Maligayang araw ng mga ama

Tuwing dadating ang ikatlong linggo ng Hunyo binibigyan natin ng pagpupugay ang lahat ng ama sa buong mundo.  Dahil na rin sa mother’s day kaya nabuo ang isang Fadownload (27)ther’s day. Una itong sinelebrate noong June 19,1910 ni Sonora Smart Dodd ng Arkansas USA na ang ama ay isang Civil War Veteran na si William Jackson Smart at isang single parent na nagpalaki ng anim na anak kasama na nga dun si Sonora. Unang naisip niyang iselebrate yun ng June 5 pero dahil siguro may date siya ng araw na yun binago niya ng June 19. Pero siyempre haka haka ko lang ang huling aking tinuran. And the rest is history.

Noong bata ako hindi ko alam yung mga ganyang selebrasyon kahit Mother’s day. Isa akong batang kung tawagin nila ay pinanganak sa “popo” ng kalabaw. Maaga kasing nagsawa magulang ko sa buhay dito sa lupa kaya minabuti nilang maglayag sa kabilang mundo. Ang nanay ko namatay siya sa edad kong tatlong taong gulang. Dahil sa sakit sa puso di niya kinaya. Yung tatay ko? ayon nasa “other woman”.

Kasal ang aking mga magulang sa simbahan pero ganoon siguro talaga ang mga pagsubok. Kabuntisan pa lang ng nanay ko, kabuntisan din ng “other woman” ng tatay. Aba, matindi! Pero dahil wala pa akong muwang sa mga ganoong bagay wala ako pakialam. Hanggang sa isang araw dumating ang tiyuhin ko kapatid ng tatay ko para ibalitang wala na tatay ko. Hindi naman ako nagulat. Sa edad kong labing-isa baka kasi natuto na akong maging matatag at maging matapang. Kasi alam kong wala akong ibang aasahan kundi sarili ko lang.

Mayroon man akong mga “nanay” sa katauhan ng mga tiyahin ko na kapatid ng tunay kong nanay, mga “tatay” sa katauhan ng mga tiyuhin ko na kapatid pa rin ng nanay ko, at lolo at lola ko na magulang ng nanay ko. Magulo ba?  Huling bilin kasi ng nanay ko habang nagbibilang na siya ng mga natitira niyang hininga na huwag na huwag akong ibibigay sa tatay ko. Mayroon man ako ng mga tiyahin at tiyuhin, nangingibabaw pa rin ang “nakakahiyang” maging isang pabigat na lang sa mga taong di naman ako kargo at responsibilidad. Alam kong sa pag-aaruga at pag-aalaga nila sa akin para na rin akong isang kumpletong bata. Mas madami nga lang ang magulang. Namatay tatay ko pero hindi ako umiyak. Baka kasi hindi ko siya talaga kilala at never kong naiselebrate ang birthday ko, ang mga masasayang bagay sa buhay ko ng kasama siya. Mas lalo na ang isang pagbibigay pugay sa mga ama. And the rest is my history.

Kung tatanungin ako kung galit ako sa ama ko, noon? hindi. Ngayon? medyo. Kasi noong bata ako wala ako alam kung paano talaga ang magalit sa isang ama na di ka pinaglaban para maging anak niya. Kung paano magalit sa isang taong dahilan kung bakit naranasan ko lahat ng ginawa niya sa nanay ko. Wala ganoon talaga. Ganito ang guhit ng palad. Sabi ko baka karma ito ng magulang kong sakin inatang ng tadhana. Pero yung galit ko di sing lalim ng dagat. Mababaw lang. Na kahit anong oras pwede kong makalimutan, dahil baligtad baligtarin ko man ang mundo, tatay ko pa rin siya. Wala ako sa mundo ibabaw kundi dahil sa kaniya. Nagkataon lang na tao lang din siya nagkakamali at di na kelanman maibabalik ang bawat sandaling gusto kong sumigaw na kelangan ko ng magulang.

Nagkaroon ako ng isang natatanging ama. Asawa siya ng tita ko na Mama ko na kapatid ng nanay ko. Natatawa ako. Haba kasi ng sinabi ko. Basta Mama ko yun, at Papa ko siya. May apat silang anak na puro babae din. Mga pinsan kong kapatid ko. Naalala ko si Papa noong bata pa ako, pinalo ako ng lola ko kasi pasaway ako, kinalong niya ako at inalo dahil umiiyak ako. Siguro mahigit dalawang dekada na yun pero tandang tanda ko pa rin. Noong nag-asawa ako sa di inaasahang oras at pagkakataon nakita ko siya umiiyak dahil sa akin. Napakatanga ko no.

