Long Distance Affair

“Thank you for liking my pics”  mga unang salitang naging daan ng aming pagkakilala. Ewan bakit ganun,  parang nakakakilig ang i-like ang mga pictures ko sa Facebook. Ang alam ko hindi niya talaga ako kilala.

“Kilala mo ba ako?”  kahit naman oo ang isagot niya, imposible na matandaan ako o makilala man lang. Hindi nagkaroon ng pagkakataon na magkakilala kami noon.

Twenty five years ago, unang taon ng High School, hindi naman niya ako naging classmate. Pero kilala ko siya, popular kasi, lalo na ang itsura, kahawig ng sikat na basketbolista noon. Kaya madaming nagkakagusto at isa na ako na tahimik na patingin-tingin lang.  At dahil bata pa ako noon hindi ako gumawa ng ano mang paraan para magkakilala kami. Isang taon lang akong namalagi sa paaralang yun at sa magulong lungsod ko pinagpatuloy ang aking pag-aaral. Madali palang kalimutan ang mga bagay na ginusto mo lang,  na walang malalim na koneksyon sa buhay mo. Kaya akala ko nalimutan ko na ang lihim kong pagtingin noon.

Heto siya ngayun kinakausap ako, at unang nag la-like ng mga pictures na post ko sa facebook. Mixed emotions  yun ang una kong naramdaman, parang tila dati nang ka-close kung makipag usap sa kanya, sobra akong makulit, sobra akong magpatawa. Nararamdaman ko ang bawat saya at halakhak niya tuwing mag bibitaw ako ng mga jokes. Corny pero bakit ang saya saya nya, parang ngayun lang nagkaroon ng kausap na makulit. Pakiramdam ko tuloy ako si Vice Ganda na laging nagbibitaw ng mga pasabog na salita na nakakapagpatawa ng buong madla.

“ Hi  ikaw naman ngayun ang maagang naka smile dahil may very good morning kang matatanggap”  nasa sasakyan ako nang mabasa ko yun, mukha daw akong tanga sabi ng nag mamaneho ng van na sinasakyan ko patungong simbahan.

“ Hi, good morning, gusto mo ba i-pag pray kita papunta ako ng simbahan ngayun eh.”

“ Kung ano na lang ang ipe- pray mo yun na lang din ang sa akin, hehehe.”

“ Ang alin ang gumanda at sumeksi?”

“Hahaha, ikaw talaga cute ka…”

“Anong oras ka uuwi nyan ha?” nakangiting basa ko sa message nya. Sa isip ko aba at kung makapagtanong parang ka-close na.

Walang palya ang pag-uusap na yun sa FB. Dati nakakatuwaan lang, hanggang sa maging pang araw- araw ng gawain, tila naging  habit na, mahirap alisin sa sistema. Umaga, tanghali, gabi hanggang madaling araw. Hanggang…

“ akin ka na lang ha” alam ko hindi seryoso ang tanong na yun pero sinakyan ko.

“eh di sayo na ala naman ibang aangkin eh” may kilig na sagot ko. “ Masyado ka yatang nag-eenjoy makipag usap diyan”

“Oo eh sarap mo kasing kausap, kakaalis ng problema.”

“ Talaga lang ha, ganu kasarap naman”

“ Sing-sarap ng beefsteak na ulam mo kanina, hehehe”  ewan bawat sagot niya at bawat oras na nakakausap siya, tila nasa ibang dimension ang isip ko. Nagiging espesyal  bawat sandali kapag nakakausap siya. Unti-unti nararamdaman ko na nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Hindi naman talaga nakakasama, nakakausap lang pero kakaibang saya ang nararamdaman ko kapag andyan sya at kausap ako. Hindi lang chat ang nagyari  noon, madalas ay nag vivideo call na rin. Sobrang sarap pakinggan ng kanyang boses, nakakakilig, nakakaalis ng pagod.

Mula noon, marami akong iniwasang mga tao. Maraming activities na hindi dinaluhan dahil ayaw kong maputol ang pakikipag usap sa kanya. Naging sapat  ang bawat presensya nya sa FB at Skype para mabuo ang araw ko. Ang dating outgoing personality ko ay nakahon. Pero alam ko ang saya saya ko. Nakuntento na siya lang ang kinakausap at pinaglalaanan ng oras. Sobra ang nilaan kong panahon para mapasaya ko ang bawat oras nya na nilalaan sa akin.

