Lord, pahingi naman ng biyaya (An OFW Story)

Credit: darwincruz20.wordpress.co

handsKani-kanina lang ay nag-iisip ako.
Biglang nalungkot.
Eto na naman kasi ako at nandito na namang muli sa Qatar.
Bubuno na naman ng maraming buwan.

Napagmasdan ko itong tablet ko.
Tatlong taon na rin pala.
Lumang luma na.
Pagod na pagod na sa aking pagkaadik sa dutdot.
Hindi ko binili ito.
Bigay lang ito ni boss Jay Sacriz.
Naku, Thank you talaga sa kanya.

Iniisip ko…
Ano nga ba’ng nabili ko para sa sarili ko sa loob ng limang taon?

Matay ko mang isipin wala talaga.
Wala akong relos.
Wala akong singsing.
Wala akong kwintas.
Wala rin akong nabiling sapatos at di naman kailangan ng bago kasi wala naman akong popormahan.

Hindi naman ako kuripot o matipid.
Talaga lang walang natitira sa aking sahod.
Sa pag-aaral ng mga bata napupunta.
Nagkakautang pa nga eh.
Kasi maliit lang ang sahod ko.
Kaya wala.
Ano pa mabibili ko?

Kaya para huwag kong mapansin ang aking sarili ay Facebook na lang.
Hehehehe!
Kaso…
Nakikita ko naman ‘yung mga larawan ng mga taong sagana.

Sabi ko, buti pa sila.
Tadtad ng biyaya ng Diyos.
Samantalang ako, ni bisikleta hindi man lang mabigyan.
Marami din akong gusto ah.
Wala ni isang napasa-akin.
Emo emo na sana ako.

Tinatanong ko na nga ang Diyos, eh.
Sabi ko “Mahal mo ba ako?”

At isusunod ko na sana ang tanong na:
“Kailan mo ako bibigyan ng biyaya?”

Pero nag-message itong anak ko.

“Papa, sa biyernes, Toga picture taking namin. Exited po ako.”

Natigilan akong bigla.
Naisip kong sumagot si Lord.

“Hindi ko ba bigay sa iyo iyang biyayang nakapagpatapos ka na naman ng isang anak? Ang hinahanap mo ay para sa iyong ikasisiya. Hindi ka ba nasisiyahan diyan, Mr. Clown?”

“Lord, masayang-masayang-masaya po. Thank you po. I love you,” ang bulong ko.

Mali pala kung titignan ko ang sarili ko.
Dapat pala ang tignan ko ay ‘yung mga mahalagang tao sa akin.
Nasa kanila pala ang mga biyaya ko mula kay Lord.
Kasiyahan ko na rin pala ang makita silang masaya.

About mr clown

Hindi po ako writer. Trying hard lang po. Naglilibang lang at baka sakaling sa paglilibang ko ay malibang din kayo. Oh, e di everybody happy. Hek! Hek! ~ mr clown c")