Liham ng Isang Prodigal Son

Prodigal SonDear Nanay at Tatay,

Hindi po ako sumulat dahil may kailangan ako o dahil gusto kong humingi ulit ng pera. Hindi naman kasi ako palasulat kaya pagpasensiyahan n’yo na corny ako ngayon.

Nais ko lang kasi kayong pasalamatan sa mga bagay na naituro ninyo sa akin. Sa loob ng 25 na taon, saka ko lang napagtanto ang kahalagahan ng mga bagay na itinuro ninyo sa akin na noon ay binabalewala ko lang. Akala ko kasi noon madali lang lahat, akala ko stress free talaga ang buhay gaya ng sinasabi sa mga kanta at pelikula.

Aminado naman ako na Prodigal Son ako. Black sheep, suwail at pasaway. Hindi ko iniisip ang mga paghihirap ninyo diyan sa ibang bansa para lang mabigyan ako ng maganda at maayos na buhay. Pinili kong hindi tapusin kahit high school lang dahil sa tingin ko, umuulan ng pera araw-araw. Isang sabi ko lang kasi, hayan na at magbibigay na kayo. Laging sinasabi ng mga kaibigan ko na maswerte raw ako dahil may mga magulang ako na handang tugunan lahat ng pangangailangan ko-sobra sobra pa. Samantalang sila ay kailangan pang mag-ipon at magtrabaho para may pangbaon araw-araw.

Hindi ako nakinig sa mga pangaral ninyo. Lahat ng bisyo ay sinubukan ko. Mula yosi hanggang bawal na gamot ay sinubukan ko para masabi na “in” ako sa mayayaman na kabarkada ko. Minsan pa nga ay nahuli ako ng mga parak, pero dahil mayaman kayo at may pangpiyansa, napalaya agad ako.

Hindi ako naniwala noong sinabi ninyo  na wala na akong matatanggap na suporta kapag hindi ako nagbago. Ngunit binalewala ko iyon dahil alam ko naman na hindi ninyo ako matitiis. Hanggang sa isang araw, nagulat ako sa dalang balita ng aking kasintahan. Nagdadalang-tao siya; magiging isa na akong ama. Mahal ko ang kasintahan ko, ngunit sa sobrang gulat ko, hindi ako agad nakatugon sa mga tanong niya.

Noong ipaalam ko ito sa inyo, akala ko hindi kayo magagalit o magdadamdam. Alam ko kasi na hindi ninyo ako matitiis. Pero nabigla ako noong sinabi ninyo na bahala na ako sa buhay ko. Na ang papasukin ko ay isang malaking responsibilidad. Hindi na raw mababali ang salita ninyo na hindi niyo na ako tutulungan hanggat hindi ko tinutulungan ang sarili ko.

Nagalit ako—dahil sa tingin ko ngayon ko kayo kailangan bilang magulang. Ngayon ko kailangan ang gabay at mga payo ninyo pero ngayon ninyo ako inabandona. Sa sobrang galit ko sa inyo, naglayas ako. Sinama ko ang nobya ko na noon ay nalilito din. Pinanghihinaan siya ng loob dahil wala kaming pera maliban sa kakaunting pera na nasa wallet ko. Naisipan namin na ipatanggal ang bata—ngunit hindi kaya ng aming konsensiya. Pinilit ko silang buhayin kahit na naghihikahos ako at nalilipasan pa ng gutom.

Opo, lahat ng bagay na nakasanayan ko ay unti-unting nawala. Kailangan kong tipirin ang sarili ko para may ipangbayad sa renta ng bahay, check-up at araw-araw na pagkain ng magiging pamilya ko. Sinubukan kong mag-apply sa mga kompanya, ngunit walang tumanggap sa akin. Lubos akong nainsulto minsang sinabihan ako na hindi kailangan ang isang kagaya ko sa kumpanya. Wala daw kasi akong natapos, ano ang magagawa ko? Dito ko napagtanto na ang labanan sa Pilipinas ay papel, diploma at titulo. Ayaw ko mang damdamin ang masasakit na salitang natanggap ko at ang reyalidad na sumampal sa akin, hindi ko napigil ang pag-agos ng luha sa mga mata ko. Nanliit ako. Pakiramdam ko mali lahat ng desisyon ko sa buhay. Pakiramdam ko wala ng tutulong sa akin, lahat ng yabang at angas ko noon ay naglaho na. Napagtanto ko na wala pala akong silbi kung wala ako sa anino ninyo.

Ngunit ipinagpatuloy ko ang laban. Hindi ako humingi ng kahit anong tulong sa inyo. Dala ang isang panalangin, namasukan akong katiwala sa isang karinderya. Gutom, puyat at maghapong  pagod ang dinarananas ko. Ang masakit pa, kahit anong sipag at tiyaga ko kulang ang naiipon ko. Napilitan akong magtrabaho ng halos 24 oras. Sa umaga ay nagbabalat ako ng sibuyas sa palengke, sa tanghali hanggang hapon ay ako ang tumatao sa karinderya at sa madaling araw naman ay tumutulong ako sa palengke na mag-angkat ng mga gulay at karne.

Pinagtatawanan ako ng mga kakilala ko at ng maging ibang kamag-anak natin. Ngunit sa puntong iyon ay wala na akong pakialam. Ang mahalaga sa akin ay ang kapakanan ng magiging pamilya ko. Hindi ko alam kung paano kami nakaraos. Sabi nga nila, walang problema na walang solusyon at lahat ng bagay na papasukin mo ay kakayanin mo. Totoo iyan—ngunit sa karansan ko, masasabi kong mas maganda parin na pag-isipan ang mga bagay bagay bago ito pasukin—bago ka gumawa ng desisyon.

Hindi madali ang buhay. Sa mga hirap na dinanas ko, nasagi ang konsensiya ko. Kung paano ko lang nilustay ang mga bagay na pinapadala ninyo. Hindi ko ginamit ng maayos ang mga pera na binibigay ninyo. Aaminin ko na may pagsisisi ako—ngunit hindi para sa sarili ko. Pagsisisi na sana kung nakinig ako sa inyo, mas magandang buhay sana ang naibigay ko sa pamilya ko.

Ngunit nangyari na at wala na akong magagawa. Hindi ako galit dahil tinalikuran ninyo ako.Sa totoo lang hindi naman pagtalikod ang tawag sa ginawa ninyo. Tough Love ika nga nila. Tama lang sa akin ang hirap na dinanas ko. Tama lang na matutunan ko na pagsumikapan ang bawat kanin at ulam na isusubo ko. Hindi madali ang buhay kaya kailangan pahalagahan mo lahat ng biyayang natatanggap mo kahit na gaano pa ito kamahal o kamura.

Ako dapat ang humingi ng tawad dahil hindi ako nakinig sa inyo. Dahil ako ang nagkulang. Ako ang matigas ang ulo. Marami akong natutunan sa mga pinagdaanan ko. Salamat sa inyo Nanay at Tatay. Alam kong masakit din sa inyo ang pansamantalang pagtiis sa akin. Wala kasing magulang na makakatiis sa kanyang anak. Siguro ganoon lang talaga katigas ang ulo ko at umabot tayo sa ganoong punto. Patawad po sa lahat ng sakit na naidulot ko sa inyo. Pasensiya na po at naging sakit ako sa ulo.

Pangako magiging mabuti akong ama sa aking anak at asawa. Sana makauwi kayo para makita ninyo ang inyong apo.

Mahal na mahal ko po kayo at sana, mapatawad n’yo rin ako.

Nagmamahal,

___________

(A True To Life Story)

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans