Maid: Walang Cut Na Palabas

Photo Credit: takingtimeformommy.com

Hindi tayo artista na sikat sa madla, pero sikat tayo sa pagtulong na mapaunlad ang ating bansa. May angkin tayong ganda at talino na nakatago sa unipormeng bulaklakin o plain na kulay. Minaliit tayo ng iba dahil hawak natin ay pambomba at pamunas, pero ang hindi nila alam na taas noo nating ipinagmamalaki na 15 hours man ang trabaho sa tahanan ng ating pinaglilingkuran, tayo ang tinatawag na mga “SUPER INDAY”; walang make up, walang high heels, walang short skirt, simpleng babae.

Tama, husgahan man tayo sa ating kabaduyan kapag nakasuot tayo ng basahan, may malaking eye bags, buhok na nagkakandalagas, kinalyong kamay at paa, bagsak ang mukha dahil sa pagod at puyat. Ngunit sa kabila ng lahat ay may matamis pa rin na ngiti ang namumutawi sa ating mga labi at ang pagsang-ayon sa utos “Yes, Madam!”

Maid; oo, dito nga kami dinala ni kapalaran. Isang propesyon na ang daming papel na aming ginagampanan; ina at guro ng mga batang aming inaalagaan, alila ng mga amo na walang pakundangan ang utos, kulang na lang ay tawagin kaming misis ni Sir! Oo, iyan na lang ang papel na hindi namin nakuha at hindi namin magawa.

Wala kami sa entablado, walang camera para makunan ang mga eksena kung saan para kaming artista, iyakan man o tawanan. ‘Yung mga oras, panahon o sandali na halos pasan namin ang mundo. ‘Yung eksena na puso ay sasabog dahil sa sama ng loob dahil, ayun si mahal, may kinakasama nang iba! Ayun si Darling, winaldas ang perang padala! Ayon ang mga pangarap na naglaho na parang bula! Wala nang mas sasakit pa sa damadamin ng isang MAID na sinaksak ng isang matulis na sandata sa kanyang pakikipagsapalaran.

Utak namin ay mas higit pa kay Mr. Google, dahil puwede naming intindihin ang; FLY THE CHICKEN(FRY THE CHICKEN), BRING THE ELEVATOR (BRING THE LADDER)! SMALL CHICKEN (EGG), COOK THE KITCHEN (COOK THE CHICKEN), DANCING WATER AND PUT THE SKELETON (BOILING WATER AND BONE)!

Saan ka pa? Kung hindi namin higpitan ang tornilyo ng aming utak, tiyak na kabilang kami sa mga uuwing baliw na sa Pilipinas.

Maid; minsan ay para ring horror! Oo, nakatatakot minsan ang buhay namin. Kung hindi ka palaring magkaroon na among mabait? Ito minsan ang aming karanasan; watak-watak ang pagkababae namin pag si Sir ay hayok sa laman! Mga sampal, sipa, tadyak, sabunot at mura naman kay Madam! Sisigaw man kami ng: “Taaammaaaaaa Naaaaa!” May makaririnig ba sa amin? Wala! Kung ‘di sariling boses pa rin namin na nag-eecho sa demonyong tahanan na pinagtrabahuan ng isang Maid.

Oo, ito kami! Ganito kami! Ganyan ang buhay namin! Parang teleseryeng walang cut, walang stunt, dahil iyan kami, ang mga bagong buhay na kababaihang bayani!

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)