Manibela

MRI (Photo Credit: Charles Macalino)

Tutula ako para sa kaibigan.
Bibigkasin ko ang kanyang mga hinaing.
Ikukuwento ang kanyang mga paghihirap.
Kung paano niya hinahango sa lungkot ang kapirasong ligaya,
Ang pag-asa, ang pag-ibig na kaagapay,
at ang pangarap na dahilan ng paglaban.

Kaibigan, hindi ko nararamdaman ang iyong pinagdaraanan,
Pero nauunawaan kita.
Ganyan din ako noon.
Pasan ang takot at panghihinayang.
Magkaiba lang tayo ng sitwasyon
Pero pareho tayong hinahadlangan ng kalusugan.

Nagtaka ako noong una kitang makita,
Lagi kang may head gear na suot.
Akala ko, player ka ng taekwondo,
Pero may nakapagsabi sa akin: may sakit ka pala.
At naliwanagan ako nang minsang makausap kita.
May cyst ka sa utak.

Iyon din ang una mong atake sa harap ko.
Bigla-biglang humihigpit ang hawak mo.
Aantukin ka, at mawawala sa ulirat.
Taranta pa ako noon kasi hindi ko alam ang gagawin,
Pero lumipas ang ilang segundo ay nakausap na ulit kita.

Simula noon, parang gusto kitang bantayan.
At marami pa ngang pag-atake ang nangyari sa iyo
Na ako ang kasama mo.
Nasanay na rin ako.
Hanggang sa nakabisado na kita:
Kung paano magsisimula at kung kailan magtatapos
Ang pag-atake.

Nabuhat na rin kita para dalhin sa klinika.
Hindi ko malilimutan ang mga atake mo kasama ako.
Sa gym, office, kfc, bangko, klase, at kung saan pa.
Lagi kitang nauunahan.
Mas mahusay pa akong sumalo sa head gear mo
Upang hindi mabagok ang iyong ulo.
Sa galaw pa lang ng iyong mga mata,
Handa na ang mga kamay kong sumalo, umakbay, at kumapit
Upang dahan-dahan kang maihiga o maiupo nang hindi nasasaktan.

Alam kong wala kang nararamdaman
ni natatandaan sa tuwing aatakehin ka,
Kaya hindi mo rin alam kung paano kita pinoprotektahan,
Pero sa tuwing matatapos ang iyong panginginig,
Gumigising kang nararamdaman ang balikat kong sinasandalan,
Brasong mahigpit na yumayakap,
At ang mga kamay na umaalalay.
Saka kita tatanungin: ok ka lang?
Sasagot ka naman: anong nangyari?

Tandang-tanda ko, sa tuwing matatapos ang pag-atake,
Magsasabi ka kaagad: kuya, papasok na ako, may klase pa.
Na para bang walang nangyaring malubha.
Positibo ka sa kabila ng lahat.
Kaya hindi ko maiwasang malungkot,
Minsa’y maluha. Madalas humanga.

Noon nagkuwento ka:
May mga plano ka na kapag nakapagtapos.
Marami kang gustong gawin.
Umiyak ka.
Naramdaman ko ang pagod mo.
Alam kong ayaw mo na ng ganito.
Maraming beses mo nang sinabi sa akin na suko ka na.
Nagparamdam ng paglisan sa mga larawang pinakikita.
Kasi nahihirapan ka.
At nakadaragdag iyon ng pagod sa pagkamit ng pangarap.
Balak mo nang matapos ang mga paghihirap.
Gusto mo nang gumaling,
Gusto mong magmaneho ng sasakyan at maglakbay sa malayo,
Subalit hindi ganoon kadali.

Nagugunita mo ang iyong inang maagang lumisan,
Ang iyong amang hindi mo nakita,
Ang mga kapatid na hindi naibiyaya.
Kaya narito akong nagpanggap na kuya,
Na sa kabila ng malayong koneksyon,
Maramdaman mong hindi ka pa rin nag-iisa.

Oo, nagkukuwento ka rin ng tungkol sa taong mahal mo.
Kung paanong umiyak ka noong naghiwalay kayo.
Kung paanong umiyak ka noong nagkabalikan kayo.
Kung paanong kinakabahan ka sa tuwing magagalit siya
Dahil sa katigasan ng ulo mo.
Kung paanong mas handa ka nang maoperahan
Dahil may dahilan na muli ang buhay.

Nakinig ako.
Minsan wala akong masabi kahit na danas na.
Para bang kumpara sa iyo,
Wala akong maipagmamalaking karanasan.
Sabi ko lang: huwag kang makalilimot magdasal.
Huwag kang magsasawang lumaban.
Huwag kang titigil magmahal.
At huwag kang matakot na sumugal.

Hihintayin ko ang panahon na…
Isang araw, hindi na kita sasaluhin.
Umaasa akong hahawak ka rin ng manibela.
Mapatatakbo mo ang sarili nang walang pangamba.
Ang mga kamay mo naman ang aalalay sa mga nangangailangan.
Ang mga balikat mo naman ang sasandalan.
Ang mga bisig mo naman ang kakarga sa babaeng iyong pakakasalan.

Kaibigan, makapagmamaneho ka rin.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.