Minahal  ko ang chatmate ko ng higit pa sa mga taong minahal ko noon. Lagi kong tinatanong sa sarili ko bakit siya? Siya na malayo sakin. Siya na hindi ko lubusang kakilala at di tiyak kung talagang mahal rin ako. Pero bakit  ganito ang pagmamahal na inuukol ko para sa kanya.

Dumating ang araw na nagkita kami, pareho kaming umuwi sa Pilipinas. Kala ko mataba siya at mukha ng matanda. Akala nya chubby rin ako. Pero macho pala siya sa personal, mas mukhang bata kesa sa nakikita ko sa pictures at video call. Sabi nya, ang liit ko lang daw sarap kargahin at sexy.

Nakakakaba ang unang pagkikita namin, mas lalo kong nagustuhan ang itsura nya. Mas lalong masarap pakinggan ang boses nya sa personal. Pero kahit unang araw pa lang nang pagkikita, di maipaliwanag ang emosyon  na aming nadama. Unang gabi ng pagniniig ay sobrang init. Sa kanya ko nadama ang sobrang sarap na pagmamahal.

Bago pa kami nagkita ang dami nyang planong gawin para sa aming dalawa. Binalak naming magpunta sa magagandang lugar. Kumain sa labas, mamili, mamasyal. Pero hindi naman nangyari yun, nagkita lang ng dalawang beses at di na muling naulit pa.

Ang dahilan, mayroon siyang pamilya, at di maaring mapadalas na makipagkita sa akin. Masakit tanggapin, pero iyon ang katotohanan, minahal ko ang isang taong may pananagutan na sa buhay. Alam, ko at sobra ko ring nadama ang kanyang pagmamahal. Lumipas ang mga araw at muli akong bumalik sa ibang bansa, ang hirap dahil nasanay ako na lagi ko siyang nakakausap, pero isang buwan pa bago siya bumalik sa bansang kanyang pinagtatrabahuan.  Hindi ko alam mula noon bakit naging kakaiba ang pag-uugali ko, naging over sensitive, naging demanding. Gusto ko maglaan siya ng oras para kausapin ako habang naroon siya sa kanyang pamilya. Gusto ko patunayan niya na talagang mahal ako by giving something to remember.

Gusto kong balikan ulit ang noon- laging nakaka-excite na usapan.

“Mahal andito na ko ulit, namiss ko ang mga ngiti mo at pangungulit.” Nagising ako isang umaga at text niya agad ang nabungaran ko. Nawala lahat ng hinanakit ko, tila napawi lahat ang pangungulila ko, halos isang buwan din na di ko siya nakakausap.

“Tutulog na muna ako ha, ingat ka sa byahe mo, miss na miss kita, love you always.”

“Miss you too, pakabait ka dyan, hehehe!” nangingiting sagot ko. Masaya na naman ang araw ko, masigla na naman akong haharap sa buong maghapong mga trabaho ko.

“Mahal sa office ka na ba? May baon ka?”  yan ang mga namiss ko nung nasa bakasyon sya. Nakakataba ng puso mga simpleng salita ng pag aalala. Nung wala sya ala naman ibang nagsasabi nun.

“Bakit nga pala sa text tayo uusap? Wala ka bang net ngayun?”

“Wala pa eh, maya bili akong sim para sa net ko. Namimiss ko na ang mahal kong makulit at sexy, love you”

“Kumain ka na ba? Baka gutom lang yan. Nasaan ka ngayon?”

“Dito na po sa work ko, medyo busy na, catch you later ha, love you ulit, miss you so much!” Ganyan sya, paano mo hindi magugustuhan, malambing at napapasaya nya ang bawat sandaling nababasa ko ang mga message nya.

“I love you, namimiss kita, sana ok na pakiramdam mo, kain ka na ng lunch mo ha para makainom ng gamot, love you always.”

“I love you too, ikaw ang nagpapalakas sa akin. Thank you for loving me so dearly.”