Sinayang ko yung panahong may mga taong nagmamalasakit sakin ng lubos pero binalewala ko dahil sa isa akong rebeldeng kabataan. Gusto ko sanang ibalik yung panahong yun para walang taong umiiyak dahil sa pagkakamali ko. Pero kung titingnan ko mga anak ko wala na akong regret. Kasi kay Papa ko naranasan kung paano magmahal ang isang magulang sa aming lahat. Kahit anong hirap ang naranasan ng mga Mama at Papa ko napagtapos nilang lahat mga anak nila. Nagsimula talaga sa pinakamahirap na sitwasyon, ngayon sobrang nagpapasalamat kami sa lahat ng pagpapala ni God sa pamilya namin. And dahil na rin sa pagsisikap ni Mama at Papa. Hindi ko man natupad ang gusto nila para sakin, sinusubukan ko namang maging isang mabuting magulang sa mga anak ko. Para kahit dun man lang makabawi ako sa lahat ng mga magagandang aral na tinuro nila sa amin. Hindi kami “ma-vocal” na tao.Pagdating sa pagmamahal at pagmamalasakit namin sa isa’t isa. Pero ramdam naming walang iwanan hanggang sa huli. Kung ipababalik ang panahon sa panahong bago mamatay tatay ko, ok na ako sa ganito. Kasi si Papa ang isang dahilan kung bakit kelangang ipagbunyi ang mga ama tuwing ikatlong linggo ng Hunyo.

Hindi ako binigyan ng isang ideal “partner” pero alam kong isa siyang mabuting ama sa mga anak namin. Hindi man siya naging ideal husband hindi ko ipagkakait ang titulong, isa siyang mabuting ama. Bata pa lang mga anak namin kahit maghapon siya sa trabaho sa gabi siya na ang umaako sa pagtitimpla ng gatas sa gabi. Ika nga niya, “ikaw na sa maghapong pag-aalaga kahit man lang sa gabi maalagaan ko mga anak ko”. Naging pasaway man siyang “partner” never siyang naging pasaway na ama. Kung may Husband’s day, baka ma-rate lang siya ng pasang awa, pero sa Father’s day, pasadong pasado, nasa honor list pa. Kaya di ko rin matapon dahil alam kong mahihirapan ang mga anak ko kapag wala siya.

Madami mang single mother, pero naranasan ko kasing walang kumpletong pamilya at mahirap yun. At iyon ang ayaw na ayaw kong maranasan ng mga anak ko. Kahit ako na ang magsakripisyo ng lahat ayos lang sakin, huwag lang ang mga anak ko. Mabuti naman siyang ama, nagkataon nga lang na di tayo binibiyayaan ng perpektong pagkatao. Lahat tayo nagkakamali. Lahat tayo kelangan din ng pang-unawa at pagpapatawad. Ang isang pagiging mabuting ama niya, isa na yun puntos para patawarin ko siya sa lahat ng pagkakasala niya sakin. Masaya ako kasi alam kong mararanasan ng anak kong magkaroon ng Father’s day.

Madaming ama sa buong mundo. Yung mga matatandang binata na puro nagpalaki ng mga pamangkin. May mga amang malayo man sa kanilang pamilya para maghanap buhay sa ibang bansa pero dahil nagsasakripisyo sila para sa kinabukasan ng kanyang pamilya nagagawa nilang lumayo. May mga amang nagpapaka-ina dahil kelanganang si ina ang maghanapbuhay sa ibang bansa. May amang madaming pamilya, pero pagdating sa anak para lang iisang pamilya. May mga amang naligaw ng landas pero sa huli, nagpapakatuwid pa rin para sa kaniyang mga anak. Saludo ako sa lahat ng ama at nagpapakaama. Mahirap maging isang magulang. Panghabang buhay na debosyon. Panghabang buhay na trabaho. Ang pagiging isang magulang ay hindi inaaral sa kahit na anong eskwelahan. Walang mataas na titulo gaya nang sa kolehiyo. Pero isang bokasyon na pagnamaster mo, isa kang ganap na mabuting magulang. Walang sweldo. Pero sobrang sarap ng incentive kapag nagawa mong mabuti ang trabaho mo. Kahit sweldo ng isang presidente ng kompanya di kayang matapatan ang sweldo ng isang ulirang magulang. Mahirap na masarap. Hindi rin naman sinabi ng buhay na kelangan perpekto ang mga bagay bagay. Kelangan balanse. Pero kahit ano pa man ang iyong ama, magpasalamat at matutong respetuhin ang bawat ama. Dahil walang magulang, ama man o ina, ang nag-iisip ng hindi makakabuti para sa kaniyang anak.

Ilang araw na rin akong nag-iisip ng isang maisusulat. Bigla kong naisip, ni minsan di ko naranasang magcelebrate ng Father’s day na kasama ang tunay kong ama. Pero dahil sa nagpalaki sa akin na si Papa, hindi ko inisip na kulang ang buhay ko dahil lang sa pumanaw na ang aking ama. Mas lalo kong naappreciate ang isang ama. Na kahit hindi nila tunay na anak, nilalaan pa rin nila ang kanilang pagiging ama nila. Masaya. Kasi sa loob ng 14 na taong may asawa’t anak, para akong batang nagsisimula pa lang magcelebrate for the first time ng Father’s day. Malayo man husband ko ngayon dahil kelangang maglayag sa kabilang ibayo ng mundo, pero alam kong para sa kinabukasan namin itong lahat. Huwag sayangin ang bawat sandali na kasama niyo mga magulang niyo dahil hindi niyo alam kung kelan sila mawawala at saka mo matatantong nagsisisi ka at di mo naibigay sa kanila ang mga bagay na deserve nilang maramdamang kasiyahan at fulfillment.  Kudos to all Fathers. Happy Father’s day!

About 3rc

Wife. Mother. Friend. Dreamer. Writer. Reader. Anime enthusiast. Volleyball lover.