Mahal ko si Sir!

girlITAGO na lamang ninyo ako sa pangalan na Normala, isang dating Domestic Helper sa bansang Lebanon. Hindi pangkaraniwan ang kuwento ng buhay pag-ibig ko na siguradong pagtataasan ako ng kilay ng iba o kaya’y huhusgahan ako. Pero dedma lang. At kahit alam ko noong una pa lang na mali, hindi ko pa rin napigilan ang sarili ko na mahulog kay Sir.

Oo, tama. Na-in love ako sa amo kong lalake na limang taon ang tanda sa akin. 24 ako, 29 naman siya. Lebanese si Sir at nag-umpisang mahulog ang loob ko sa kanya noong unang taon kong paninilbihan sa kanila.

Paano nga ba nag-umpisa ang kagagahan kong ito???

Nag-umpisa iyon dahil sa mga kabaitang pinakikita ni Sir sa akin. Noong bago pa lang ako bilang kasambahay sa kanila ay pinakitaan na agad ako ng kabutihan ni Sir. Ni minsan ay hindi ko pa narinig na sinigawan niya ako, minura o pinagbuhatan ng kamay. Lagi itong nakangiti tuwing nakikita ako at hindi man lang marunong sumimangot o magalit. Minsan pa nga, nakikipagbiruan ito sa akin. Nakikipag-usap kapag nasa bahay lang ito. Bagay na noong una ay hindi ko binigyan ng kahulugan. Kaya lang, habang tumatagal ay doon ko unti-unting napagtanto sa sarili ko na nahuhulog na pala ang loob ko kay Sir. Oo. Bukod sa guwapo ito, ay napakabait pa nitong amo.

Pero alam ko naman na isang malaking ilusyon na magustuhan din niya ako, ‘di ba?

Kaya nagkasya na lamang ako sa araw-araw na nakikita ko siya at nakakasama sa loob ng tahanan nila. At kahit alam kong kabaliwan na patuloy siyang mahalin, ay hinayaan ko pa rin ang sarili ko sa pantasyang ito. Minsan, sumasagi rin sa isip ko na magpakita ng motibo kay Sir. Kaya lang ay hindi ganoon kalakas ang loob ko. Kahit alam kong maraming pagkakataon na kami lang dalawa ang naiiwan sa loob ng bahay, nagagawa ko pa ring kontrolin ang sarili ko. Isa pa, ayaw kong mabahiran ng dungis ang pagkatao ko dahil sa kabaliwan kong ito.

Kaya sa araw-araw na ginawa ng Diyos, palihim kong itinatangi si Sir. Palihim akong kinikilig tuwing nakikita ko siya, nakakausap at minsan ay nadadampian ang kanyang mga kamay. Madalas ay tinatanong ko rin sa sarili ko, hanggang kailan ako mabubuhay sa pantasyang ito? Hanggang kailan ako magpapakabaliw sa isang lalaking ni sa hinagap ay batid kong hindi magkakagusto sa akin?

Lalo pa’t ang lalaking palihim kong iniibig ay may asawa na!

Oo, pamilyado na si Sir at may isa silang anak na lalake ni Madam. At nakikita ko rin kung gaano kamahal ni Sir si Madam. Lagi nitong pinararamdam kung gaano niya kamahal ang asawa. Katunayan, naikuwento na rin minsan ni Sir sa akin kung paano niya niligawan si Madam noon. Kung anong sakripisyo ang pinagdaanan niya para mapasagot si Madam. At hanga ako sa kanya dahil alam kong mabait at responsable itong asawa at ama.

Kaya habang tumatagal, mas lalong lumalalim ang pagmamahal ko kay Sir!

Until finally, nagdecide ako na kailangan ko nang gumising sa kabaliwang ito. Pagkatapos ng tatlong taong paninilbihan, hindi na ako nagrenew ng kontrata sa kanila. Uuwi na ako ng Pinas para doon mag-umpisa ng panibagong buhay at upang makalimutan ko na rin si Sir.

Noong una mahirap at masakit sa loob ko na iwan ang pamilyang pinagsilbihan ko rin ng tatlong taon. At tinuring din akong parte ng kanilang pamilya. Pero ang mas mahirap, ang tuluyan kong iwan ang lalakeng mahal na mahal ko. Si Sir. Pero sa kabilang banda, mas mabuti na rin iyon para makaiwas na rin sa gulong posibleng mangyari dahil sa kabaliwan kong ito.

Sa ngayon, tahimik na akong namumuhay dito sa aming probinsiya sa Davao. May isang maliit na sari-sari store akong naipundar na siyang pinagkakaabalahan ko ngayon. Pero may mga pagkakataon pa ring sumasagi sa isip ko si Sir.

Aaminin kong naroon pa rin ang pagmamahal ko sa kanya. Lagi pa rin siyang laman ng isip ko. Pero alam kong kahit na kailan ay hindi na magkakaroon pa ng katuparan ang pantasya kong ito. At alam kong darating din ang araw na makakatagpo din ako ng lalake na para sa akin. Iyong mamahalin ako, walang pananagutan at iyong lalake na kaya akong iharap sa harap ng altar!

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!