Luha Sa Papel Ng Pangarap

Papers (Photo Credit: deviantart.com)
Papers (Photo Credit: deviantart.com)
Papers (Photo Credit: deviantart.com)

Papel at lapis ang una niyang naging matalik na kaibigan.

Nakilala niya sila simula pa noong kamusmusan. Iyon ang una niyang hinahanap sa oras ng kalungkutan. Saka gagawa ng ilang mga hugis na siya lamang ang nakaiintidi. O hindi naman kaya ay nagsusumbong dito, kapag sa iba ay hindi siya makapagsabi.

Gumagaan ang loob kapag kasama ang mga matatalik niyang kaibigan. Hindi nagtagal, hindi nalang lapis ang naging panulat, hindi na lang papel ang sulatan. Sinubukan niya ang iba, lalo siyang naging magaling. Lumilikha ng mga obra sa pamamagitan ng mga kamay at sa tulong ng mga letra. Sumusulat ng mga akda; mga kuwentong hango sa tunay na karanasan ng buhay, mga tula.

Lahat maganda.

Lahat malawak.

Lahat malaya.

Ito ang pumupuno sa bawat tibok ng kaniyang puso. Ang matalik na kaibigan, naging unang pag-ibig. Nais niyang maging isang tanyag na manunulat, sabi niya isang araw sa sarili.

Musmos pa lamang siya noon. Ano nga naman ang alam ng isang bata pagdating sa tunay na ihip ng hangin sa bawat panahon? Takot pa siyang lumakad mag-isa. Magpatulak, magpatangay, iyon ang mas mainam na gawin. Takot pa siyang lumakad sa dilim.

Ano nga raw ba ang kahahantungan niya sa pagsusulat ng mga kuwento at tula? Nahihibang na raw siya, nabubuhay sa mundo ng pantasya, tumatakas sa realidad sa pamamagitan ng mga imahinasyon, sa pagitan ng bawat letra.

Hindi nagtagal, hinanap niya ang kasiyahan sa labas ng kamusmusan. Kusang kinalimutan ng isip ang unang pag-ibig.

Nagpatangay siya sa hangin.

Nakilala niya ang mundo ng KUMPITENSYA at MEDALYA. Marami siyang natutunan; ang makipaglaban para sa unang pwesto, ang baguhin ang oras ng tulog, ang tumakbong mabilis upang hindi mapag-iwanan, sa kasamaang palad pati ang pandaraya para lamang sa panalo. Hindi ito ang tama, sabi niya isang araw sa sarili niya.

Napunta siya sa mundo ng TIBOK NG PUSO at UNANG HALIK. Naging masaya siya noong una, nahanap niya ang muling nagpangiti sa kaniya ng tunay. Para siyang nananaginip ng masaya sa bawat paglipas ng oras. Akala niya iyon na, kaso tulad pala ng iba, mayroon din itong kabiguang kasama.

Nakasalubong niya ang mundo ng DUGO at PAWIS. Tulad ng iba, marami siyang natutunan; ang gumising ng maaga, ang magsuot ng pinakamaayos na kurbata, paramihin ang sarili, at magpakintab ng sapatos. Natuto siyang maging praktikal sa lahat ng oras, hindi na niya dinig ang puso, tanging ang matalinong isip ang nagdedesisyon. Alam niyang hindi siya masaya, ngunit kailangan niya itong gawin para umano sa asenso, tulad ng iba.

Hindi pa sapat ang lahat, kaya naman hinanap niya ang mundo ng SING-SING at PAMILYA. Naging maayos naman ang lahat. Ito ang bumabalanse sa pagod na dala ng mundo ng DUGO at PAWIS. Ito ang nagbalik ng ngiti sa kaniyang mga labi. Ang nagiging inspirasyon sa bawat pagbukas ng mata niya sa umaga. Alam niyang masaya siya, ngunit bakit parang may kulang? Alam niyang may kulang.

Nagpatangay siyang muli sa hangin.

Bumalik sa mundo ng DUGO at PAWIS – kayamanan? Hindi.

Saka sa mundo ng TIBOK ng PUSO at UNANG HALIK – pagmamahal? Hindi.

Sa mundo ng KUMPITENSYA at MEDALYA – karangalan? Malabo.

Hanggang sa napunta siyang muli sa isang pamilyar na lugar; maganda, malawak, malaya. Isang pamilyar na damdamin ang nanguna. Saka pumatak ang luha sa papel na nasa harapan niya – pangarap? Oo.

Hindi pa huli ang lahat. Kumuha siya ng panulat saka muling gumawa ng mga hugis na siya lamang ang nakaiintindi. Muli siyang sumulat at nagkuwento sa mga ito. Sabik siyang nagkuwento sa kanila. Nagbalik ang pakiramdam na kusang kinalimutan ng mga karanasan at panahon.

Muli siyang maglalakbay, ngayon sa mundo ng LAPIS at PAPEL. Susundin ang kasiyahan, sa sinasabi ng iba ay hindi na makikinig. Maglalakbay kasama ang kaniyang mga matatalik na kaibigan, at unang pag-ibig.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.