Mapagpatawad ang Pag-ibig

(Photo credit: reddit.com)
(Photo credit: reddit.com)
(Photo credit: reddit.com)

KANINA ka pa hindi mapalagay. Palakad-lakad ka sa inyong maluwang na sala. Napabubuntong-hininga nang malalim at panaka-naka kung sulyapan mo ang iyong hawak na selpon. Nagbabakasakali na maalala kang tawagan o itext man lang ng iyong mister na si Marco. Kahit batid mong malabo iyong mangyari.

Pagkuwa’y sinipat mo ang orasan sa ‘yong selpon. 1:25 am. Malalim na ang gabi ngunit wala pa rin ang iyong mister. Lalo kang nakaramdam nang panlulumo na kalauna’y nanghihinang napaupo ka na lamang sa inyong malambot na sopa.

Aaminin mong sa puntong iyon, pilit mo pa ring pinaniniwala ang iyong sarili na uuwi din ang iyong mister; na baka natraffic lang ito o kaya’y kasama ang mga katrabaho na naghapi-hapi. Ganoon naman ang mga kalalakihan. Mahilig sa gimikan. Naghahanap ng mapaglilibangan o pampalipas-oras.

Ngunit ganoon nga lang ba talaga ang ginagawa ngayon ng iyong mister? Paano kung tama pala talaga ang mga nalaman mo tungkol sa pinakamamahal mong asawa?

Muli kang napabuntong-hininga, sabay napapikit nang mariin. Naalala mo ulit ang huling pag-uusap ninyo ng pinsang si Jackylyn nito lamang nakaraang araw….

“Ate, hindi ko sinisiraan si kuya Marco sa ‘yo. Pero mas mainam siguro kung bantayan mo siyang maigi. Alamin mo kung bakit madalas siyang umuuwi nang madaling-araw…” ani Jackylyn na seryoso ang mukha.

“M-May tiwala ako sa asawa ko, Jackylyn,” kumpiyansang tugon mo.

“E, pa’no mo ipaliliwanag ‘yong dalawang beses na nakita ni Gino na may kasamang ibang babae si kuya Marco?” walang kagatol-gatol na wika nito na ang tinutukoy ay ang mister nito.

Biglang may kung anong kumudlit sa ‘yong puso, pero dagli mo rin iyong binalewala.

“Kilala ko si Marco. Alam kong hindi niya ako kayang pagtaksilan!” giit mo na pinipilit ipakita sa ‘yong pinsan ang isang payak na ngti.

Ang totoo, nagtatapang-tapangan ka lang sa harap ni Jackylyn na para ba’ng hindi ka apektado sa mga sinabi nito patungkol sa ‘yong mister.

“Ikaw ang bahala, ate. Pero anu’t anuman ang mangyari, nandito lang ako lagi. Anytime na kailangan mo ng kausap o karamay, nandito lang ako. Kami ng asawa ko,” hindi na nagmatigas pa na saad ni Jackylyn.

Tumango ka at muling ngumiti.

“Salamat, Jackylyn. Maraming salamat!” tugon mo.

SIMULA noon ay hindi ka na mapalagay. Kahit pilitin mo mang iwaksi sa ‘yong isipan ang naging pag-uusap n’yo ni Jackylyn, hindi maikakailang binabagabag ka pa rin ng husto sa posibilidad na baka nga totoong may kinahuhumalingang ibang babae ang iyong asawa. Kaya nga’t heto ka ngayon. Hindi pa rin dinadalaw ng antok at halos mabaliw-baliw ka na sa kahihintay kay Marco.

Gustuhin mo man siyang komprontahin o direktang sabihin dito ang nakita ni Gino, ngunit lagi kang bantulot at nauunahan ng kaba’t takot: Kaba na baka maging mitsa ito nang pagtatalo ninyo ni Marco. At takot sa posibilidad na totoo nga ang iyong kinatatakutan.

Ngunit alin nga ba sa dalawa ang mas nagpapagulo ngayon sa ‘yong isipan? At paano nga kung totoong may ‘kalaguyo’ ang iyong mister? Paano mo ito haharapin at tatanggapin?

