Lihim(An OFW Story)

Photo Credit:Arnelpineda.ning.com
Photo Credit:Arnelpineda.ning.com
Photo Credit:Arnelpineda.ning.com

Note: Nangyari ang kasaysayang ito nang hindi pa uso ang internet. Tanging voice tape at sulat lamang ang komunikasyon ng mga nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Nagmamadali ako nang hapong iyon papunta sa aming barracks. May bagong sulat na naman akong dumating galing sa Pilipinas. Ang totoo ay kinaiinggitan ako ng aking mga kasama dahil panay ang dating ng liham sa akin.Ang iba kasi sa aking mga kasama, madalang pa sa tag-ulan ang sulat na dumarating sa kanila kaya paulit-ulit na binabasa ang mga dating liham; hanggang sa nakabisado na. Ito na lamang kasi ang kaligayahan namin dito sa Gitnang Silangan.

Kung hindi ang asawa ko ang sumusulat sa akin ay ang kapatid kong bunsong babae. Ngayon ay galing naman sa Nanay ko ang sulat. Inamoy ko pa ito at medyo amoy bagoong pa yata he he, amoy Pinas. Agad ko itong binuksan at sabik na binasa. Pakiramdam ko kahit hindi na ako maghapunan ay ayos lamang. Subalit ako ay nagitla sa liham.

“Kumusta ka na Delfin? Kung kami ay mabuti lamang ang aming kalagayan. Huwag mong pababayaan ang iyong sarili para hindi ka magkasakit. Anak! May ipagtatapat ako sa iyo, na sana ay huwag mong dibdibin. Ang iyong asawang si Irma ay may kinahuhumalingang ibang lalaki.”

Nalamukos ko ang sulat at naikuyom ko ang aking mga kamao.

“P—–ng I—-g Babae. Kung ano pala ang inilamya ay siya palang inilandi” napadagok ako sa aking kama. Napatingin sa akin ang aking mga kasama na noon ay masayang nag-uusap-usap.

“Pare, ala e may problema ka yata. Huwag mong solohin” paalala sa akin ng kasama kong Batanguenio.

Hindi ako makapagsalita. Napakasakit pala na mabalitaan mo na ang iyong asawa na pinagkakatiwalaan mo ay magtaksil sa iyo habang ikaw ay nasa malayo. Agad akong nagtungo sa kasilyas, parang gusto kong pumatay ng tao ng mga oras na iyon. Baka kung kaharap ko lamang si Irma ay nagkagutay-gutay na ito sa poot na aking nararamdaman.

Parang sasabog ang ulo at dibdib ko sa galit, gayunpaman ay pinilit kong magpakatatag hanggang sa naramdaman kong dumadaloy ang masaganang luha. Umiyak ako nang umiyak hanggang sa lumuwag ang aking pakiramdam.

Nang gabing iyon ay hindi ako halos nakatulog. Gustong-gusto kong umuwi sa Pinas at bigwasan ang magaling kong asawa at kilalanin ang kinalolokohan niya. Nagtatanong ang aking isip, paanong nagawa sa akin iyon ni Irma. Muli kong naalala ang pagkikilala namin nang babaeng aking pinakasalanan.

Si Irma ay matalik na kaibigan ng aking kapatid na bunso na si Maybelle. Lagi siyang isinasama ng aking kapatid sa aming tahanan. Iyon ang dahilan kaya naging malapit kami sa isa’t-isa hanggang sa nanligaw na nga ako at ako naman ay tinanggap.

Proud ako dahil bukod sa maganda si Irma ay galing pa sa mabuting pamilya. Napakabait din niya at mahinhin. Limang taon na kaming kasal ngayon subalit wala pa kaming anak. Isang taon matapos kaming nagpakasal ay pumunta ako dito sa Oman. Naalala kong umiiyak siya at ayaw akong payagang umalis ngunit nagpilit ako. Para din naman sa amin sabi ko sa kaniya hanggang sa napapayag ko siya.

Tatlong taon na akong nagtatrabaho ng bigla kong matanggap ang sulat ni Nanay na nagsasabing nanlalaki ang aking asawa. Napakasakit pala.

Para akong mababaliw sa pag-iisip na ako ay pinependeho. Halos hindi ko na maayos na nagagawa ang aking trabaho. Hanggang sa kinausap ako ng aming HR personnel na isa ring Pilipino.

