Lumang Litrato

Friends on Sunset (Credits: www.nouveau-artiste.org)

Sa dulo ng mahabang day off, hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting lungkot dahil matatapos na ang pahinga. Habang hawak ang maligamgam na kape (na sinadya ko pang palamigin nang kaunti para madaling inumin), naisipang kong buksan ang luma ko’ng memory card. Hindi ko alam kung bakit “emo mode” na naman ako, at ang akala ko na pagtingin sa laman ng memory card ang makakabawas ng nararamdaman ko. Mali pala. Mas lumalala pa pala.

Alaala. O malamang mas kilala ng new generation era sa salitang memories. Mga larawan o video ng mga naging karanasan mo habang naglalakbay ka sa buhay. Maswerte nga daw ang generation ngayon, dahil lahat ng mahalagang alaala nagagawan na nila ng replika. Hindi kagaya noon, ang 32 shots mo sa lumang camera; kailangan pulido ang shots, kailangan piling-pili, madalang nga yata ang wacky shots noon hindi ba? Ang pinakamalaking “boo factor” pa, hindi mo agad makikita kung mukhang nilamukos na plastic cover ang mukha mo sa picture. Minsan buwan pa bago ma-ipadevelop. At malamang nakita na ng buong barangay baka mo pa mapakiusapan na itago na lang ang karimarimarin na picture.

Pero balik tayo sa alaala. Bakit nga ba ang hilig magpicture ng Pinoy? Ano bang rason at dahilan sa likod noon. Habang patuloy kong tinitingnan ang mga larawan at video, may ilang bagay at katotohanan ang muling dumalaw sa isip ko. Ano nga bang laman ng mga lumang litrato?

Una, ang jologs ko pala dati, kainis. May mga picture na magpapaalala sa iyo kung gaano kahalimaw ang taste mo dati. Oo, ako nga yun may bangs na hati sa gitna. Kempee Look nga daw yun. Tapos ang nakakapagtaka pa, noong elementray ako, sobrang “chubby” ko (hahaha pacute na mataba?), tapos  noong high school naman sobrang “slim” ko naman (hahaha pacute na patpat naman?). Hindi naman puro asar at inis ang nararamdaman ko, dahil salamat sa mga litrato na yun, alam ko na kahit papaano napaunlad ko yung sarili ko. Sa punto na yun, litrato ang naging tanda ko kung may umunlad ba sa sarili ko o wala.

Pangalawa, ang daming tao ang nakabahagi ko sa buhay ko. Iba’t ibang mukha, iba’t ibang ngiti. Karamihan sa kanila, tandang-tanda ko ang mga mukha, kasabay na tandang-tanda ko ang pinagsamahan naming piraso ng alaala. Maaring may ilan sa kanila ang hindi ko na lubusang maalala, pero hindi ko itatanggi na bawat isa sa kanila ay may naiwang bagay na matatandaan ko. Sa punto na ‘to, litrato ang nagpaalaala sa akin kung gaano ka kabuti sa tao, at kung paano mo itatrato ang mga tao na kabahagi ngayon sa buhay mo.

Pangatlo, ang dami ko na pa lang napuntahan. Ilocos Sur, Ilocos Norte, Baguio City, Aurora Province, Laguna, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Pangasinan, La Union, ang kalakhang Manila (reporter lang?), Kuwait, Qatar, idamay ang likod bahay namin, ang puno ng mangga ng kapitbahay, ang farm ng tito ko, piggery ng tito ko, dating school, ultimo waiting shed na tambayan ng mga kanto boys sa amin. Lahat sa lugar na yan may picture ako, may baon akong alaala. Bago pa man mauso na ang primary reason kung bakit ka magpapicture sa isang lugar ay para sa primary picture mo; na ang primary goal mo eh ma-impress ang primary target mo na primary crush mo (hanep na primary, tadtad?), hilig ko nang magpakuha ng litrato sa magagandang sceneries. Pangarap ko’ng malibot ang mundo. Mabusog ang mata sa yaman ng kultura at kwento ng bawat bansa. Gusto ko makita at mahawakan ang dati nakikita ko lang sa libro. At sa punto na ito, litrato ang nagpaalala sa akin kung gaano kalawak ang mundo ko sa ngayon, at kung gaano ko pa ito gusto palawakin sa hinaharap.

At panghuli, muli ko’ng naalala, na walang permanente sa mundo. Tao, bagay, pook, pangyayari (Pinoy Henyo?). Three syllables? May A ba yan? B? Teka seryoso na ulit. May mga kuha ako na nagsisimula pa lang akong lumakad, ngayon mabilis na akong tumakbo. May kuha na tuwang-tuwa si Mommy dahil nakakahakbang na ako, ngayon, minsan, pinapagalitan pa ako kapag sobrang gala ko. Iba na ang bahay namin, iba na ang kapitbahay. Ang mga dating kaibigan, ang tagal ko na ding hindi nakikita. Ilan sa kanila may pamilya na, ilan sa kanila nasa malayo na at mahirap ko na ulit makita. Ilan sa kanila wala na, maagang binawian ng buhay.  Sa punto na ito, pinaalala sa akin ng litrato na kung ano’ng mayroon ka sa ngayon, kahit gaano pa siya kasaya, lahat temporary, lahat magbabago. Kahit gaano mo kasundo ang isang tao, dadating ang panahon na kailangan ninyong maghiwalay ng landas. Dahil ultimo ang buhay na mayroon tayo, hiram lang at maari din biglang maglaho.

Litrato. Alaala. Pangarap. Karanasan. Pagkakaibigan. Pamilya. Siguro, kung ikukulong ko sa ilang salita ang paglalarawan sa mga litratong mayroon ako, sasabihin ko na ang litrato ay piraso ng buhay ko. Sa bawat ngiti ng taong naroon sa litrato ay karanasan at alaala na mayroon tayo. Sa bawat akbay sa balikat, magkadikit na pisngi, pagkain pinaghatian, lugar na magkasabay na nilakbay, makikita ang bakas ng pamilya at pagkakaibigan. Marahil sa bagong henerasyon, sa mundong uso na sa selfie at wacky mode (idagdag ko ang hash tag), ang litrato ay simple bagay na pang-araw-araw na lang ginagawa, dadating ang panahon, maiintindihan ninyo din ako. Kapag kagaya ko na din kayong tumitingin sa dalawang litrato.

Litrato ang repleksyon ng alaala, sa bawat alaala naroon ang pangarap, pamilya, kaibigan o ibang taong minamahal. Malungkot man o masaya ang alaala, paglipas ng panahon, kapag nagkaroon ka ng pagkakataong silipin ulit ang bawat larawan, balikan ang bawat alaala, malungkot man yan o masaya, bakit hindi maiiwasan na tumulo ang luha sa iyong mata?

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^