“Hindi. Walang ibang babae si Marco. Mahal na mahal ako ng asawa ko!” animo’y may kausap na biglang nanulas sa ‘yong labi.

“Isa pa, sa loob ng labing-dalawang taon namin bilang mag-asawa, alam kong hindi magagawa ni Marco ang isang bagay na wawasak sa pamilyang pareho naming binuo. Kaya bakit ko siya paghihinalaan? Mali ito. Alam ko, mahal na mahal ako ng asawa ko!” dugtong mo pa na para ba’ng tuluyan ka nang nawala sa katinuan.

Pero alam mong matino pa rin ang iyong pag-iisip ng mga oras na iyon. Nasasabi mo lamang ang mga katagang ito para palakasin ang iyong loob. At para hindi ka lalong mahirapan sa kaiisip.

Ilang minuto pa ang lumipas at nang sumapit ang alas-dos, doon mo lamang ipinasyang matulog at huwag nang hintayin si Marco. Sabagay, hindi na rin bago sa ‘yo ang pag-uwi ng iyong mister nang madaling-araw. Bukas mo na lang ito uusisain at kakausapin ng seryoso.

Bago tuluyang mahiga sa kama, saglit mo munang tinignan sa kanilang kuwarto sina Harry at Samantha na bunga ng inyong pagmamahalan ni Marco na kanina pa mahimbing ang mga tulog. Ang mga anak ninyo ang tangi mong lakas at inspirasyon.

ALAS-SAIS na ng umaga nang magising ka. Una mong hinagilap ang iyong mister sa ‘yong tabi. Ngunit wala ito.
Dagli kang napabalikwas ng bangon at kahit inaantok pa ang iyong pakiramdam, pinilit mo pa ring tumayo.

Bukod kasi sa ipagluluto mo pa ng almusal at baon ang dalawa mong mga anak na parehong nasa elementarya, ay nais mo ring tiyakin kung umuwi ba o hindi si Marco.

Ngunit labis mong ikinagulat nang marating mo ang kusina at makita roon si Marco. Abala ito sa pagpiprito na sumisipol-sipol pa.

Hindi mo alam kung ano ang magiging reaksyon mo sa ‘yong nasaksihan. Nakakapanibago. Matutuwa ka ba o kakabahan?

“O ‘Ma, gising ka na pala. Good morning!” ang masayang bati ni Marco sa ‘yo nang mapansin ang iyong presensiya.
Lalo kang napakunot-noo sa paraan ng pagbati nito sa ‘yo. Ngunit iba ang naging tugon mo sa sinabi nito.

“Ano’ng oras ka na umuwi? At saan ka ba galing kagabi? Ni hindi ka man lang nagtext o tumawag,” malumanay mong turan.

“Mamaya na natin pag-usapan ‘yan, ‘Ma. Kailangan ko munang tapusin ‘to at mamaya, gising na rin ang mga bata,” pagliliko nito.

Hindi ito nakatingin nang deretso sa ‘yo. Kaya hindi mo na rin napansin ang biglaang pagbabago ng ekspresyon ng mukha nito.

Ngunit mapilit ka. Tutal, mukhang alam mo na rin na may mali sa ikinikilos ngayon ng asawa mo. Hindi kasi ito malimit gawin ni Marco at parang mayroon kang gustong malaman mula rito.

“Hindi ako sanay na ikaw ang gumagawa n’yan. May nangyari ba na dapat kong malaman?” makahulugan mong bitaw.

Saglit namang huminto sa ginagawa nito si Marco. “Gusto kong kausapin ka ng masinsinan. Pero mamaya na. Pagkatapos ko dito at pag-alis ng mga bata!” sumeryosong tugon nito.

Nagtataka man ay hindi mo na pinilit ang iyong mister. Hihintayin mo na lang kung kailan ito handang magsabi kung anuman ang tinutukoy nitong pag-uusapan ninyo ng masinsinan.

Ngunit ngayon pa lang ay singlakas na ng tambol ang kabog ng iyong dibdib. Todo todo na ang kabang nararamdaman mo!

