Magsusulat pa rin ako

mewo

Sa dami na ng nagawa kong tula para sa ‘yo, umaasa akong kahit isa ay nabasa mo.

Makikiusap ako sa iyo. Basahin mo naman kahit isa sa mga piyesa ko. Dahil… dahil…sa totoo lang… ikaw ang tinta sa aking papel. Ikaw ang kataga sa aking tula. Tumingin ka sa akin at sasabihin ko. Lalakasan ang loob dahil ika’y kaharap ko. Ikaw. Oo, ikaw. Ikaw ang dahilan kung bakit ako nagsusulat.

Sa tuwing ika’y darating, ngingiti na lamang ng lihim. Magtatago kung saan, hindi ka kasi kayang pagmasdan. Nakapagtataka. Minsan nakaiirita. Pero bakit? Bakit iba ang hanap ng iyong mga mata? Akong nakakatitig sa ‘yo, ikaw na nakatitig sa kanya? Pareho lang naman tayo, ‘di ba?

Madalas niyayapos ako ng sarili kong mga kataga. Pinapangiti ang sarili sa mga hindi totoong salita. Imahinasyon. Munting pag-asa. Baka sakali…pero nakakatawa. Nakakaawa. Pero paano nga ba? Paano kung sabihin kong mahal kita? Tatawa ka ba? Maaawa o magsasawalang bahala?

Nang malaman mo ang lihim ko, nakakahiya. Gusto ko na lang magpakain sa lupa. Pero hindi ka naman natawa. Hindi ka naawa. Hindi mo pinansin. Ika’y nagsawalang bahala. Ayos lang. Alam mo? Palagi kong naririnig ang pangalan mo sa mga kantang pinakikinggan ko. Mewo. Palagi kong tinatawanan ang sarili ko. Tingnan mo ang haba na naman ng tulang ito. Tulang isinulat ko para sa ‘yo. Tulang para sa ‘yo.

Pasensya ka na. Pero sana napaisip ka. Baka sakaling matandaan mo. Ako yung laging nakatitig sa ‘yo. Mula sa malayo, pinagmamasdan ang ngiti mo…ang kilos mo. Mula sa malayo.  Palaging malayo sa ‘yo. Hindi ko na kaya pang pigilan ang puso ko kaya magsusulat na lang ako. Magsusulat na lang ako. Magsusulat ako…para sa ‘yo…

Kahit hanggang sa mapagod ako, magsusulat pa rin ako.

 

About Badzilla

Isang naghahangad na makalaya at tuluyan ng makapaglingkod sa Kanya. Isa ring naliligaw at tanging pagsulat lamang kasiyahan at kakayahan.