Pero biglang nagbago ang lahat.

Hindi ko alam ang gusto kong maramdaman ngayon, ang alam ko nasasaktan ako, natutulala ano man ang ginagawa, ganun katindi ang epekto  nya. Pinipilit kong alisin ang galit, ang hinanakit. Gusto kong malaman ang dahilan bakit bigla ang pagbabago nya. Nahihirapan na akong mag-isip – ano ba talaga ang dahilan? Bakit lagi na lang akong nasasaktan. Bakit kailangan kong intindihin ang mga dahilan nya. Ngayon na pinaparamdam nya na di na ko importante sa kanya. Sobra ang sakit, kasi nag-aantay pa rin ako ng paliwanag na gusto kong intindihin. Hanggang dito na lang ba lahat lahat?

Ang dahilan nalaman ko rin, nahumaling  sya sa ibang babae na, nakasama at nai-kama. Umamin sya na natukso sya dahil malayo ako at malayo din sya sa pamilya nya. Naipagluluto sya at naaasikaso. Napakasakit  na malaman ang totoo. Ngunit sa kabila noon, ayaw nya akong tuluyang bitawan, sinasabi pa na ako daw ang tunay nyang mahal.  Mahal? Pero bakit sinasaktan? Bakit hindi inaalagaan? Dapat noon pa ako bumitaw, dahil sobrang sakit ngayon. Noon pa na nakikita ko ang malaking nyang  pagbabago. Noon pa na tinatanggap ko ng pikit mata ang mga dahilan nyang  alang katuturan para lang mapagkubli ang tuksong sinasabi nya.

Napagod akong intindihin ang lahat ng dahilan. Ang sinasabi nyang magbabago na sya. Napagod akong maghintay  ng sinasabi nyang  kami lang, dahil  nararamdaman ko sa bawat oras na di nya ako kausap at nakikita ay nasa iba syang kandungan.  Nahirapan na akong ibigay ang buong pagtitiwala ko. Pero bakit sa kabila ng lahat andun pa rin ang pagmamahal? Nasasaktan pa rin akong isipin na kahit bumitiw na ako, ay may kasama na syang iba?

“May girlfriend na ako dito sana tama na, nurse sya dito matagal na kami at mahal ko na sya, sorry na lang.” Nasa byahe ako nang mabasa ko ang text na yun  tila nabuhusan ako ng malamig na tubig, alam ko hindi sya ang mag tetext ng ganito, wala na kami bakit kailangan nya pang mag text?  Malakas ang paniniwala kong yung babae nya ang may gawa noon, kaya  tumawag ako agad, hindi nga ako nagkamali, babae ang sumagot. Gabi na noon at malamang naroon sila sa bahay ng babae, nagsasama na malamang, iyon ang nasa isip ko. Pero napakasakit pala na marinig ang boses ng babaeng ipinagpalit sa akin, at sya pa ang galit.

“ Makapal ang mukha mo, nakuha mo pang tumawag, bakit pinagsisiksikan mo pa ang sarili mo sa taong ayaw na sayo!”

Hindi ako makapagsalita hindi ko maibuka ang bibig ko, pero alam ko parang sasabog ang dibdib ko. Sobrang sakit. Hindi ko namalayan kung nasaang lugar na ako ng mga oras na yun ang layo na pala ng narating ko. Bumaba ako ng bus ng tila ala sa sarili. Bigla na lang naramdaman ko ang malakas na pagbangga ng side mirror ng isang kotse sa braso ko, saglit na huminto ang nagmamaneho may sinabi sya sa akin pero hindi ko naririnig, hindi naiintindihan at hindi ko rin ininda ang sakit ng pagkakabangga. Patuloy akong naglakad hindi ko naisip paano ako babalik sa pinanggalingan kong lugar. Malaki ang naiwang pasa sa balikat ko pero di ko nararamdaman ang sakit, mas ramdam ko ang sakit ng mga salitang binitawan ng babaeng nakausap ko. Ilang minuto ba akong tulala? Ilang minuto akong nakaupo lang sa may terminal. Bakit ganun kasakit, bakit ganun kabigat tanggapin na ang taong sobra mong minahal ay kasama na ng iba, ako na nagparaya pero bakit ako pa rin ang inaaway?  11:45 na ng gabi ng mahimasmasan ako, doon ko lang napansin ang kapaligiran ko, kinailangan ko pang magtanong kung saang lugar iyon,  nakakatakot panay ibang lahi na ang nakikita ko na hindi maintindihan ang sagot ano ang dapat sakyan pabalik?  Salamat at naisipan kong tawagan ang mga kaibigan ko at doon nagpasundo. Tahimik ako sa sasakyan ni hindi nila alam ang nagyari sakin nakita nila ang pasa sa braso ko sabi ko nabangga lang kung saan. Ayokong malaman nila ang totoo, na naging tanga ako dahil sa isang tao.