NAKAALIS na sina Harry at Samantha para pumasok sa eskuwelahan nang lapitan ka ni Marco sa kinauupuan mong pandalawahang upuan na gawa sa mahogany sa inyong likod-bahay. Kung saan madalas ninyong tambayang magpapamilya kapag buo kayo.

Kanina mo pa roon hinihintay ang iyong mister. Hindi ka nito pinahintulutang kumilos sa mga gawaing bahay sa umagang ito. Kaya’t minabuti mong doon na lang ito hintayin.

Hindi pa rin mawala-wala ang kaba sa ‘yong dibdib. At anuman ang kalalabasan ng pag-uusap ninyong ito ni Marco, pinagpapasa-Diyos mo na lang ang lahat.

Pagdaka’y tumabi ito sa kinauupuan mo.

“Naalala ko noong bago pa lamang tayo ikasal noon. Isa iyon sa pinakamaligayang araw sa buhay ko. Dahil sa wakas, makakasama na kita habambuhay. At doon ko din mas napatunayan sa sarili ko na ikaw lang talaga ang nag-iisang babae sa buhay ko!” Panimula nito sa napaka-seryosong tinig na ikinataas ng iyong kilay.

“At sa labing-dalawang taon nating pagsasama bilang mag-asawa, hindi ko inaasahan na makagagawa ako sa ‘yo ng napakalaking kasalanan…” dugtong nito, sabay yuko ng ulo.

Gusto mong magsalita, pero tila may bagay na biglang bumara sa ‘yong lalamunan.

Ang tangi mo na lang nagawa ay mapapikit nang mariin. Tila alam mo na kung ano ang tinutumbok ng iyong mister.

“P-Patawarin mo ako, ‘Ma. Napakalaki ng kasalanan ko sa ‘yo. Sumira ako sa pangako natin noon na magiging tapat tayo sa isa’t isa. At iyon ang hindi ikinatatahimik ngayon ng kunsensiya ko!” pagpapatuloy nito.

Doon mo lang nagawang tignan ito sa mukha. “S-So, tama pala talaga si Jackylyn…” lakas-loob mong sambit…”M-May kalaguyo ka?!” tumaas na ang iyong boses.

“P-Patawarin mo ako, ‘Ma! Naging mahina ako sa t-tukso. Hindi ko inisip noong una na m-masasaktan kita. Naging m-makasarili ako. P-Patawarin mo ako, ‘M-Ma…” humihikbing paulit-ulit na turan ng iyong mister.

At ilang segundo lang, nakaluhod na ito sa ‘yong harapan.

Doon na rin bumagsak ang luha sa ‘yong mga mata.

“M-Mahal na mahal kita, ‘Ma. Kayo ng mga anak natin. At hindi ko kayang m-mawala kayo sa buhay ko. K-Kayo ang pinakamahalaga sa akin. Kaya sana, mapatawad mo ako!” muli nitong sambit habang nakaluhod pa rin ito sa ‘yong harapan.

Gusto mo siyang pagsusuntukin, sigawan at murahin. Pero mas nanaig ang tila gripong patuloy na pag-agos ng iyong mga luha. Nanghihina na rin ang iyong buong katawan. At ang higit na apektado ay ang iyong puso. Puso ng isang babaeng lubos na umiibig sa kanyang mister.

Pero ano nga ba ang marapat gawin sa naging pag-amin ng taksil mong asawa? Pagtitiwalaan mo pa ba ito o ito na ang umpisa nang pagkawasak ng inyong pamilya?

Hindi mo na hinayaang makapagsalita pang muli ang iyong mister. Ikaw na ang kusang umalis. Pagkahakbang ng iyong mga paa, tila may sariling isip ang mga ito na dinala ka sa tahanan ng iyong pinsan na si Jackylyn. Ilang bloke lamang ang layo ng bahay nito sa inyo. Kaya siya ang napili mong lapitan ng mga oras na iyon. Gusto mo nang karamay at para pansamantalang makalayo sa ‘yong mister.

Luhaan ka pa rin nang datnan ka ng tigagal mong pinsan na si Jackylyn nang marating mo ang bahay nito. At sa kanya mo agad ibinulalas ang naging pag-amin ni Marco sa kataksilan niya sa ‘yo!

