“Mahal Na Mahal Ko Siya!” – Kris Aquino

feb7_krisBoy
Kris Aquino & Boy Abunda (Photo Credit: Manila Bulletin)

Paano nga ba at saan masusukat ang ating pagmamahal sa ating mga magulang, asawa, anak, kapatid, kapamilya, kamag-anak o mga kaibigan at sa mga taong nakapaligid sa atin? Sa ating mga kasintahan o sa mga taong hindi natin kadugo, pero napamahal na sa atin.

Hindi ba kapag para sa mga mahal natin sa buhay, walang sukatan para maiparamdam at maipakita natin ang ating pagmamahal sa kanila? Naipararamdam natin ito sa kanila sa iba’t-ibang paraan hindi ba?

Kung may kakayahan tayong pang pinansyal, gusto nating ibigay ang mga materyal na bagay na alam nating makapagpapasaya ito sa ating mahal sa buhay. Lalo na kung ito ay mismong hinihiling sa atin. Parang laruan lang na kapag itinuro ng ating mahal na mahal na anak, ngunit hindi natin maibigay dahil walang sapat na pera. Pero, kasabay nito ay ang munting kirot na hatid nito sa ating dibdib?

Kung wala naman tayong kakayahang pinansyal, bakit naman pipilitin natin na ibigay ang gusto natin na makapagpasaya sa kanila, kung hindi naman natin kaya? Maiintindihan naman ng mga mahal natin sa buhay kung ano lang talaga ang ating kaya hindi ba?

At higit sa lahat, hindi maaring sukatin ang ating pagmamahal sa mga materyal na bagay lamang. Mas nasusukat pa rin ito sa oras ng pangangailangang emosyonal. Suporta bilang isang taong nagmamahal sa oras ng kabiguan at kasiyahan.

Pero, sa usapin ni Boy Abunda at Kris Aquino, alam natin na silang dalawa ay talagang can afford na bilhin ang mga materyal na bagay na gusto nila. Kung tutuusin ay hindi na kailangang hingiin ni Boy kay Kris ang bagay na ito. Pero bilang isang nagmamahalan na magkaibigan, parte ito ng paglalambing at pagbibigay ng isang taong mapagmahal, at supportive na kaibigan.

Bukod sa pagmamahalan at suporta nila sa isa’t-isa bilang magkaibigan na ipinararamdam nila sa isa’t-isa, hindi maiwasang hanggang sa materyal na bagay ay magpapalitan sila. Sila iyon eh! Alam naman natin na pareho silang workaholic. Si Boy Abunda, sobra sobra na ang mga blessings na natatanggap, naibabahagi sa mga kapamilya at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Katulad ni Kris Aquino, pareho silang galante pagdating sa mga kaibigan at sa mga taong  malalapit sa puso nila.  Pero, hinding-hindi rin nila nakalilimutan ang tumulong sa mga mahihirap. May kanya kanya silang Foundation o Charity works na sinusuportahan. Nagbabayad rin sila ng malaking Tax mula sa kanilang pinaghihihirapan, pinagpapaguran at pinagpupuyatang trabaho.

Bakit nga ba kailangan nating kwestyunin ang pagbigay o ang galanteng pagregalo ni Kris Aquino ng mamahaling sasakyan na gusto ni Boy Abunda?

Pero, kung alam ko na walang hanapbuhay si Kris Aquino? At lalo na kung isa siyang politiko na sa politika lang umiikot ang buhay at walang ibang source of income? Ako mismo ang unang-una na babatikos sa kanyang maluhong gesture.

Pero, hindi eh!

Pera niya iyon. Karapatan niya kung saan niya dapat gastusin o ibigay ang mga bagay na mayroon siya. As long as lahat ng kanyang mga staffs  hanggang sa mga yaya at kasambahay, ay  regular itong mga  tumatanggap ng kanilang mga  sweldo at iba pang mga benipisyo.  At hindi inaabuso ni Kris,  wala tayong karapatan na siya ay batuhin ng mga maaanghang na mga salita.

Siguro, masyado lang tayong mapagpuna, mapanuri o mapag imbot sa ating kapwa. Isang ugali ng Pinoy na hindi natin maialis. Na kapag ang kapitbahay ay may bagong TV o bagong patayo ng bahay, tayo’y naiinggit at nakakagawa at nakapagsasalita ng hindi maganda sa ating kapwa.

Bakit nga ba ganun?  Hindi ba puede na maging masaya na lang tayo para sa ating kapwa? At kung alam naman natin na galing rin naman sa kabutihan o sa mabuting kamay ang ibinibigay, hindi ba puede na – i-appreciate na lang natin ito?