Man with one Word

“Man with one Word”…..

Ganito pa ba ang katangian ni Juan Dela Cruz? Kung iisipin natin, ang katangiang ito ay makikita natin nung panahon ng mga ninuno ng lolo at lola natin. Sa madaling sabi baka mahigit limang dekada na rin natin kinalimutan ang magandang asal na ito. Dati kapag sinabi mo ang isang bagay pwede na ito panghawakan ng karamihan kasi nga may isang salita ka at ginagalang ang sinasabi mo… Yun bang pinagkakatiwalaan ka. Kasi nga dati makikita mo kung sino talaga ang nirerespeto sa bansa natin. Pero ngayon may makikita ka na sinusunod na lang ng iba dahil sa takot, kung ako tatanungin mo mas gugustuhin ko na sinusunod ako ng kapwa ko dahil sa respeto at paggalang sa akin hindi dahil sa takot. Kaya nga siguro ang daming krimen ngayon sa bayan ni Juan dela Cruz. Kasi kahit labag sa kalooban nila gawin ang isang bagay ay napipilitan pa rin silang gawin ito sa dahil sa takot na baka may mangyari sa kanila na masama. Sa kasalukuyang henerasyon masasaksihan natin na kapag nagbanta sa buhay natin ang ating kapwa tiyak na magaganap ito. Tama nga na ngayon ay may mga taong maituturing nating “Man with one word” subalit kasamaan at banta sa ating buhay ang pwede nating panghawakan sa salita nila. Sana lang ang panghawakan nating salita ng ating kapwa ay kabutihan nang sa gayon ay umiral ang respeto sa bawat isa sa atin.

 

Nakakalungkot isipin na hindi na natin makita ang magandang katangiang ito ng ating mga ninuno sa kasalukuyang henerasyon. Sa mga sipi na mababasa mo puro patayan ang laman, manood ka ng telebisyon ganun din makikita mo at sa mga radyo ay ganun din… nakakatakot ang nangyayaring ito. Ito ba ang ipapamana natin sa ating mga anak at sa mga susunod na henerasyon? Dapat magkaron na ng pagbabago… parusahan ang dapat parusahan… managot ang dapat managot. Sa dinami-dami ng mga may kaso sa atin walang napapatunayan kahit na alam naman natin na talagang may kasalanan sila. Kasi ngayon ang umiiral na batas ay PERA. Kung may pera ka mabibili mo lahat pati na hustisya. Panahon na para tayo ay gumising sa katotohanan at panahon na rin para baguhin natin ang ating kinabukasan.

 

Simulan natin ang pagbabago sa pagbabalik ng magandang katangian ng ating mga ninuno, respeto ang makakamit natin kung tayo ay may isang salita at kabutihan sa bawat binibigkas.

About DF Community

This article was submitted by the author above. All articles posted in this blog are views of their respective authors. All commentaries, letters or opinions submitted by the Definitely Filipino community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.