MALIWANAG na ang paligid nang magdesisyon kang bumalik sa inyong tahanan kinabukasan. Kahit ayaw mo pa sanang umuwi ng inyong tahanan at makita si Marco, mas nangibabaw pa rin ang pag-aalala mo kina Harry at Samantha. Siguradong kagabi pa nagtataka ang mga ito kung bakit wala ka sa inyong tahanan. At ayaw mong pati ang mga ito ay madamay sa problema ninyong mag-asawa.

Pagpasok mo ng inyong tahanan ay wala na roon sina Harry at Samantha. Pumasok na ang mga ito sa eskuwelahan.
At gaya nang iyong inaasahan, ang iyong mister ang tangi mong nadatnan roon. Namumugto ang mga mata. Matamlay at halatang wala ring tulog.

Malungkot itong tumitig sa ‘yo.

“H-Hindi ko na ipipilit ang sarili ko na patawarin ako. Dahil alam ko na walang kapatawaran ang nagawa kong kasalanan sa ‘yo. Pagsisihan ko man ito, alam kong hindi ko na maibabalik pa ang iyong tiwala. Kaya m-mauunawaan ko rin kung gugustuhin mong lumayo na muna. Pero isa lang ang hihilingin ko sa ‘yo, L-Loisa…hayaan mo pa rin sana akong maging a-ama sa mga anak natin…” bungad ni Marco sa ‘yo.

Nais mo siyang kamuhian. Pero bakit tila yata lumambot na agad ang iyong puso?
Oo, aaminin mong mahal mo pa rin ang iyong asawa. Pero sa ngayon, mas nangingibabaw ang sakit at kirot na dulot ng kataksilan nito!

“M-Mahal na mahal kita, L-Loisa. At handa kong muling patunayan ‘yon sa ‘yo. Pero nagkamali ako. At sana, hindi man ngayon, dumating ‘yong araw na mapatawad mo din ako!” pagpapatuloy nito.

At nang tumalikod na ito ay tila may mga sariling isip naman ang iyong mga paa na sinundan mo ito.

Nagtatalo ang iyong puso’t isip. Pero sa pagkakataong iyon, alam mong mas nagwagi ang iyong puso.

At ilang pulgada na lamang ang distansiya mo kay Marco nang mahigpit mo itong yakapin na labis nitong ikinagulat.

“M-Madaling magpatawad sa mga taong handang tanggapin ang kanilang pagkakamali at alam kung pa’no ito pagsisihan. At totoong mahirap nang buuin ulit ang tiwala kapag ito ay nawasak. Pero mapagpatawad ang pag-ibig. Sa ngayon, gusto kong patunayan mo na handa kang magbago at hinding hindi mo na ulit gagawin ang pagkakamaling ginawa mo,” lakas-loob mong pahayag habang mahigpit mo pa ring yakap ang iyong mister.

“G-Gagawin ko ‘to hindi lang para sa sarili ko. Kundi para sa mga bata. Ayaw kong lumaki sila na hindi buo ang ating pamilya. Mahal kita, Marco. Mahal ko ang mga anak natin. Pero sana, h’wag mo na akong pagtataksilan ulit. Maawa ka sa mga anak natin…”

Unti-unti nang lumiwanag ang mukha ni Marco sa ‘yong mga tinuran. Muli itong nakakita ng pag-asa sa mga narinig nito mula sa ‘yo.

At pagkuwa’y hinarap ka nito at sa pagkakataong iyon ay siya naman ang yumakap sa ‘yo. Mahigpit. Mahigpit na mahigpit.

“S-Salamat sa pangalawang tsansa na binigay mo sa ‘kin, ‘Ma. Pinapangako kong hindi na ulit kita pagtataksilan. Mahal na mahal din kita. Kayo ng mga anak natin!” ganti nito.

At nang siilin ka ng halik ng iyong mister ay hindi ka na tumanggi pa.

Binigyan mo ito ng second chance hindi dahil martir ka o sa labis na pagmamahal mo rito. Ginawa mo ito dahil kahit kailan, hindi mo gugustuhing maging broken family kayo.

Everyone deserves a second chance!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.