“Limang Minuto”

Minsan may mga taong dumarating sa buhay natin ng hindi natin inaasahan. Mga taong hindi natin kaano-ano, pero sila pa ang laging nandiyan, at sa lahat ng oras, handa tayong damayan.

Bakit nga ba nasa buhay natin sila? Bakit natin sila kailangan? Ano ba ang wala tayo at pinupunan nila ‘to?

Pamilya? Meron nga ba ako nito? Namulat akong salat sa tamang pag-iisip para maintindihan ang lahat, pero malaki na ako ngayon. Wala akong masyadong maalala, pero hindi ko makakalimutang lagi lang akong mag-isa. Kaya ang salitang “pamilya” hindi ko pa rin masyadong maramdaman. Manhid na siguro ako sa nakaraan? O wala akong nakikitang pagbabago? Hindi pa rin ‘to buo? O sagrado? Watak-watak. Pag kaharap mo sila putak ng putak. Masakit sa tenga pakinggan. Hindi ka na bata para lunukin mo ulit lahat ng pait at sakit na ‘yong nararamdaman. Masyado ka mang mahina para labanan ang mga ayaw mo at di mo gusto noon, pero hindi na ngayon.

Lahat ng panahon at sitwasyon, nagbabago.

Kaya mas komportable ka sa malasakit at kalinga ng iba. Sa kanila ka humuhugot ng lakas. Doon ka k’se nasanay. Walang Nanay. Walang Tatay. Walang mga kapatid. Huli na para mabuo mo ang pagkatao mo, dahil iniwan ka nila sa ere ng mahabang panahon. Kaya pati pagkakataon nahihiya nang lumapit sa’yo. Nasasaktan siguro ‘to para sa’yo, isang batang may mabuting hangarin, pero pinagdamotan ng mundo.

child walking photo
Photo by Skitterphoto (Pixabay)

Maliit ka pa lang, nakikita mo na ang landas na tatahakin mo. Malayo sa mga taong walang pagmamahal sa’yo. Malayong-malayo sa mga taong walang tiwala at hindi masaya sa mga naabot at narating mo. Dahil sa simula’t sapul, bato na sa’yo ang kanilang ipinukol. Manhid ka na at walang maramdaman sa umusbong na bukol.

Tanggap mo na ‘yon. Ito na ang buhay mo ngayon. Umiikot sa mga taong totoong nagmamahal at nagmamalasakit sa’yo. Mga taong hinding-hindi ka iiwan kahit bigyan mo pa sila ng maraming dahilan para gawin ‘to. Sila ang dahilan kumbakit ka nagpursige, natutong ngumiti. Tumawa. Umayaw na sa “hugot” at hinanap ang “luwag” kaya nga nagkaroon ng “Inday Luwag”. 🙂

At sa pangalawang pagkakataon, tatanungin ko ulit ang aking sarili? “Ano nga ba ang buhay?

(Photo credit: Google images)

“Limang minuto?” Oo. Limang minuto para isipin ang kahalagahan nito. ‘Yung para bang paggising mo isang umaga, may limang minuto ka pa para bumalik at humiga ulit sa kama? Limang minuto para ipikit ulit ang mga mata mo? Dahil mamaya lang, isang buong araw at magdamagan ang haharapin mo na para bang wala ng bukas?

Bakit nga ba limang minuto? Bakit hindi sampu? O, isang oras? O kalahati?

Siguro dahil sapat na ang LIMA para baguhin ang MALI?

“Maling magtanim ng galit. Galit din ang iyong aanihin.”

“Maling piliing mabuhay sa nakaraan. Ang NGAYON ay laging nakakalimutan.”

“Maling hindi magpatawad. Kahit na doon sa hindi  humihingi ng tawad. Importante ang sarili mo, matagal mo nang napatawad.”

“Maling humusga sa mga taong wala kang alam. Ni pangalan nila hindi mo alam. Magtiwala ka na lang na isa sa kanila ay tunay mong kaibigan.”

“Maling hindi magkamali. Lalo na’t pinapahalagan mo ang pagiging tama. Pero tao lang tayo, LAHAT nagkakamali.”

child walking photo
Photo by Skitterphoto (Pixabay)

Kaya sana mga ka-DF, sa maikling sulatin ko na ‘to, kahit na hindi tayo magkaano-ano, kahit na nagkakasalubong na pala tayo nang hindi ko alam, madama ninyo kahit papa’no ang malasakit ko.

Isa man akong tuldok sa mundong ibabaw na ‘to, lagi naman akong may baong katanungan para sa kapwa ko – kapwa ko masaya, kapwa ko malungkot. Isa lang ang gusto kong sagot.

“Nahulog ang puso mo, pero walang sumalo.

Magsisimula ka na ba? O, mamaya pa?

Paano kung sa limang minuto mo, wala nang matira?

Babalik ka ulit sa umpisa?”

 

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:nomatterwhat214