Mag-aabroad ka pa ba?

(Photo credit: www.bbc.co.uk)
(Photo credit:  www.bbc.co.uk)
(Photo credit: www.bbc.co.uk)

MARAMING bilang ng mga Pinoy ang nangingibang-bansa para sa ibayong dagat makipagsapalaran. Marami sa atin ang umaasa na sa pagiging isang OFW ang tanging susi para umasenso ang ating buhay. Pero malaki nga ba talaga ang tsansa natin na dito tayo yayaman o aasenso? O kabilang din tayo sa mga dating OFW na umuwing bigo at luhaan? At gaano ba natin kadalas itanong sa ating sarili kung mag-aabroad ka pa ba?

Lahat tayong mga OFW, laging iniisip ang kapakanan ng ating pamilya. Kaya kahit mabigat sa loob nating iwan sila, tayo ang nagsasakripisyo para sa kanilang ikabubuti. Pero madalas, lagi tayong napapaisip ng malalim. Lagi nating nasasabi sa ating mga sarili na kung hindi lang sana hikahos ang ating buhay, malamang ay araw-araw nating kapiling ang mga mahal sa buhay.

Ito ang realidad na kailangan nating tanggapin. Na kailangan nating lakipan ng tapang at tatag ng loob. Dahil kung mahina ang loob mo, igugupo ka ng matinding lungkot at pangungulila. Kaya bago tayo magpasyang mag-abroad, ito ang isa sa mga bagay na una nating isinaalang-alang. At kapag handa na talaga tayo, saka natin ituloy ang pag-aabroad.

Pero bakit marami pa rin tayong kababayang OFW ang hindi kinakaya ang buhay abroad?

Bukod sa domestic violence, marami sa atin ang hindi sanay na malayo sa pamilya. Ang iba ay nakararanas ng mental torture o depression. Kaya napipilitan ang iba na umuwi kahit wala pang ipon. Mas mahalaga nga namang isaalang-alang ang ating kalusugan. Pero kung ikaw na matagal nang OFW, hanggang kailan mo balak magtrabaho sa ibang bansa? Kapag may sapat na tayong ipon? O kaya’y hanggang kaya ng ating katawan?

Maraming dahilan kung bakit marami sa atin ang nananatiling OFW sa pagdaan ng maraming taon. Pera ang pumipigil sa ilan sa kanila para ipagpatuloy ang pagsasakripisyo sa dayuhang bansa. Hangga’t walang sapat na ipon, hindi sila titigil sa pagkayod. Isa lamang ito sa dahilan nating mga OFW. Pero paano kung sa maraming taon na pakikipagsapalaran natin ay wala pa rin tayong naiipon? Susuko ka na ba o bibigyan mo pa ng pagkakataon ang iyong sarili na hanapin ang iyong suwerte sa ibang bansa? E pa’nu kung hindi talaga sa abroad ang suwerte mo, mag-aabroad ka pa ba?

Bilang isang OFW, maaga pa para masagot ko mismo ang mga katanungang ito. At bilang first timer, alam kong marami pa akong pagdadaanang butas ng karayom. Marami pa akong hirap at sakripisyo na pagdaraanan. At oo, hangga’t wala akong sapat na ipon, hangga’t hindi ko pa nakakamtam ang mga pangarap at mithiin ko sa buhay, hinding-hindi ako titigil sa pag-aabroad. Dahil alam kong dito ko mas madaling matupad ang mga pangarap ko sa buhay. Kumpara kung mananatili ako sa sarili nating bansa na patindi nang patindi ang kahirapan na ating nararanasan. Dahil na rin sa mas lumalalang kaso ng kurapsiyon sa ating mga politikong gahaman sa yaman at salapi.

Isa lamang ako sa mga milyon-milyong mga OFW na nangangarap nang maginhawang pamumuhay. At hangga’t lugmok pa rin ako sa kahirapan, mananatili akong isang OFW na punong-puno ng mga pangarap. At kung hanggang kailan ako mag-aabroad? Hangga’t may lakas ako at hangga’t hindi ko nakakamit ang pangarap kong umasenso sa buhay, magpapaalipin ako sa ibang dayuhan. Mas mainam na ito. Kaysa maging alipin sa sarili mong bayan na wala namang pag-asenso. Dahil sa kagagawan ng mga demonyong nakaluklok sa puwesto!

abroad

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!