Kinabukasan galit pa rin akong ipinagpatuloy ang pagtawag ko sa kanya, nag riring lang ang cellphone pero di sinasagot, alam ko naroon at kasama nya pa ang babae nya, pero gusto ko ng sagot bakit kailangan pa akong guluhin? Bumitaw na ako sa kanya, nanahimik pero bakit natext pa at kinausap? Pakiramdam ko nang mga oras na iyon magkasabwat sila ng babae nya para lalo akong pasakitan.

Lumipas pa ang isang araw bago nya sinagot ang mga message ko, hindi na maganda ang pakiramdam ko ng araw na yun,  sobrang sakit na ng braso kong may pasa, at mataas na rin ang blood pressure.  Nag sorry pero nagagalit naman dahil sa mga masasakit na nasalitang sinabi ko. Tila nagmamalaki pa at sinabing gawin ko ano mang bagay na makakapagpasaya sa akin. Imbes na kumalma ako, hindi,  lalo akong nagalit sa mga mensahe nya. Ala na talaga ang dating pagmamahal  o kahit konting respeto man lang para sa akin.

Sobra akong nagalit, doon ko naisip bakit ganun ang naging reaksyon ko nang makausap ang babae nya? Sana naging maayos ako dahil muntik na akong masagasaan, kung namatay pala ako ng mga oras na yun, di nila malalaman na sila ang dahilan, kung namatay ako paano ang pamilya ko? At dahil yun sa babae nya.

Mabait ako, madaling kausapin,  madaling mapaniwala sana kinausap ako ng maayos, hindi pinagmamalakihan. Dahil nang mga oras na yun alam ko boses nya lang ang magpapakalma sakin pero hindi nya ginawa.

Nalaman ng pamilya nya ang tungkol sa kanila ng babae nya. Nasaktan siya  at nagalit siya sa akin nang husto. Ako ang sinisisi. Pero bakit ako? Di ba dapat yung babae niya? Kasi yun ang nanggulo sa katahimikan ng lahat.

Alam ko hindi na maibabalik sa dati ano mang magagandang  bagay na nagpasaya sa amin noon. Hindi na rin naman ako umaasa pa  dahil  ala na ang pagtitiwala, ala na rin ang respeto, pero bakit andoon pa rin ang pagmamahal?  Alam ko darating din ang araw na mawawala ito, tulad ng sakit na dinulot ko rin sa buhay nya. Sana maisip nya na nangyari ang lahat dahil hindi sya nakuntento, dahil hindi sya naging totoo.

Maraming pangyayaring masasakit sa halos dalawang taon naming dalawa, pero marami rin ang magaganda at mula ngayon doon ko na lang itutoon ang isip ko, ang isipin ang magaganda, ang isipin ang umpisa at balewalain ang lahat ng sakit, alisin ang lahat ng hinanakit.

Kung dumating man ang araw na magkikita kami ulit gugustuhin ko pa rin siyang makausap, maakap at makasama kahit minuto lang. Maparamdam na sa kabila ng pananakit ay naroon pa rin ang tunay na pagmamahal na di na kailan man mawawala,  doon ko sasabihin napatawad ko na siya at sasabihin – “ Mahal na mahal pa rin kita.”

About Emode

I write if I am emotionally sad, I write if am deeply happy. I write if I am in-love, I write if I am angry... I write because I have lots of stories in my mind, I think my emotion is my motivation why I can compose articles, because I write what’s on my mind, what I feel and what I dreamed for…