Maging OFW Ang Gusto Mo? Kayanin Mo Nang Buong Tapang at Kagalakan!


bedBakit kaya ang dami-daming reklamo ng mga nangingibang bansa kapag nasa bansang pinuntahan na?

Parang napakabigat ng mga dibdib kung makapagreklamo sa mga nangyayari sa buhay nila.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang hilatsa ng busangot na mukha.

Ilang OFWs na rin ang nakausap, at kahit isa sa kanila ay walang nagmintis na hindi nakapagreklamo.

Ngunit ang labis na inirereklamo ay ang kalagayan sa ibang bansa, lahat ng kasinglahulugan ng salitang M-A-H-I-R-A-P ay ginamit na.

Bago pa nangibang bansa ay hindi naman siguro napakaignorante na hindi alam ang kalagayan ng isang OFW.

Kusa kang nagdesisyon na nais mangibang bansa, may nag-udyok man sa iyo, pero tiyak na hindi ka pinagtulakan o pinilit para isagawa ito.

Pero ikaw lamang sa sarili mo ang nagpursige na talagang makaalis sa kahit anong dahilan na mayroon ka para lamang maisakatuparan ang pag-alis.

Bakit noong kahit napagod sa pag-aayos ng mga papeles, anuman mga balakid mapapera man o sitwasyon ay buong-buo ang loob na naggugumigil na makaalis.

Ngayong natupad ang matinding nais na bukod makasakay ng eroplano ay nagtamo ng trabaho at nasa lupalop na ng dayuhang bansa.

Pero heto ka ngayon at walang katigil-tigil sa pagmumukmok at pagrereklamo.

Katulad ko na lamang na sa loob ng dalawang taon ay hindi nakaranas ng anim na oras na pagtulog, pero ikinagagalak ko pa rin ang masiglang paggising sa bawat umagang pupungas at sabog ang buhok na may panibagong araw pa rin na ipinagkaloob ang Panginoon na hindi ako nagkaroon ng matinding karamdaman.

Hindi man nakakakain ng mga nais na pagkain ay magana pa ring kumakain ng paulit-ulit na noodles, itlog, tinapay na matigas na kadalasan ay  mga pinagsobrahang pagkain ng amo ay magana pa rin kung kumain.

Hindi man ako pinalad na magkaroon ng mga maunawain at mabait na mga kasamahan ay nagagawa ko pa rin silang pagpasensiyahan kaysa naman nag-iisa at walang katuwang sa walang katapusang mga gawain.

Hindi ko man nararanasan ang makalabas o makapamasyal sa matagal na panahon ay nakangingiti pa rin akong nasisilayan ang parehas na kapaligiran.

Hindi man ako nakatutulog nang mahimbing dahil sa dikit-dikit na kama at nagugulat kapag may nagsalita o kaya ay alanganing oras na bukas pa rin ang ilaw ay nagagawa pa ring tanggapin ang sitwasyon.

Kahit na katabi ko ay banyo at dinadaan-daanan madalas ay napagtitiyagaan ang sitwasyon kaysa naman walang sariling kama o silid-tulugan. Kaya kapag hindi nakapaglinis nang madalas ay singhot na singhot ko ang sangsang ng amoy ng banyo.

Pero kahit nasa modernong kulungan ay may kaunting alwan naman, may pinagagamit na laptop si “Delia” kaya lang wala pa kaming oras dalawa maghuntahan. Kadalasan ay sobrang pagod na at inaakit na ni “Higz”(Higaan) na siya ay madantayan kaya kahit tunog  nang tunog si “Noki” (selepono) ay nababalewala pansamantala.

Kahit na 4 in 1 (tutor, yaya, hardinera, tagapaglinis) na sa trabaho ngayon na taliwas sa kontrata na tagapagturo lamang ay maalwan na natapos ang kontrata.

Matutong tanggapin ang kahit anong sitwasyon na mararatnan sa bansang pununtahan lalo na kung hindi naman nakakaranas ng pang-aalipusta, pagmamaltrato at pangmomolestiya sa mga amo.

Trabaho ang ipinunta sa ibang bansa, at gaano man kahirap o kadami iyon ay trabahuin nang may pagmamahal upang mapagaan ito. Hindi mo ba inalala ang nga kuwento ng ibang OFWs na mas mahirap at mabigat ang trabaho sa ibang bansa? ‘Di ba batid ninyo iyon? Kaya hindi pa man sana nakaaalis ay inihanda na ang sarili. Hindi iyong bukambibig ay pagrereklamo at nais na lamang umuwi.

Lalo na ang iba na napakababaw ng mga inirereklamo at minsan ay nakagagawa pa ng mga ilegal na gawain dahil sa paghahangad ng kung anu-ano na nagiging sanhi ng kapahamakan.

Pagtanggap, pagsasapuso at pagtitiyaga dagdagan mo ng matinding gabay at panalangin mula sa Panginoon tiyak na walang kasing saya at gaan ng magiging buhay OFW mo!

Ito ang gusto mo, Kayanin mo nang buong tapang at kagalakan.