Luha sa Dos-Por-Dos

(Photo Credit; healthappeal.ca)
(Photo Credit; healthappeal.ca)
(Photo Credit; healthappeal.ca)

Karen kung ako’y tawagin sa amin. Panganay sa limang magkakapatid. Laking mahirap na sa murang edad ay napasabak sa ibat-ibang trabaho, mapabukid man o sa palengke. Namulat sa isang buhay na isang kahig, isang tuka. Si Nanay ay labandera at ang Tatay ko naman ay iresponsable. Kaya sa murang edad ko ay natuto akong maghanapbuhay, para makatulong sa aking ina. Sa awa naman ng Diyos, kahit paano’y nakapag-aral at nakatuntong sa kolehiyo. Sa hirap ng buhay namin, ‘di ko aakalain na makapag-aaral pa kami ng mga kapatid ko.

Nasa 3rd year collage ako nang makilala ang lalaking nagpatibok ng aking puso, naging kami hanggang sa nagbunga ang aming pagmamahalan. Nagpakasal kami kahit tutol ang aking ina dahil sa ang lalaking aking napili ay hindi niya gusto, at sa tingin niya ay ‘di mapagkakatiwalaang tao. Pero ipinilit ko pa rin dahil na rin sa dinadala ko sa aking sinapupunan. Sa unang mga buwan ng aming pagsasama, naging ok pa naman at ipinagpatuloy ko pa ang aking pag-aaral, pero noong 2nd sem na ay hindi na ako nakapasok dahil dito na nagsimula ang kalbaryo ng aking buhay.

Sa kalagayan kong buntis, nagagawa niya akong saktan dahil lang sa mga bagay na walang kabuluhan kung iyong titingnan. Mahilig siyang mag-alaga ng mga manok panabong. Sa tuwing may ‘di magandang nangyayari sa mga manok niya, sa akin niya ibinubunton ang galit niya. Sa kanya ko naranasan ang mapalo ng dos-por-dos sa puwet kahit ako’y nagdadalantao. Wala akong magawa kundi umiyak na lamang. Nandiyan ‘yung kahit kumakain ka, babatukan ka na lang nang bigla. Nandiyan ‘yung palalabasin ka ng bahay kahit gabing-gabi na, patutulugin sa malamok nilang beranda. Lahat ng sakit ng katawan, naranasan ko sa kanya sa unang taon pa lamang ng aming pagsasama bilang mag-asawa. At ang lahat nang ito ay lingid sa aking mga magulang. Dahil ayaw kung sumbatan nila ako sa naging desisyon ko. Ang prinsipyo ko ay pinasok kong mag-isa, kaya ako rin ang magreresolba nito.

Ikapitong buwan ng aking pagdadalangtao, napaaga ang aking pagluluwal sa aking anak na lalaki. Hindi ako handa sa mga oras na iyon, pero ang aking ina pa rin ang nasa aking tabi at hindi niya ako natiis kahit pa ayaw niya sa aking napangasawa. Akala ko ay  magbabago na ang trato niya sa akin, pero mali ako, naging malupit siya kahit sa kaunting mga bagay lamamg, lalo na ‘pag nakainom na.

Tatlong taon ang aking anak nang magpasya akong magtinda sa palengke ng isda. At sa awa ng Diyos ay naging maayos ang aking kita, at doon naman siya lalong naging batugan. Paggising ko ng umaga diretso ako sa palengke at sa pag-uwi ko ng tanghali, ako pa ang magluluto, ‘di man lang niya ako matulungan. Dahil sa laking hirap at alam ang pasikot-sikot ng buhay sa palengke, lahat ng maaring mapagkakakitaan ay ginawa kong mag isa. Andiyan yong tuwing November ay umaakyat ako ng Baguio at mamamakyaw ng bulaklak at ibinebenta sa todos los santos. Twing December, iba na naman, ganon din pag January, at tsaka sa graduation, ibang raket ulit.

Lahat ay tiniis ko, ang  kumayod nang mag-isa at ang aking asawa ay napakasarap ng buhay; maluho pa sa katawan na ako naman ang gumagastos. Ang sama-sama ng loob ko sa mga sandaling sasabihing mamasyal kami sa mall ng anak namin, pero siya lang ang masaya dahil kapag nabili ang gamit niya ay agad na kaming uuwi kahit wala man lang akong nabili para sa amin ng anak ko at ‘di ko man lang siya naipasyal. Gusto kong umiyak, pero pinipigilan ko kaysa naman saktan pa niya ako. Lahat ‘yun ay tiniis ko.