“Delfin, hindi ko alam kung ano ang pinagdaraanan mo. Alam mo na may kontrata ka dito at hindi ka agad makaaalis, subalit kung nagkakaganyan naman ang iyong trabaho ay maari kitang i-terminate. Huwag mo sanang masamain ngunit kailangan mo yatang bumalik sa PIlipinas at ayusin kung anumang gusot ang kinalalagyan mo ngayon.” Paliwanag ng aming HR.
Ganoon nga ang nangyari, na-terminate ako kaya ako ay umuwi ng bansa. Walang nakaaalam na ako ay umuwi dahil gusto kong hulihin at surpresahin ang makati at magaling kong asawa. Binabalak ko na kapag nahuli kong sila ay nag-uulayaw ay papatayin ko silang pareho.

Gulong-gulo ang aking isipan, ni wala akong naipon dahil ipinadala kong lahat sa PInas dahil malaki ang tiwala ko sa aking asawa. Ang pinamasahe ko ay pinag-ambag-ambagan ng aking mga kasamang pinoy.Ngayon ay nasayang ang lahat ng aking pagod at hirap dahil sa kataksilan.

Dumating ako sa aming bahay at nadatnan ko ang aking ina at ang aking kapatid na si Maybelle. Gulat na gulat ang mga ito

“Kuya Delfin, bakit hindi ka nagpasabi na darating. Nasundo ka sana namin” gulat na gulat ang aking kapatid

“ Nasaan si Irma, nasaan ang p—-g babaeng iyan” sagot ko sa pagtatanong ng aking kapatid

“Bakit kuya!, Anong ikinagagalit mo kay Ate” nagtatakang tanong ng aking kapatid. Napatingin ako kay Nanay at nakita kong putlang-putla ito na tila nakagat ng ahas.

“Huwag mong pagtakpan si Irma, Maybelle! Natanggap ko ang sulat ni Nanay, pinagtataksilan pala ako ng magaling mong kaibigan.” Pasigaw kong sambit sa aking kapatid.

“Kuya, maghunus-dili ka. Lagi kaming magkasama ni Ate at hindi ko nakitang nakipaglandian sa ibang lalaki. Ano iyang pinagsasabi mo?” Hayun si Ate at nasa pwessto ninyo ng lugaw sa palengke.”

Natigilan ako at napatingin sa aking ina na noon ay kasimputi ng suka. Pamaya-maya ay napasalampak ito sa sahig at humagulgol ng iyak.

“Patawarin ko ako Anak! Kagagawan ko ang lahat ng ito. Inaasahan ko kasi na kapag siniraan ko ang iyong asawa ay sa akin mo ipadadala ng iyong mga pera. Patawarin mo ako Anak! Nalulong kasi ako sa sugal at nangangailangan ako parati ng pera. Para akong mamamatay kapag hindi nakapunta sa saklaan”

Para akong nabingi sa aking narinig. Kung hindi ko lamang siguro siya Ina ay baka siya ang napatay ko. Matagal akong hindi nakapagsalita, pilit kong iniisip kung totoo ba ang nagaganap na ito sa aking buhay.

“Ala Inay, nagawa ninyo iyan kay Ate” nanginginig ang tinig ni Maybelle

“Paano na lamang kung andito si Ate ngayon?”

Sinikap naming magpakalma. Nag-usap na lamang kami na hindi na ipaaalam kay Irma ang nangyari,nakahihiya dahil ang sarili naming ina ang gustong manira sa aming magandang pagsasamang mag-asawa;dahil lamang sa iniimbot nito ang perang ipinadadala ko.

Salamat na lamang na niloob ng Diyos na wala si Irma nang ako’y dumating.

Hindi na ako muling bumalik pa sa Oman. Sinikap na lamang naming paunlarin ang pwesto sa palengke ni Irma. Iyon pala ang sinasabi niyang sikreto niya sa akin; bumili pala siya ng pwesto sa palengke.Naging maunlad ito hanggang sa kami ay nagkaroon ng mga anak.

Hanggang ngayon ay hindi alam ni Irma ang ginawa ni Nanay na ngayon ay namayapa na. Mananatili itong lihim hanggang sa huli.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.