Made in Saudi Po Ako

(Photo Credit: fithnawatch.blogspot)
(Photo Credit: fithnawatch.blogspot)
(Photo Credit: fithnawatch.blogspot)

Namulat at nagkaisip ako sa bansa ng mga Arabo, sa sentro ng pananampalataya ng mga kapatid na Muslim; sa Saudi Arabia. Mga magulang ko po ay Pinoy OFW, Isang Arkitekto si Papa at Nars si Mama. Kay sarap pakinggan ng mga propesyon nila. Maipagmamalaki ng bawat anak ang ganyang propesyon ng magulang. Tila kami larawan ng isang masayang pamilya.

Opo, masayang pamilya kaming masasabi ng mga taong hindi alam ang istorya ng buhay namin.

Masaya ako kung parehas silang nandito sa Saudi dahil pakiramdam ko’y kumpleto na naman kami.

Sabi ng mga kaibigan kong bata, masuwerte ako dahil nag-iisa akong anak ng aking mga magulang, sagana.

Ooooppss! Anong nag-iisa? Marami akong kapatid, 5 kay mama at sa asawa nito at may tatlong kuya ako kay papa at sa kanyang asawa.

Teka, teka, alam kong kayo’y nalilito sa kuwento ko.

Ako’y ipinanganak sa mga magulang na may iba’t -ibang pamilya sa Pinas, nagkilala at nagkabolahan at dala ng init ng katawan at pangungulila sa kani-kanilang mga asawa, ako’y nabuo. I was made by accident sabi lagi ni Mama sa tuwing galit sa akin. Buti pa nga raw at nasilayan ko ang ganda ng mundo, ilang ulit pa nga raw akong ininuman ng sytotec habang ipinagbubuntis ngunit malakas daw ang aking kapit sa kanyang sinapupunan.

Nagsusuot din siya ng mga hapit na damit at guirdle para ako ay maipit at tuluyan nang matanggal. Pero nabuo pa rin ako. Kaya mainit lagi ang ulo ni mama sa akin dahil muntik na daw malaman ng kanyang asawa sa Pinas ang kanyang kalagayan.

Aba! Kasalanan ko ba? Ako ba ang lumandi? Naging bunga lang naman ako ng kanilang lungkot na hindi nadala ng Skype at tawag sa telepono at init ng kanilang katawan na hindi rin nadala sa paliligo sa banyo.

Kakainis, tapos sa akin ibubunton ang galit?

Sa mga magulang na katulad ng mayroon ako ay napakahirap. Opo, sagana ako sa mga materyal na bagay, pero ang hirap. Laging nag-aaway sina mama at papa dahil sa akin lalo na kung panahon na ng kanilang mga bakasyon. Tiyak, umaatikabong gyera at argumento muna ang mangyayari. Kung sino ang unang magbabakasyon at sino ang maiiwan sa akin. Hindi sila pwedeng magsabay dahil wala akong kasama sa bahay. Hindi rin nila ako pwedeng isama dahil wala akong mga dukomento. Wala akong birth certificate dahil hindi na kinuha ni mama doon sa hospital kung saan ako ipinanganak. Lalo’ t wala akong pasaporte dahil hahanapan ng authenticated na birth cert. At walang marriage certificate na pwedeng ipakita ng aking mga magulang dahil sa likod lang embassy sila ikinasal, pang IQAMA lang para hindi hulihin ng mga Mutawa.(religiuos police) So wala talaga silang maipakitang legal na dokumentong legal upang ako’y maging legal din.

Huwag na natin pilitin. Hindi ko nga alam kung ako ay nabinyagan dahil wala naman akong ninang at ninong na nagreregalo sa tuwing pasko o ramadan mula’t mula.

Isa akong kulorum, parang gamit na brandless.

Kung sakaling may dokumento man ako, kanino ako sasama? Kay Papa? Upang unang masira ang pamilya nito kapag nalaman nilang may anak ang kanilang ama na itinatago?

O kay Mama upang mapagbuhatan siya ng kamay ng kanyang asawa kapag nalaman nitong iniputan siya sa ulo?

O baka, ‘pag isinama nila ako sa Pinas, ilalagay na lang muna ako sa isang ampunan upang doon malaya silang makadadalaw sa akin nang lihim sa kani-kanilang pamilya?

Ah! Huwag na lang muna, hindi pa ngayon ang tamang panahon upang ako ay kanilang ilantad.

Minsan, nagbakasyon si mama, maganda ang kanilang usapan ni papa na mauuna itong magbakasyon at pagdating ni mama ay siya naman. Ngunit hindi pa nangangalahating buwan si mama sa kanyang bakasyon ay tinawagan si papa ng kanyang asawa na mag emergency leave dahil naaksidente ang isa kung kuya. Namatay. Umiiyak si papang yakap-yakap ako. Siguro umiiyak siya dahil naaawa sa kanyang anak na naaksidente at naaawa sa akin dahil wala akong kasama.

Kinakailangang umuwi ni papa para sa kanyang anak. Ipinaghabilin ako sa isang kaibigan ni papa. Hanggang dumating si mama. Pero natapos na ang bakasyon ni mama hindi pa rin ito bumabalik, hindi ko alam kung bakit. Limang buwan na ang lumipas ay wala pang magulang ko na nagpapakita upang kunin ako.

Worried na si tito Karl ang kaibigan ni papa dahil magbabakasyon din siya wala akong makakasama sa accmodation nito.

Naghanap na naman si tito ng kaibigan para ako ay ihabilin. Para na akong bolang pinagpasa-pasahan. Kung sino ang hindi nagbabakasyon ay doon ako.

Hindi na ako binalikan ng aking mga magulang hanggang sa kinakailangan nang ako ay isuko sa embahada nang huling tinirahan ko.

Doon sa Embahada ako natutong magsulat at magbasa, ako ang ginawang taga hugas at taga linis. Tuluyan na akong inampon nang isa sa empleyado doon.

Nagkaroon na ako ng dokumentong akin at nakauwi sa bansa ng aking magulang. Kinupkop at inaruga ng ibang tao.

JOSELITO Madlang-awa
Citizenship: filipino
Place of birth: Riyadh KSA.

7 Comments

  1. my heart goes out to you Joselito. pray and forgive your parents even if they both abandoned you. blessings to the people whomtook care of you.

Leave a Reply

Your email address will not be published.