis kong Oo! Nandito man ang pangamba at takot, na baka isa rin siya sa nagmaskara na paibigan ka sa una tapos iiwan lang nang basta-basta! Pero, ang  akala ko ay mali pala!

Pinadama sa akin ni Mhar ang tapat na pagmamahal.  Walang palya ang usap namin sa phone; sa kanya ko naramdaman ang pagpahahalaga sa damdamin ko. Kaya ang dalawang buwan ko na bakasyon ay isa sa pinakamasaya sa buhay ko; nakasama ko ang aking mga mahal sa buhay at muling nabuhay ang puso kong namatay.

Ngunit ang masayang sandali ng relasyon namin, ay susubukan ng isang mapait na pamamaalam. Dahil kailangan kong bumalik ng Qatar! Luha ay nagsipatakan; ayaw n’ya akong pabalikin at linyang lumabas sa kanyang labi ay:

“Maryjane, will you marry me?”

Natameme ako sa narinig ko! Para akong tuod na ‘di nakakilos! At ang tanging sinagot ko ay:

“Huwag muna ngayon, kailangan ko pang bumalik! Mahal kita, pero masyado pang maaga ang relasyon natin para magpakasal tayo!”

Pumatak ang luha ni Mhar, alam kong nasaktan ko s’ya, pero marami pang bagay kasi na dapat ayusin lalo pa at magkaiba ang relihiyon namin; Muslim ako at Katoliko naman si Mhar. Paniniwala ng aming pamilya ay magkaiba, kailangan kong suyuin muna si Tatang ko. At ang tanging tugon lang ng lalaking mahal ko ay:

“Handa akong maghintay, nandito lang ako, Bhe!”

Sa paglipad ulit ng eroplano na maghahatid sa bansang pagtatrabahuan ko, luha ay nagsipatakan, damdamin ay nasaktan dahil iiwan ko ang lalaking nagmahal sa akin nang tapat.

Ang mga katagang kanyang binitiwan na kailanman ay hindi ko malilimutan. Tawag at text ang tanging komunikasyon namin, at nandoon man ang tampuhan, away at batian ay lalong nagpatibay sa relasyon naming dalawa.

Tatlong taon na hindi na kami nagkita ni Mhar, tatlong taon na laging linya ay: “Bhe, ‘wag ka na lang umuwi! Dahil, pag-umuwi ka itatanan na kita!”.

Tatlong taon naghintay si Mhar sa akin, at sa tagal na panahon na iyan ay napalambot ko rin ang puso ni Tatang ko para tanggapin si Mhar sa buhay ko. At sa tagal ng mga taon ay muling binanggit n’ya ang:

“Maryjane, will you marry me? Please Bhe…I love you!”

Mainit na butil ng mga luha ang nadama sa aking pisngi, kahit sa phone lang n’ya binanggit ulit ay YES ang sagot ko sa lalaking, naghintay sa pag-uwi ko. Ang lalaking hindi nagsawa at hindi bumitaw sa pagmamahal sa akin. Kaya sa darating na May  sa taong ito ay ang muli naming pagkikita at ang pagharap namin sa dambana.

May nawala man sa atin, may darating na mas higit pa; ang taong nakatadhana talaga na para sa atin.

Note: Maraming salamat, Jane cute, na bunso ng EZDAN COMPOUND sa pagbahagi ng kuwento mo, isang karangalan na naisulat ko ito. Best Wishes sa Wedding mo soon. 🙂

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)