“Likha Ng Halik”

 

“Ano ang likha ng ‘Halik’ sa buhay mo?”

Wala lang.

Naging adik lang naman ako – adik sa “Halik”.

Nakakatawang isipin… kung kailan nasira ang TV ko at saka naman laging trending ang teleseryeng kinahuhumalingan ng lahat ngayon; ang “Halik” via ABS-CBN Channel.

Bakit nga ba patok ‘to sa masa? At kahit na doon sa mga nabibilang sa alta-sociedad? Sa loob at labas ng ‘Pinas, saanman sa mundo, laging may Pinoy na nakatutok dito? Kahit nga yata mga alagang aso, nagseselos na sa “Halik” k’se pag umere na, etchapwera na sila. Lol.

Buti na lang hindi ako aso.

Pero sa kuwentong “Halik”, hay naku, maraming aso dito…asong-ulol! 

Mas marami k’se ang galit sa mga kabit. Lalaking may kabit. Babaeng may kabit. Lahat ng mga importanteng tao na nakapaligid sa kanila, sabit!

Dahil ang mundong ginagalawan nating ‘to, hindi lamang para sa dalawang tao. Walang sinuman sa atin na hindi bahagi ng iisang pamilya.

Pero nakalulungkot isipin na ang isang masaya at buong pamilya, nasisira dahil sa kabit.

Pero bakit  sa kabila ng pagiging mali nito at parang anay na sumisira sa pamilya, marami pa rin ang gumagawa nito na parang ordinaryong libangan na lang ang pangangabit at pagpapakabit?  Kadalasang alibi, dahil tao lang, marupok, nagkakamali, natutukso?

“Saan mo kakapain ang tunay mong nararamdaman para sa asawa mo at kabit mo? Sa puso o sa puson?”

Dahil pag tunay kang asawa, ikaw pa rin ang uuwian, at pag kabit, hindi tipong sineseryoso? Fling lang? Walang personalan?

Pero ang tunay na isyu dito, nakuha mong saktan ang tunay mong asawa, ang iyong mga anak, ang iyong pamilya. At ang pinakaiingatan nilang tiwala sa ‘yo’y tuluyang mababasag at hinding-hindi na muling mabubuo, kahit pa siguro lumuha ka pa ng dugo.

“And that is why it is called a broken home. And every broken piece hurts. And nothing will ever be the same again.”

Pero sa sitwasyong ‘to nakakatawa ang laging pagdedeny ni Mister kay Misis! (o vice versa, depende kung sino ang nangangaliwa). Sabi nga ng isang kasamahan ko dati sa trabaho, “maski daw panitan pa sila buhi, di dyud mutug-an!” Pero darating ang panahon na hinding-hindi mo na maitatago ang katotohan lalo na pag may lomobo nang  tiyan! At pag labas ng bata at “naliwat nimo”,  ede-deny mo pa ba ang sarili mong mukha?

Dito rin sa teleseryeng ‘to nag level up ang BFF tandem, from “Beshies” to “Sissies”“Sissy!” Turingang “sisters” pero puwede ring shortcut sa “kulasisi!” Mga samahang walang pinagsisissyhan, tamaan man ng kidlat habang umuulan!

Maraming relate k’se tunay na nangyayari sa kasaluluyang panahon. Parang sinasabi rin sa kuwentong ‘to na “kapag gumawa ka ng kasalanan, panindigan mo.” ‘Yun lang naman siguro ang hangad ng bawat legal wife (0 husband), na maging totoo sa kanila ang kanilang Mister (o Misis). Hindi ‘yung gumagawa na nga ng kasalanan, ide-deny pa! Mas lalo lang pinalalala ang problema.

At habang pumapaimbulog pa ang “Halik” sa ABS-CBN’s Primetime Bida, marami pang puwedeng mangyari, sa mismong buhay mo.

Puwede kang baguhin nito, pero ang tanong, “handa ka bang magbago?”

“Paano kung lulong na lulong ka na sa kanyang halik? Nakikita mo ba ang likha nito sa buhay mo? Napapangiti ka ba? O, nagsisisi?”

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.