Lintik na Due Process

Ang kaunlaran ng isang bansa ay nasusukat sa naglalakihang gusali, maraming trabaho, biglaang pagsulpot ng mga bagong establisymento, ayos na daan, kaliwa’t kanang proyekto ng pribado at pampublikong sector.

Credits to Francis Dave Azores for the Photo
Credits to Francis Dave Azores for the Photo

Isang karaniwang photobomber ang makikita ninyo sa larawan sa bagong bukas na Goldilocks sa aming lugar. kung saan ang manlilimos na babae ay nakisabay din sa opening,

“Maraming tao dahil sa opening kaya marami din akong makukuha dito”, yan siguro ang nasa isip ng babae.

Bagamat hindi ko alam kung naka quota siya or wala dahil wala naman talaga ako dun, ang simpleng larawang ito ay sumasalamin sa ating bayang naghihikahos sa kahihiyan at sa likod ng naggagandahang patalastas ng gobyerno tungkol sa mga nagawang proyekto na lumalabas lang kapag malapit na ang halalan, ang bayang kinatatayuan mo ngayon ay malayo pa sa tinatawag nating “kaunlaran”.

Dahil sa bawat naglalakihang gusali ay may mga taong walang bahay at nagpapalaboy-laboy lang sa daan.

Dahil sa napakaraming trabaho sa Pilipinas, ewan ko ba at walang napapasukan.

Dahil sa bawat pagsulpot ng mga bagong establisyimento ay mga sumusulpot ding nagdadala ng bata at ginagamit sa paglilimos.

Dahil sa bawat ayos na daan ay may mga pulitikong nakakuha na ng commission at naging kadahilanan na ng pag kaunti ng badget sa paggawa ng proyekto kaya napipilitang bumili ng mumurahing-kalidad na produkto at ilang taon lang ay nasisira na at inaayos muli at nagkataon namang pag malapit na ang halalan.

Idagdag mo pa yung mga negosyante, pribadong sector na balak magtayo nang negosyo, kung hindi mo bibigyan nang “PAMPADULAS” ang mga taong nakaupo sa gobyerno ay wag ka nang umasang matatayo ang negosyo mo.

Marami akong naririnig, mga kakilala na umalis, tumigil sa pagtrabaho sa pangasiwaan ng gobyerno dahil na rin sa ‘di masikmurang kalakalan ng katiwalian.

Nakapanlulumong isiping ang buwis na kinakaltas sa iyo buwan buwan ay napupunta sa mga taong halang ang sikmura at matapos mabisto “I am sorry” at “I invoke my rights against self-incrimination” nalang ang bukambibig.

Dahil sa bawat kaliwa’t kanang proyekto ng gobyerno, kaliwa’t kanan din ang mga pulitikong nag-aabang at naghihintay kung kailan pwedeng sumunggab na parang mga leon.

Di makulong-kulong ang mga taong ito.

Dahil kung hindi sakit ang dahilan, doon naman sila kay due process kumakapit, Diyan! Dahil sa lintik na due process na yan kaya di tayo umuunlad, due process na ang may karapatan lang ay ang mga taong makakapal ang pitaka at mga taong parang mga linta kung makakapit at makasipsip sa mga pulitiko. Mga mayayamang taong kayang tumbasan ang halaga nang dignidad nang taong may hawak sa kaso.

Mga taong maimpluwensiya at kayang baluktutin ang batas at idaan na lang sa due process. habang ‘yung mga taong walang alam sa batas, dukha, at hindi maimpluwensiya, ‘di na kailangan ang “I am sorry” at “I invoke my right against self-incrimination”. Dahil kahit hindi sapat ang ebidensiya, bagsak pa rin sa selda.

About animelover_manga

just a nobody, wanted to be somebody. through my writing and imagination. visit my poem site.. http://levikarl.blogspot.com/