Walang araw na wala akong pasa sa katawan kahit pa akoy nagtitinda. Hindi ko ininda ang sakit ng katawan, kumita lang. At ang lahat nang ito ay lingid sa lahat. Ipinapakita kong maayos ang lahat dahil ayaw kong masira ang pamilyang pilit kong inaayos. Pero ang lahat ay may hanggana, ‘ika nga nila.

Limang taon ang anak namin at huling araw na nakapiling ko siya sa bahay na kung saan kami nakatira. At huling gabi ng pananakit niya sa akin. Pananakit na ‘halos ikamatay ko mismo sa harap ng aking nagmamakaawang anak na akoy lubayan na. Sa murang edad niya ay nakita niya kung paano ako pagmalupitan ng kanyang ama. Doon ay nagpasya na akong umalis nang ‘di naisama ang anak ko dahil sa takot na ako’y mapatay pa niya. Isang desisyon sa buhay ko na napakasakit. Tiniis ko ang mawalay sa anak ko. Na sa tuwing tatawagan ko at kakausapin ay sasabihing ‘mama umuwi ka na, maysakit ako. Sinumpong na naman ang hika ko.’

Isang pag-uusap mula sa musmos kong anak na kailangan ako sa mga sandaling iyon, ngunit wala akong magawa. Mga araw na nagmamakaawang balikan ko siya. Pero ‘di ko nagawa, naging duwag ako at pinanindigan kong hindi na babalik sa ama niya. Isang pangyayaring dumurog sa pagkatao ko bilang ina.

Tiniis ko ang bawat sakit na pumapasok sa puso ko t’wing sasabihin niyang ‘mama, namiss na kita, ‘di nila ako inaalagaan dito.’ Napakasakit, sobrang sakit na nadamay ang anak ko sa kalupitan ng ama niya. Ngunit nagpakatatag ako kaysa mawalan siyang tuluyan ng ina.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon, labag man sa kalooban ko ay nag-apply at nakaalis ako ng bansa. At yon ang time na nalaman ng aking mga magulang ang tunay na dahilan ng aking paglayo. Walang silang ibang nasabi kundi bakit ‘di mo sinabi na ganoon ang naging kalagayan mo sa kanya?  na ni minsan ‘di mo natikman ang lupit ng aming mga kamay. Pero nakapagdesisyon na akong lalayo upang doon ay makalimot at makapagsimulang ulit. Ngunit hindi naging madali ang lahat sa t’wing tatawag ako sa aking ina at kumustahin ang aking anak ay sinasabing tinatago na siya ng kanyang ama at ang masakit na sabihin sa aking anak na ako’y patay na. Tiniis ko ang lahat ng sakit na malayo sa aking anak na ni boses nya ay ‘di ko mapakinggan. Isang katotohanang wala akong magawa kundi umiyak. Kaya nagpakatatag ako hanggang natapos ko ang dalawa taon at sa wakas ay muli kong makikita at mayayakap ang aking anak.

Ngayon ilang balik ko dito sa ibang bansa wala man sa piling ko at wala man sa pangangalaga ng aking pamilya ang aking anak, masaya akong sa kabila ng mga ‘di birong napagdaanan naming mag-ina ay masaya akong nalagpasan ko ang bangungot ng aking buhay at naitataguyod ko siya sa kanyang pag-aaral. At naipakitang hindi patay ang kanyang ina, na ‘di siya kinalimutan at pinabayaan kundi ginawa ko ang tama upang hindi ako tuluyang mawala sa kanya sa kamay ng malupit niyang ama.

Ngayon masaya akong nalampasan ko ang lahat pitong taon na ang nakararaan. Na kung ‘di dahil sa desiesyon na aking ginawa kapalit ng pag-iyak ng anak ay kalbaryo pa rin marahil ang aking buhay sa piling ng lalaking malupit na minsan ay aking minahal.

Minsan may mga bagay sa ating buhay na dumarating gustuhin man natin o hindi na magbibigay sa atin ng magandang aral. Aral na kung paano makipaglaban sa pagsubok sa buhay kapalit man nito ay isang masakit na katotohanang kaylan man ay dimo pinangarap. Ngunit dito makikita ang tibay at tatag mo lalo pat kung ang ipinaglalaban at ginagawang sakripisyo ay para sa anak mo. Lahat ng sakit at pagtitiis ay kakayanin mo alang-alang sa kanya. Wala nang mas sasakit pa sa malayo sa nagmamakaawang anak na ika’y bumalik at mag-alaga sa kanya, ngunit walang tatamis sa isang ngiting maibibigay niya na malamang ika’y nagpakatatag para lang sa kinabukasan niya at magkakasama kayo nang mas matagal pa.

Sana kapulutan ng kaunting aral ang aking ibinahaging masalimuot na buhay. Ngunit ngayon ay masaya na kahit mag-isa at ang aking anak ang nagiging lakas ko sa araw-araw na pakikibaka.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)